PINAKAHASA ang mga blade ng cutter kapag hindi pa naikakasa. Isa sa mga alaalang hindi ko matanto ay kung bakit tila may boses na nagsasalaysay sa aking isip, o bakit may ganitong pagiging malay sa sarili at sa pangyayari, bagaman bata pa. Nailabas ko sa lalagyan ang mga blade ng cutter. May talim pa kahit ang ningning nito. Hinahati ng ilang mga diagonal na linya ang haba, dito maaaring kalasin ang napudpod nang dulo kung sakali. Pira-pirasong pagbabawas, muling pagpapatalas, subalit hindi eksaktong ganoon. Sapagkat hindi naman ito talaga tumatalas muli, binabawasan lamang at naghahanap ng kapalit. Nailabas ko ang mga blade, dahil marami-rami sa isang pakete, hindi lang iisa. Nahuli ako ng kasambay namin noon na hindi ko na maalala ang pangalan ngayon. Ate Cherry o Ate Melanie? Ate She? Hindi pala posibleng si Ate She, dahil may edad na siya noong kasama namin siya sa bahay, at wala sa alaala ko ang isang matanda. May pagkabata rin, sigurado ako, dahil tandang-tanda ko pa na hindi kami nagkaintindihan. Isang bata at isang mas bata na hindi maintindihan ang sinasabi ng bawat isa. Nailabas ko ang mga blade. Nahuli niya akong ginagawa ito. May kung anong poot at matinding pagkatakot na biglang namuo sa dibdib ko, matimpi sa simula, subalit dahan-dahang bumibigat, nagiging bato.
Nangyari ang eksenang iyon sa tinatawag kong sala ng aming bahay. Wala naman talagang mga silid sa bahay namin sapagkat walang mga pader na nagtatakda aling silid ang alin. Isang buong espasyo. Hindi naman sa maluwag ang loob ng bahay. Lagi na lang may sari-saring mga kahon, laruan, aparador, naluluma’t napapalitang sofa, ilan pang mga aparador, at mga mesang nakasabit sa dingding na nakausli sa kung saan-saang anggulo. Parang may ruta-ruta din ang paglalakad sa loob nito. Ang hagdang metal na butas-butas, inilagay sa bandang gitna kaya may mga bahagi pang kailangan yumuko para hindi maumpog. Laging patse-patse ang pagkakapinta ng pader. Ganoon rin ang hagdang nakapuwesto sa sentro ng bahay. Itim subalit may sumisilip pa ring bahaging pula. Sa kisameng puting mga kahoy na waring canvass ng pintor (subalit hindi pa rin napinturahan), hanggang ngayon ay tila makikita pa rin ang hilera ng mga ulo ng mga pakong nakapaligid sa mga sulok nito, bakas ang mga sukat na isinulat gamit ang lapis noong ikakabit pa lamang. Burador na pinili nang iwan. Kahit ang mga light bulb at lalagyan ng light bulb, para lang mga halamang gumapang palabas sa mga madidilim na butas sa kisame.
Maliwanag na maliwanag noong umagang iyon, kaya sigurado akong wala sa kisame ang mga detalyeng magtutulak sa kuwento. Subalit nariyan ang mga pader na walang pintura, o kung pininturahan ma’y hindi nasakop ang lahat. Eksena ng mga hindi matapos-tapos. Nahuli akong nailabas ang mga blade. Hindi ko alam kung gusto ko ba maglaro, o may paggagamitan ako kaya ko iyon ginawa. Hindi ko na matandaan kung alam ko nga bang mga blade ng cutter ang inilalabas ko. Hindi ko rin alam kung alam nasaan ang ibang mga tao sa bahay noon, kung bakit kaming dalawa lang ang naiwan sa eksena. Hindi ko siguro alam ang ginagawa ko, o plano kong gawin. Subalit nagsisigaw ang kasambahay. Ate Che? Ate Melanie? Basta nagsisigaw siya, o kung mas malinaw, kung pipilitin kong buuin ang kuwento, sinigawan niya ako. Sigaw na hindi naman talaga umusbong mula galit, kundi marahil nag-ugat sa pagkagulat at pagkabalisa. May hawak na blade ang bata. Narinig kaya ang mga sigaw kahit sa labas ng bahay? Tumalbog-talbog ba iyon sa napakaraming uka-uka at usli-usli ng bahay, lumusot ba sa mga butas sa kisame na kalahating nahaharangan ng light bulb, at pumili kaya ito ng mga pader na may pintura kaysa pader na wala? Sumisigaw siya. Na para bang may mali sa paglalabas ko ng isang bagay mula sa isang lalagyan.
Sa bahay uso lamang ang sigaw kapag tinatawag ang isa’t isa. Ganito na kaya noong lumipat ang nanay ko, ang tatay ko, at ang aking kuya, sa bahay na ito isang taon bago ako ipinanganak? Siguro hindi, dahil tatlo pa lamang sila. At hindi pa ipinapagawa noon ang ikalawang palapag. Ngayon, sapagkat mayroon na, at laging nagkukulong ang ikatlo sa aming apat na magkakapatid sa kanyang silid (siya lang ang may sariling silid ngayon), naging karaniwan na ang sigaw bilang paraan ng pakikipag-usap. Oy, kumain ka na! Bumaba ka nga dito! Nasaan yung earphones! Paabot naman ng tuwalya naiwan ko! Ayoko, ang tamad mo! Tigas ng ulo, sabi’ng kakain na! Kakain na nga talaga! May uwing Jollibee ngayon! Naririnig kaya kami ng kapitbahay? Dahil naririnig namin sila kapag sila ang nagsisigawan. Lalapit lang kami sa bintana at dinig na dinig ko ang malulutong na murahan mula sa umuupa sa kuwarto sa kabilang bahay. Hindi ko lang alam kung paano naglalakbay ang tunog sa ere. Kung paano nito iniiwasan ang mga pasikut-sikot na mga sulok ng bahay, kung ano ang nangyayari pagdating sa tenga ng nakaririnig.
Basta iyan lang ang pakinggan mo kasi English! Ganyan sumigaw nang hindi sumisigaw ang nanay ko. Nahilig akong makinig ng musika sa lumang radyo na uwi pa nila galing sa Santolan kung saan galing ang nanay o sa Malate kung saan galing ang tatay. Nasanay na rin kasing walang paliwanag sa bahay namin. Hindi naman kailangan linawin saan nanggaling ang radyo, o ang cabinet, o ang telepono. Sasagot naman siguro sila kung magtatanong ako, subalit hindi na rin ako nasanay magtanong. Napatango na lang ako, at siguro kahit sa isang sulok ng isip ay naisip na English naman talaga ang gusto kong pakinggan. Pinihit ko ang radyo mula sa 97.1 papuntang 107.5, at pabalik sa kabilang dulo na 88.3. Parang nakasanayang siklo. Naisaulo na ng aking mga daliri kung ilang pihit ba ang namamagitan sa mga estasyon na ito, at naisaulo na rin ng aking tenga ang mga komersyal ng bawat istasyon. Natatali ang aking isip sa tunog. Aabutin ako ng siyam-siyam kakapakinig sa radyo, kilala kahit ang mga DJ sa night shift na nagsisimula ng hatinggabi at magtatapos bandang alas-kwatro. Tumitigil lang ako tuwing dinadapuan na ng matinding antok, na minsan lang naman mangyari, o tuwing naririnig ko na may kumikilos sa ibang bahagi ng bahay. Madalas susundan ito ng paalala ng aking nanay na matulog na, laging mahina ang boses sa ganitong oras, subalit may puwersa. Kahit kaila’y hindi ko siya narinig na sumigaw tuwing ganitong madaling-araw, at hindi ko man nakukutuban na gising pala siya. Na para bang nilihim ng buong bahay na may iba pa palang tao. Tahimik ang gabi.
Pagkagising, madalas radyo agad ang inaatupag ko. Subalit mga 12 o 13 o 14 taong gulang na ako noon. May posibilidad na mahigit-kumulang 10 taon na mula noong nailabas ko ang mga di-gamit na blade ng cutter. Makabubuo na ng sariling kasaysayan ang mga sigaw na narinig ko mula noon. Marahil nagtago na sa mga lungga ng bahay at bumuo ng mga pamilya. Pamilya ng mga sigaw. Sapat na siguro ang dekada. Sapagkat hindi ko rin naman makita sa mga palad ko na may bakas ng matitinding mga sugat, magpapatuloy lang ang siklo ng araw-araw. Na parang walang nangyari. Isang kuwento, na maaari kong ikuwento, ay naglabas ako ng mga blade ng cutter noong bata ako subalit hindi na iyon naaalala ng mga palad ko. Walang nangyari.
Parang noong sumabit ang paa ng kuya ko sa mga yerong nakahanay sa labas ng bahay dahil madilim. Siguro, maaari na ring sabihin na hindi rin iyon nangyari. Wala nang ebidensiya sa katawan. Baka kahit kuya ko hindi na naaalala iyon. Nilalagyan ng katakot-takot na dami ng betadine ng nanay ko ang sugat na bumubukal ng dugo sa kaniyang paa, at tila naghahanda na ang isip ko para sa mga nakagigimbal na tunog ng sakit at pag-aray. Subalit walang dumating. Gusto kong sumigaw noon para sa kuya kong hindi man umiimik kahit pinapahiran na ng kulay-lupang bulak ang kaniyang sugat. Naramdaman kong kulang ang eksena. Sigurado ako na kung ako iyon ay nagsisigaw na, bagaman hindi pa yata ako marunong magmura noon. Sigaw lang siguro na walang salita. O sigaw na pinapatid bago maging sigaw. O kahit ano. Basta hindi katahimikan na tulad nang sa kuya ko.
Kaya noong kuyom-kuyom ko ang mga blade, kakatwa ngayon na wala ni isang salita na malapit sa salitang ‘sakit’ ang aking nagugunita. Kung tutuusin, maaari ko pa ngang malimot na cutter ng mga blade ang hawak ko. Kung wala lang akong ebidensiya, hindi ko man maaalala na blade ang pangunahing detalye sa kuwento. Bakit hindi gunting? O kaya kutsilyo? Sa totoo lang ay kalimot-limot na detalye ang mga blade ng cutter na nailabas ko sa isang lalagyan. Na maaaring nangyari rin noong mismong eksenang iyon. Nailabas ko na. Nahuli ako. Sinigawan ako. At nalimot ko na mga matatalim na blade ng cutter ang hawak ko.
Tuwing binabalikan ko ang mga eksenang alam kong naranasan ko, nabubutas sa kung saan-saang bahagi ang ganap. Parang mga video na nilagyan ng itim na kahon ang mata ng mga tao. Subalit hindi sa pagtatago, kundi dahil sa di-katiyakan. Ganito rin paminsan-minsan ang kumpas ng pagsensura. Imbis na magpakita ng di-katotohanan sapagkat hindi nga sigurado, ay mainam na lang hindi magpakita ng kahit ano. Para kahit walang naipakita ay wala namang pinakitang kasinungalingan. Naiiwan lamang ang mga buto. Ilang pirasong laman. Walang sugat. Hubad na katotohanan.
*
Sa harap ng tarangkahan ng garahe namin na dalawang kotseng magkatabi ang kasya ay ang malawak na parisukat na parking space. Matatantsang maliit na quadrangle ang sukat ng sementadong lugar na ito. Magkakasya ang flag ceremony ng isang maliit na paaralan. Subalit sa dami ng mga kotseng dumadagdag at nakikiparada ay nagiging ruta-ruta na rin kahit ang pag-ikot sa dapat maluwag na lote. Isang beses, nakisabay ako sa tatay ko sa umaga papuntang trabaho. Hindi makalabas nang maayos ang kotse mula sa garahe namin dahil nagkumpol-kumpol ang mga kotse sa parking. Hinanap ng tatay ko sa mga kapitbahay kung sino ang may-ari ng kotseng pinakabalahura sa kanilang lahat. Pagkatapos maresolba ang problemang iyon, habang ilang beses niyang inuulit sabihin sa akin sa biyahe na kung takot ka’ng magasgasan ‘e bumili ka ng bahay na may sariling garahe, na hindi ko alam kung suwerte ba o malas na kaya niyang sabihin at kaya kong paniwalaan, ay nasabi niya na. Kaya ayaw na ng nanay mo tumira diyan ‘e. Walang nagbago sa tono niya. Parehong tono lang sa tuwing magpapaabot siya ng ulam mula sa kabilang dulo ng mesa tuwing naghahapunan ang pamilya. Parehong tono lang kapag sinasabi niyang tawagin ko na kapatid mo na nagkukulong na naman sa kuwarto sa itaas. Ni minsan hindi dumapo sa isip ko na may kahit isang aayaw doon sa amin. Ang nanay ko pa na laging may pinapagawa at pinakakarpintero sa bahay: bagong tarangkahan, bagong palapag, bagong divider, bagong bubong.
Dahil palagi na lang may nadadagdag, kahit madalas ay hindi naman talaga akma ang mga bagong naidadagdag, kakaibang attensiyon tuloy ang napupukaw ng bahay naming, kaiba sa lahat ng iba pang bahay sa Katamisan. Mahirap ipaliwanag sa mga bibisita ang hitsura ng bahay. May kung anu-anong mga salamin sa harap, maaaring tawaging mala-glasshouse kahit halata namang hindi nagagamit (katanggal-tanggal ang -house na bahagi), at may tarangkahan na may hindi karaniwang kulay – beige na may halong orange pero malapit pa rin sa krayola na flesh. Sira pa ang doorbell at may layo rin ang mismong bahay mula sa tarangkahan ng garahe. Tuwing umuuwi tuloy galing paaralan o trabaho ang isa sa aming magkakapatid, maliban sa pinakabata na nag-aaral pa sa hayskul at hinahatid pa ng service na may gumaganang busina, laging katakot-takot na pagkatok sa tarangkahan ang kailangan para lamang marinig ng mga tao sa loob at mapagbuksan. Iniisip kaya ng mga kapitbahay kung bakit wala kaming doorbell samantalang may bahagi ng bahay namin na gawa naman sa salaming may tinta? Iniisip kaya nila kung bakit pinagtipiran ng mag-anak na ito ang doorbell? Iniisip kaya nila’ng bakit napakaingay ng mga nakatira dito?
Hindi ko maitatanong iyon sa kahit kanino. Huli akong nagkaroon ng kaibigan mula sa mga kapitbahay, umiinom pa ako ng gatas mula sa boteng may tsupon. Jayjay ang pangalan ng kapitbahay, anak ni Aling Minyang at Pangan. Naaalala ko ito dahil bukambibig ito ng kasambahay namin noon na si Nana. Tuwing ayaw ko raw uminom ng gatas, idinadahilan ko na bote iyon ni Jayjay. Kaya may basag. Kaya may mga tape na nakabalot. Sumpong lang iyon malamang ng isang bata. Sigurado ako sa detalyeng ito dahil hindi ko naman naaalalang magsinungaling si Nana. Isang beses lang siguro. Naikuwento ko sa kaniya na masarap ang binebenta na barbecue sa paaralan namin, P10 bawat piraso, at napakatingkad ng lasa dahil maraming sarsa. Nag-alok akong bilhan siya at nagdala ako ng maliliit na plastik noong araw na iyon. Bumili ako ng dalawang pirasong barbecue gamit ang buong P20 na baon ko, at inilagay sila sa plastik. Paglalagay ng bagay sa isang lalagyan. Subalit hindi ko alam bakit sa mura kong isip ay pinroblema ko na maaaring pumutok ang plastik sa baunan ko at magmantsa ang sarsa. Kaya sinipsip ko ang sarsa bago ibuhol ang dulo ng plastic. Hanggang sa puntong walang matatapon kahit pumutok ang plastik sa loob ng baunan. Inalok ko pagkauwi ang barbecue kay Nana. Masarap, sabi niya.
Matagal ding nakitira si Nana sa bahay namin. Subalit hindi na niya naabutan ang karamihan ng pagbabago. Isang Pasko umuwi siya sa Bicol at hindi na nagbalik. Hindi na malinaw sa akin ang mukha niya, at tuluyan ko nang nalimot ang boses niya. Mga taon ang daraan at makikilala ko rin ang pagdaan nina Ate Che, Ate Melanie, Ate She. Lahat sila, nakikilala ko pa ang mukha subalit may kahirapan na sa pag-alala ng mga boses. Ang boses ba ang pinakamahirap maalala tungkol sa mga taong hindi matagal nakasama? Ang tunog ba ang unang namamatay? Subalit malinaw pa sa akin ang tunog ng paghampas ng patpat na kahoy na pangamot sa likod (tinatawag namin ng kuya ko na “kamay-kamayan” sapagkat may kamay na nakaukit) sa aming balat tuwing ginagalit namin si Nana. Nasusukat sa lakas ng tunog ang antas ng sakit kaysa sa bakas na maiiwan sa balat. Takot kami sa kamay-kamayan ni Nana sa parehong paraan na takot kami sa sinturon ng tatay. Tunog pa lang ay mahapdi na.
Hindi na makadadama ng ganitong espisipikong takot ang mga mas bata kong kapatid sapagkat hindi na ginawang pamparusa ng tatay ko ang sinturon. Umalis na rin si Nana. Kakatwa nga ay halos hindi na nagpaparusa ang tatay at napasa na ang responsibilidad sa nanay. Walang alinmang instrumento ang nanay, boses lamang. Magsisimula lang siya, huwag kang magdadabog-dabog sa pamamahay na ‘to, kundi makakatikim ka na talaga. Habang hindi tinitingnan sa mata ang may-kasalanan. Habang may ibang ginagawa. Sumisimangot saka natatakot na agad ang mga kapatid ko. Na para bang nakaririnding tunog ang boses na nagpapaalala na magkaro’n ng utang na loob. Habang ako naman ang nanonood. Naririnig kaya kami ng kapitbahay? Mute kaya ang palabas? Hindi dahil wala akong pakialam kundi dahil may kung ano sa loob ko na nagiging kasimbigat ng sako ng mga bato.
Pagkatapos ng ganoong klaseng alitan ay magpapatuloy ang lahat na parang walang nangyari. Walang ebidensiya. Maya-maya’y matutulog ang nanay ko sa sala, subalit bago siya matulog, si tatay naman ang naroon at nanonood ng mga pelikula sa telebisyon. Pinapanood kahit ilang beses nang umulit ang mga palabas. Nakakabisado na ang mga linya sa Men in Black at The Matrix. Minsan masyadong malakas ang volume ng kanyang pinapanood. Kahit nasa banyo ako na lagpas pa ng hagdan at ilang metro ang layo sa sala ay naririnig ko pa rin ang mga pagsabog at pagbabarilan. Dahilan kung bakit minsan ay galit-galit na rin ang pagkatok sa tarangkahan ng sinumang kauuwi lang. Wala kasing makarinig. Mauuwi pa minsan sa pagtawag sa cellphone ng sinumang nasa bahay para maipagbukas at makapasok.
Isang beses, galing sa mahaba-habang commute pauwi dahil maraming hukay na ginagawa sa Imelda Avenue, mainit ang ulo ko habang kumakatok sa tarangkahan. Walang nakakarinig. Tinawagan ko ang kapatid ko, sumagot siya, at sinabi kong ipagbukas naman ako ng gate. Ngumawa siya, sabay sabi sa akin, may mga tao naman daw sa baba. Inis na inis ang tono. Hindi naman ako tatawag kung naririnig ako ng mga tao sa baba. Hindi naman ako hihingi ng pabor kung kaya ko namang solusyonan nang walang tulong ng iba. Subalit wala akong pinaliwanag sa kaniya. Minura ko lang siya. Hindi kami nag-usap ng halos isang linggo, at sinadya kong hindi kami magsabay ng pagcommute kahit pareho lang kami ng pinupuntahan. Minsan, umaalis ako labinlimang minuto lamang bago o pagkatapos siya umalis. Para lang hindi kami magkita at magkausap. Malamang sa malamang, ako pa ang pinagalitan ng nanay ko. Sumagot lang ako, wala akong pakialam, maghanap siya ng kasabay niyang magcommute. Ayaw na ayaw kong nagsasayang ng oras sa tao.
Ganyan na ganyan din ang paratang ng tatay ko sa mga kapitbahay na ayaw tumulong sa paglalagay ng sistema sa parking sa Katamisan. Isang meeting lang naman daw ay kaya nang ayusin lahat iyan. Wala naman daw mapapala sa pagmamatigas. Wala akong masabi kundi Oo nga ‘e. Hindi na kasi ako sanay makipag-usap sa kanya. Suwerte na ang pag-uusap na tumatagal lagpas ng tatlong pagpapalitan ng tanong at sagot. Bilang na bilang ko pa ang mahahaba naming usapan sa nakaraang mga taon. Siguro, isa o dalawang mahabang usapan bawat taon. Lahat tuwing sumasabay ako sa kaniya sa kotse sa umaga o sa biyahe pauwi. Minsang kinumusta niya ang laro ng paborito kong kupunan sa basketball dahil iyon din daw ang bukambibig ng mga kaopisina niyang mas bata sa kanya. Minsang nagpaliwanag siya tungkol sa pag-iingat sa pagmamaneho dahil nabangga na naman ng kuya ko ang kotse sa pang- ilang pagkakataon. Minsang ipinaliwanag niya ang uri ng mga taong nakakausap niya sa trabaho, minsang ibinahagi niya ang mga kuwento ng dayuhang galing India na bumibisita sa opisina nila dahil ipinadala ng sister company. Siya kasi ang natokang ihatid pauwi araw-araw ang bisita sa hotel na tinutuluyan dahil madadaanan naman niya iyon sa ruta papuntang bahay namin. Nasabi ko pang minsan subalit iyan na yata ang lahat ng pinag-usapan namin sa nakaraang limang taon.
Lahat ng balita ko tungkol sa tatay, naririnig ko sa mga pakikipag-usap niya kay nanay tuwing almusal sa umaga. Habang pinag-uusapan nila ang mga bagong ipapagawa sa bahay. O kaya sa pangungulit niya sa mga kapatid kong babae pag-uwi. Sa kaunting mga pagkakataon na nakararating siya sa bahay bago mag-alas-otso, nasasabayan niya pa kasi ang mga ito sa hapunan. Samantalang ako, nagkukunwaring may ibang ginagawa, at hindi man tumitingin sa eksena. Kunwari’y nanonood ng palabas sa telebisyon. Kapag nararamdaman ko nang patapos na siya kumain, pasimple ko nang inililipat ang channel mula sa basketball na pinapanood ko patungo sa channel na puro mga pelikula. Pasimpleng mag-uunat, pasimpleng hihikab. Pagtatanghal. Inaantok na ako, akyat na ako. Maaga ako bukas, pagising na lang ng mga alas singko.
Ilang beses na akong nagkakabangungot ng magkahalong aksyon at drama. Sa gitna ng mga katha-kathang alitan sa mga tao sa panaginip, bigla na lang may magbabarilan. Hindi ko maalala kung may mga namamatay. Saka biglang may sasabog. Hindi mahalaga ang ibang mga detalye.
*
Ginawang main road ng mga sasakyan ang “village” namin, kahit hindi naman talaga dapat ganito. Dalawang lane lang kasi ang mayroon at puro traysikel pa ang dumadaan. Tuwing rush hour, ginagawa kaming shortcut ng mga sasakyang ayaw umikot hanggang Antipolo Junction o Sta. Lucia (kahabaan ng Imelda Avenue) papuntang Ligaya o Rosario (kahabaan ng E. Amang Rodriguez Avenue). Sa amin madalas dumaan kung mula sa Ortigas ay papunta ng Marcos Highway o kabaligtaran, dahil naiiwasan ang napakabagal na usad ng mga kotse sa bandang Junction at sa may Rosario. Kumbaga, dadaan na lamang sa pasikot-sikot na ruta’t sulok ng Karangalan Village imbis na tiisin ang ayaw tiisin. May parikala doon na hindi ko matumbok.
Tuwing rush hour, aabutin ng higit na apatnapung minuto ang pagbiyahe pa lang palabas ng village kung kotse ang gagamitin. Dalawampung minuto naman kung traysikel. Mas mabilis ito nang kaunti dahil eksperto na ang mga traysikel sa amin pagdating sa sining ng counterflow. Kung kailan haharurot sa kabilang lane at kung kailan lulusot sa pagitan ng dalawang kotseng nag-iwan ng puwang. Nakakaasiwa lamang ito dahil napakahirap na rin makahanap ng traysikel na walang laman sa ganitong oras. Nakakaasiwa sapagkat kung lalakarin, kaunting dagdag lang sa sampung minuto ang buong biyahe. Nakakaasiwa, higit sa lahat, dahil nakakaengganyo naman talagang maglakad. Subalit walang malalakaran. Hindi kasi natapos ang pagsemento at pag-ayos ng mga bangketa. Kung maglalakad sa kalye kung saan paparating ang mga kotse (upang makita man lamang kung may paparating) ay hindi rin ligtas dahil sa mga traysikel na may sariling mga batas pagdating sa counterflow. Idagdag pa sa dami ng mga sasakyang nakikiraan ay ang dala nilang mga ulap ng usok at walang-patumanggang pagbubusina. Kung kailangan maglakad ay kakayanin naman, subalit mainam na lang ding iwasan.
Tuwing ginagabi naman ako nang husto sa pag-uwi, ilang patak na lang at hatinggabi na, ay hindi aabot ng limang minuto sa de-padyak na pedicab ang biyahe mula kahit aling dulo ng village naming main road papunta sa bahay. Sa totoo lang, ang mahahaba kong biyahe ay palaging dahil sa trapik at hindi naman talaga sa distansiya. Ano kaya ang pakiramdam ng malayo ang inuuwian? Marahil nakakabagot. Nauubos siguro ang lahat ng puwedeng isipin. Halimbawa, ano kaya ang mga iniisip ni Nana noong huling beses siyang umuwi patungong Bicol? Ilang oras kaya siya nasa biyahe? Ilang bus kaya ang sinakyan niya? Hindi ko masasagot dahil hindi ko alam kung saang banda siya nakatira sa Bicol. Hindi ko siya matatanong. Hindi ko rin alam ang tunay niyang pangalan. Hindi ako mahusay pagdating sa mga detalye. Bagay na hindi ko matanggap, dahil gusto kong maalala ang lahat. Dahil ang mga naaalala ko, mga eksenang pakiramdam ko hindi naman mahalaga.
Isang beses may nabasag na pinggan, gabi na, natutulog na ang lahat, may kasambahay yata kami noong mga panahong iyon na nakasabay sa pamamasukan si Nana nang ilang buwan. May itinatanong ang nanay ko sa Ate, o pagpupuna ba, hindi ko maalala, o baka nagpaparamdam yata si Nana. Wala na si Nana noon, hindi na bumalik. Hindi ko rin lubos na maintindihan, siguro dahil bata pa lang ako noon. Bakit naman hindi na siya babalik? Nag-aaway kami bilang alaga at taga-alaga, subalit wala naman yatang nangyari na hidwaan na maaaring maging dahilan ng hindi niya pagbalik. Sabi lang nila sa akin ay may naligo sa ilog, nagkasakit, tapos namatay. Paano naman namatay dahil sa pagligo sa ilog? Sino nang magbibigay sa akin ng regalo sa Pasko maliban sa nanay at tatay? Paano’ng hindi na babalik? Anong ibig sabihin nu’n? Hindi ko na siya mareregaluhan sa birthday niya? Wala na kaming pagtataguan ng kuya tuwing nilalabas ang kamay-kamayan? Wala na akong ninang? Paanong hindi na babalik?
Mas matanda sa akin ang bahay namin, kaya mas may kakayahan siguro itong sumagot. Kung marunong lang din itong makinig, marahil mas marami pa itong alam sa mga tumira dito kaysa sa akin. Kung saang eksaktong puwesto kami huling nag-usap ni Nana, iyon na ba ang eksaktong puwesto kung saan ako umuupo tuwing nanonood sa sala? Kung saang sulok kami pinahaharap sa pader at inihahanda ang sarili para sa sinturon, iyon na ba ang eksaktong puwesto kung saan kami naghuhugas ng pinggan ngayon? Ilang beses na naghunos at naglantad ang materyal ng bahay na ito. Ano kaya ang maibubulong ng mga bato? Kung tutuusin, ako lamang ang tanging nakakaalis at nakakabalik. Hindi lang ang partikular na loteng kinatatayuan nito sa Katamisan ang alam ko. Hindi lang ang main road naming Karangalan Village. Hindi lang ang maraming posibleng ruta mula Ortigas patungong Marcos Highway. Marami akong alam.
Hindi lang ang alaala ng madaldal pang tatay. Hindi lang ang alaala ng mga aparador na natuklasang inaanay kaya kinailangang baklasin at itapon. Hindi lang ang pagsalakay ng kampon ng mga ipis mula sa naiwang butas ng kanal noong nilipat sa bagong puwesto ang lababo. Hindi lang ang buwan. Hindi lang ang una naming sasakyan, puting Wrangler na Jeep na may gulong na kasinglaki ng sa maliit na trak, na ibinenta kina Pangan at Aling Minyang. Hindi lang ang mga isda sa aquarium na namatay dahil nalason ng buhangin mula sa konstraksyon at pagkakarpintero. Hindi lang ang pagpangalan ko ng “Oda” sa instrumental na kantang naisulat isang Pasko habang naaalala si Nana kahit hindi naman talaga mahusay maggitara. Hindi lang ang mahigit sampung taon na ang almusal ay champorado na may kahalong Ovaltine na tinatawag pa rin namin ni kuya na Milo. Hindi lang ang araw-araw na pagkahuli sa morning assembly sa paaralan noong sinusubok pa akong ihatid araw-araw noong elementarya. Hindi lang ang pagtawag sa akin ng nanay ko bilang makasarili sa isang liham sa aming retreat noong 4th year high school, dahil hindi raw ako katulad ng mga contestant sa mga noontime show na umiiyak habang idinedeklara sa telebisyon na ginagawa nila ang anumang ginagawa nila dahil mahal nila ang magulang nila.
Sa isip ko may biyahe. Kasing-bilis lamang ng biyahe pauwi kapag walang ibang kotse sa daan at walang pagkakataong madisgrasya. Mabilis pa sa pagkakataong sumasakay ako ng taxi pauwi alas-tres na ng umaga kung kailan nararamdaman ng nagmamaneho ng taxi na kailangan niyang masulit ang kalayaan sa bilis ng pagpapatakbo. Na para bang hinahabol ng sarili niyang anino. Kung hindi ngayon magpapatakbo ng sandaang kilometro bawat oras, kailan? Kung kailan hindi na puwede? Subalit sa isip ko, ang biyahe walang patutunguhan. Ilang bilang lamang. Mula sa isang di-matukoy na pinanggalingan patungo sa isang di-matukoy na paroroonan. Basta makagalaw, basta kailangan makita ng iba na may gumagalaw. Basta umabot sa kanila kahit ang isang pangitain, isang imahe. Mabilis lang. Pabilis nang pabilis ang takbo. At saktong hihinto sa sandali bago magsimulang kumapos ang hininga.
Sa tunay na biyahe, lagi na akong nakakapit sa makakapitan. Minsan napapadpad ako pauwi mula sa bahagi ng Marikina na malapit sa Nangka. Ang pagsakay ng mga jeep dito na Montalban-Cubao ang ruta, talagang nakalalagot ng hininga. Habang binabaybay ang Concepcion, sa bilis ng pagpapatakbo ay mas karaniwang isipin: bakit wala pang namamatay dito? O kaya bakit wala pang nababalitang aksidente dito. Dahil talagang nagkakarera ang mga jeep, nag-uunahan, nagpapatugtog ng musikang metal, at nagiging hari ng daan. May dalawang lane lamang. Napapahigpit ang hawak ko. Gusto ko na kapag tumilapon ang jeep ay handa ako. Pagbaba ko sa bandang Sta. Lucia, tahimik na ang 5-minutong jeep at 5-minutong pedicab na de-padyak pauwi. Nagpapahinga ang kapit kahit papaano. Napabibitaw.
Isang beses galing inuman, alas-kuwatro na ng umaga, hindi ko maalala ang eksaktong ginawa ko para makauwi. Hindi ko maalala kung nagtaxi ako, kung nag-jeep ako, kung hinatid ako, o kung nagbayad man ako kung sakaling nag-commute nga. Kumatok ako sa tarangkahan. Hindi ko maalala anong araw – basta hindi puwedeng Biyernes o Sabado. Katok ako nang katok. Pinagbuksan ako ng nanay ko. Hindi ako makatingin sa kaniya nang diretso dahil matindi pa ang pagkalango at ayaw kong maamoy niya ang alak mula sa hininga. Para namang hindi niya maaamoy. Anak ka ng tatay mo! Nakita mo nang may pasok na ‘yung mga kapatid mo tapos gigising na ‘ko maya-maya pinupuyat-puyat mo ko! E ikaw kaya maghanda ng almusal at lahat! Pagkatapos ng lahat iyon ay sinampal niya ako. At napabulong lang ako nang Sorry, Sorry, Sorry. Dumiretso ako paakyat. Inilatag ang sofa bed na hinihigaan. Pagkalagay ng kobre-kama, lumupasay. Kinuha ko ang cellphone, at sinimulang i-text ang mga ka-inuman ko. Oy, nakauwi na ako, sana kayo rin. Napaisip saglit. Sinampal pala ako ng nanay ko. Natawa ako. Literal na natawa. Natawa nang natawa habang sumusuko na ang katawan sa pagod at alak. Kuyom-kuyom nang mahigpit ang cellphone. Nasampal pala ako, ha-ha-ha. Hindi ko na napindot ang send.
Bihasa na ako sa matinding pagkapit. Kapag may bitbit akong payong habang nakasabit sa jeep. Bawal mahulog ang payong dahil marami na akong nawalang payong at bawal din naman mahulog mula sa jeep. Kapag hawak ang walis at may papataying ipis. Ako ang laging inaasahan sa ganitong tungkulin. O kaya, noong hawak naming maigi ng kuya ang malaking kahoy habang nilalagari ito ng tatay gamit ang electric jigsaw. Nangarap kami noong bumuo ng homemade na telescope dahil masyado raw mahal bumili ng gawa na. Nagpa-ship pa ang tatay mula sa ibang bansa ng telescope lens na mas malaki sa kahit anong plato. Subalit maraming paglalagari ang kailangan, at magmamanhid ang mga kamay namin noon ng kuya pagkatapos siguraduhing hindi gagalaw ang kahoy. Upang diretso ang paglalagari. Hindi naman masakit dahil wala namang nararamdaman. Na wala naman talagang kaso sa amin dahil nakita namin sa telescope ang pisngi ng buwan na kasing-laki ng platito, tadtad ng mga butas. May nangyari naman noon, at may napala naman kami.
May nangyari na kahit papaano’y katulad noong pahigpit nang pahigpit ang pagkuyom ko sa mga cutter ng blade noong sinisigawan ako. Blangko. Naririnig ko naman kasi siya. Oo, naririnig ko talaga siya, hindi niya na kailangang sumigaw. Hindi pa ganoon kalaki ang bahay noon. Pareho naman kaming nasa sala. Hindi lalagpas sa dalawang metro ang layo namin. Maaabot niya ako kung hahakbang lamang siya ng dalawang beses. Malinaw na malinaw sa alaala ko na naririnig ko siya. Noong binitawan ko na ang mga blade, at mistulang himala na hindi ko napansin, naliligo na ang mga palad ko sa dugo. Napakaraming dugo. Hindi ko yata nakilala ang sariling mga kamay. Kaya napaiyak ako lalo. Siguro, upang marinig. At natatakot sigurong isipin ng kahit sino na hindi ako nakikinig.