Bawat taon, nag-iipon si Mama ng mga puwede nang itapong mga plastik, resibo, papel, sapatos, bag, appliances, tools, at iba pang bagay. Nagkalat sa sahig ang mga alahas, lumang cellphone, at mga gamit niya sa trabaho: torniquette, needles, syringes, betadine, alcohol swabs, gas masks, cotton buds, stool containers, at surgical tapes. Bakit siya naging hoarder ng mga gamit? Nakapagtataka. Mula nang maghiwalay sila ni Papa, lagi ko nang napapansin na hindi naglilinis si Mama ng kuwarto.
Di-malay si Mama na iniwan niya sa sahig ang mga piraso ng isang palaisipan. Dahil may gusto akong linawin sa aking loob, tinangka kong hanapin sa mga kalat at patong patong na mga gamit Ang Nawawalang Love Story nila Mama at Papa. Sa paghahalukay ng mga plastic at photo album, may natagpuan akong naninilaw na mga litrato. At nasa loob ko ang frame.
Nagtataka siguro kayo kung bakit nagsisimula ang kuwentong ito sa isang wedding cake. Weird na nakataob ang litratong ito, isa sa mga pirasong nakita ko sa lumang album nang maglinis ako ng bahay isang dapithapon ng 2018. Dekada 90, mahilig ang aming pamilya na mag-ipon ng mga album ng mga litrato. Mga bakas ng mga alaalang ephemeral. Ang first birthday ko, mga adventures ng Tita ko sa Dubai, burol ng lolo ko sa mother’s side, at ang kasal nina Mama at Papa. Maraming beses ko na rin itong nakita. Pero no’ng dapithapong iyon, may kumurot sa aking dibdib at biglang dumating ang tanong: ano kaya ang kuwento sa likod ng litratong ito?
Kuwento ng aking lola, nag-honeymoon daw sina Mama at Papa sa 9D6 Victoneta, ang bahay nila. Figurine sila ng mga bagong kasal, at bumaba sa hagdan ng chocolate cake. Tapos na ang palabas sa ilalim ng arkong pinalamutian ng lasong pink. Pagod na silang ngumiti sa kamera. Huwag daw muna galawin ang wedding cake, sabi ni Mama. Iba ang nakarating sa mga kapatid ni Papa. Nagdadamot si Mama, ang unang isyu ng bagong kasal. Si Papa na ang bahala. Pagkauwi, humiga sila sa kama ng mapuputing ulap. Hinubad ng bride ang trahe de boda at ng groom ang barong at pantalon. Itinali nila ang mga katawan sa bulubundukin ng mga kumot na bulak. Hinawi ang bawat tupi at sumuong sa bawat himaymay. Ibinulong sa dilim ang kanilang sinumpaang pag-ibig, ang tiwalang hindi mababali. Plywood na pader lang ang pagitan nila kay lola. Naririnig kaya niya? O akala lang ang lahat?
Ang pinakasigurado ako, walang kinuwentong love story sina Mama at Papa sa aming dalawang magkapatid. Kaya siguro ganoon na lang kadaling mabaon sa limot ang mga pangyayari sa bahay namin. Sinanay kami ng mga tao sa bahay na kalimutan ang nakaraan, ang umibig ng iba. Tuwing may usapan tungkol sa mag-aasawa sa pamilya, hindi nauubusan ng mga puna at paghihiwalayan sa mga kuwentong bahay. Lagi sa aming ipinaaalala ng mga matatanda, magtrabaho na lang daw kami sa ibang bansa at doon sa ibayong dagat, magpayaman at buuin ang sarili. Lahat ng tiya at tiyo ko sa mother’s side ay mga nars o doktor. Samantala, sa father’s side, mas marami ang mga naging guro.
Tulad ng ibang anak na nagrerebelyon sa kanilang magulang, hindi ko sinunod ang mga matatanda. Nagsulat ako ng mga kuwento. Pinili kong maging isang manunulat. Sa panahong iyon, binabasa ko ang Personal ni Rene Villanueva, ang Kilometer Zero ni Wilfredo Pascual, ang Family Album ni Fanny Garcia, ang Anim na Sabado ng Beyblade ni Ferdinand Jarin, ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga ni Stefani Alvarez, at ang Makinilyang Altar ni Luna Sicat Cleto. Isa lang ang pinangako ko sa sarili ko matapos basahin ang mga akdang ito, “Magsusulat din ako ng mga tulad nito.” Nahumaling akong magsulat ng mga kuwentong tungkol sa aking pamilya. Nakita kong ang bawat sanaysay ay salaysay ng mga imaheng may saysay para sa akin at ito ang pagtunton at pagkilala sa ugat ng pag-ibig, ng pinagmulan, ang aking Mama at Papa. Sa pagsulat ko mula sa isang distansya, nakita ko ang malalalim na problema ni Mama.
Abril 16, 1993 nang magpadala si Papa kay Mama noon ng isang full body shot habang nagtatrabaho sa Al-Balad, Jeddah, Saudi Arabia. Siya’y nasa Balad, ang dating sentro ng Jeddah, ang bayan kung saan pinaniniwalaang matatagpuan ang libingan ni Eba, ang ina ng sangkatauhan. Ito ang historic center ng bayan ng Jeddah, ang ikalawang pinakamalaking siyudad sa Saudi Arabia (kasunod ng Riyadh). Karamihan sa nakatira dito ay mga mahihirap na migrante. Malapit ang bayang ito sa Red Sea at tinuturing na daanan tungo sa mga banal na lugar ng Islam, ang Mecca at Medina. Sinasabi sa kasaysayan na naghirap ang taong-bayan sa Al-Balad kaya noong nagkaroon ng oil boom sa Jeddah, lumipat ang mga tao sa norte at tuluyang iniwan ang Al-Balad.
Sa litratong ito, nakatayo si Papa sa tabi ng isang kotse tulad ng isang modelo, nakapatong ang kanang kamay sa car hood, ang mga binti‘y nakadekwatro, at may pinagmamasdan sa malayo. Maangas ang hitsura ng tatay ko rito at parang miyembro ng isang gang. Nakangiti ba siya, nakakagat ba ang labi, o nakalabas lang ang ngipin? Walang kalaman-laman ang kanyang mukha. Nakasuot siya ng puting jacket. Bukas ang kanyang zipper. Bitbit niya sa kaliwa ang puting plastik ng mga pagkain. Pinaligiran siya ng bokeh, mga gatuldok na liwanag sa madilim na siyudad. Sino kaya ang kumuha ng kanyang litrato? Halatang Kodak instamatic. Bakit kaya siya tumitingin sa malayo? Pumorma lang ba siya sa tabi ng maputik na kotse at nagpapicture sa kasamahan para kunwaring candid?
Sa likod nitong naninilaw na litrato ang isang liham. Nagmamadali ang sulat kamay. Kumukurbang pabilog ang mga titik na tulad ng ahas at itlog, nalilibugan kaya siya? Maraming comma, tuldok, ellipsis, at exclamation point. Ang tawag pa nga niya kay Mama, “Sweetheart Ann.” Ang hiling niya, huwag daw kalimutan ang pangalan niyang nagsusumigaw na all-caps: MELCHA.
Always remember my name… & you’ll be away from “Tukso”…
Natutukso pala si Mama? Paano naman nangyari na si Mama pa ang natutukso? E mas may laya naman siyang mangaliwa doon sa Saudi Arabia. Masikip na ang liham pagdating sa ibaba at pinilit isiksik ni Papa ang mga maliliit na salita. Pinutol niya ang linya kasi isiniksik niya ang sariling lagda. Ang sabi niya,
“Sweetheart kiss naman diyan”…
some of the words that I
can’t forget
when I’m in
the Phils.
Ang hiwaga ng litrato ay mismong nasa kapangyarihan nito. Akala ko noong una, isang bahagi lang ng panahon ang ikinukulong ng isang litrato subalit iniba ni Papa ang pagbasa ko sa litrato, na ang ugat ng mundong ikinulong ay nasa kalooban ng puso. Ibinuhos niya ito sa likod ng litrato, pinaliit pa niya nang pinaliit hanggang ang makaiintindi na lang ay tanging si Mama. Sabi nga ni Edith Tiempo, “Para hubugin ang pag-ibig/ sa sukat ng halos nakatiklop na kamay.”1
Mahal na mahal siguro ni Papa si Mama bago sila naghiwalay. Sa 9D6 Victoneta Avenue, naging magkapitbahay sila bago naging Sila. Nagkagustuhan. Nagligawan. Pero sa bersiyon ni Papa makalipas ang dalawang dekada, si Mama daw ang nagpumilit.
Wala akong kuwento kung paano sila naging sila. Marami rin kasi sa mga kuwentong kinamulatan ko ay tungkol sa paghihiwalayan nila, ang pagtataksil ni Papa, at ang pinakakontrobersiya ni lola at ni tita, ang hindi malimutang brief ni Papa. Sa mga tsismis ng matatanda, bantog pala siya sa pagkakalat. Ng mga brief na ginamit. Diring-diri ang lola ko habang ikinukuwento niya ito, kung paano’ng dinampot, nasalat ang “gamit”. Wala nang bakas ng mga brief na ‘yon pero naaalala pa ng lola kung paano siya nandiri sa nanggigitatang underwear ni Papa.
Ang malinaw, pagkatapos ng kuwento ni lola, sa loob ng brief na ‘yon, may hindi nakapagtimpi. Siguro‘y dala na rin ng lungkot sa gitna ng malamig na lugar o ng pag-aasam na mabuo kami bilang isang pamilya. Ano ba naman ang nais ng isang ama, kung hindi ang magkaroon ng isang pamilyang matatag at nakabukod sa mga lola?
Gusto ko ang litrato ni Papa kasi nababahala ako sa nakikita ko. Binabasa ko nang maigi ang bawat bahagi ng litrato. Sa bawat pinagmamasdan ko, may malalim na kurot sa puso. Tinukoy ito bilang punctum ni Roland Barthes. May tumutusok sa aking kalooban, sa aking emosyon.
Natatamaan ako ng pagkatitig sa ekspresyon ng mukha niya habang nakasuot ng kulay puting jacket. Parang inosente. Payat pa siya at nasa rurok ng kanyang kabataan. Sa bawat titig, nagiging malay ako sa layo ng narating nitong litrato: ang distansiya ng panahon ko, ang panahon ni Papa sa litrato, at ang pakikipaghiwalay niya kay Mama sa hinaharap.
Gaano kaya kalamig iyon, noong Abril ng 1993. Siguro nga’y nanunuot iyon, dahil natuklasan kong noong Pebrero 10, 1993, narecord ang pinakamalamig na temperatura sa buong Jeddah — 9.8° C. May kasama naman si Papa sa litratong ito at alam ko na siya ‘yon sa mula sa likod no‘ng sumisilip na kamera. Nakakatuwang isipin na pati ang panahon ng pumitik ng kamera ay panahon ko rin. Parehas naming nakikita sa magkaibang panahon ang tatay ko. Siya marahil bilang kaibigan, ako dito bilang kritiko ng nakaraan.
Wala si Papa sa first birthday ko noong 1993. Busy siya at hindi makakauwi. Kaharap siguro niya ang mga draft ng isang palasiyo sa opisina ng mga arkitekto sa Saudi Arabia. Sa McDonalds, SM North EDSA Annex, idinaos ang piging. May sumusunod na video camera sa likod ko habang tumatakbo sa mga bisita.
Pinagpasa-pasahan ako sa kung kani-kaninong kamay. Binuhat ako sa bisig ng mga maiinit na yakap. Hinalik halikan sa pisngi. Tila isang buhay at naglalakad na Santo Niño. At hinabol ako ng mga kalarong bata. Nauna sila sa harapan. Hindi ko alam ang mga pangalan nila. Bakit kaya ang layo layo nila? Pinalilibutan ako ng daan-daang halakhak. Kumakaripas ng takbo ang mga malalambot kong binti sa mga kamag-anak na bukas ang mga braso. Hinahablot ako ng mga yakap at halik. Sinisiksik sa mga bulsa ko ang isang daang piso.
Sinimulan ng host ang show: pahabaan ng pangalan, unahan sa upuan, at unahan sa pag-abot ng barya mula sa pitaka ng mga matatanda. Nagpagalingan umindak at kumendeng. Inabot ng host sa mga bulinggit ang premiyo, isang laruang bersiyon ni Ronald McDonald. Bida ang mga papuri. Bida ang saya. Ang dami-daming tao sa buhay namin doon sa loob ng video. Sino na ba sila sa buhay namin ngayon?
Sa gitna ng McDo, may sorpresa ang host. Ang pinakahihintay ng mga batang bulilit— ang mama na puno ng pulbos ang mukha. Isang mascot ni Ronald McDonald. Nakasuot siya ng jumpsuit na pinaghalong puti at pulang stripes. Nakaguwantes ang kanyang mga kamay. Pulang pula ang tina ng kanyang buhok. Bigla na lang akong binuhat ni Tita at nilapit kay McDo.
Naputol ang eksena. Ang sumunod, pinatatahan na ako ni Mama. Umiyak ako at naghahanap ng kalinga sa dibdib ni Mama. Natatakot ang bata sa video. Ngayon lang niya nakita ang isang buhay na McDo. May ngiti siyang tulad ng isang demonyo. Hindi ni isang beses sumimangot si McDo.
Pinutol ang ingay ng isang obligatory Happy Birthday. Pumasok ang isang mocha cake sa gitna. Nagtipon ang lahat ng mga bisita. Pinagmasdan ang cute na cake. Nakatusok dito ang kuwento ni Aladdin kaharap ang kanyang kaibigang genie, sa loob ng isang kuwebang may sumusungaw na bahaghari. Three wishes only! Long life, good health, and happiness, ang bulong ni Mama. Pinikturan kami gamit ang Kodak. Buhat buhat ako ni Mama habang hinihipan niya ang mga kandila. Ang gaan ng kanyang mukha.
Isa pang kuha. Pinaligiran ako ng mga regalo mula sa mga Ninong at Ninang: baril-barilan, manika, cooking set, ABC blocks, at bike. Sa susunod na taon, iiwanan ng mga naghandog ang Pilipinas at magsisiliparan sa iba‘t ibang bayan: Vancouver, Toronto, Seattle, London, Hong Kong, California, at Dubai. Hindi ko na sila masisingil pa. Wala akong malalapitan ninuman sa kanila sa hinaharap.
Nagpatuloy ang party. Kumain ang mga tao. Nagshare ng mga regalo. Bumaba ako kay Mama at dinala ng makukulit na paa sa magkakapatid na lola, sina Nanay at Lola Inday. Nagpabuhat at nagpalambing. Tapos ipinasa ako sa iba pang Tita, Lola, Mama, at Tito. Sumunod sa lola ko kay Papa. Kinuhaan kami ng litrato. Pagkatapos, ang mga kapatid ni Papa.
Isinara ng host ang party sa isang mensahe mula kay Mama. Nagpasalamat siya sa pagpunta ng lahat ng mga kaibigan at kamag-anak. Sunod sunod nang nagsialisan ang mga magkakamag-anak sa iba‘t ibang angkan. Nagpaalam at umuwi sa kani-kanilang mga bahay.
Wala si Papa ni sa kahit ano‘ng litrato ng unang birthday ko. Ni sa mga susunod na birthday, at sa mga susunod pang okasyon.
Pinadalhan muli ni Papa ng litrato si Mama noong Mayo 22, 1993. Nakatingin na siya sa kamera at nakaupo sa tracing table. Halatang nagpose siya sa kamera habang dinadraft ang isang proyekto. Mas diretso na siyang nakatingin. Nakahawak ang tracing pen sa kanan at ang mga disenyo o studies ng isang palasyo sa kaliwa. Arkitekto si Papa sa araw na ‘yon sa Obhur Bahdar Palace. Maputi ang buong litrato, mula T-shirt na suot niya hanggang sa mga pader at aircon. Ang sentro ng focus, ang kanyang panatag na mukha. Hindi nakangiti, hindi rin nakasimangot.
May isang liham ulit sa likod nito at mas maiksi kaysa dati. Landscape ang orientation. Two inches margin on all sides. Ang mga at ay naging @. Kung pagmamasdan sa malayo, tila matatalim na talahib ang kanyang mga linya, I, l, at t. Halatang mga sugat na naghiwa sa kaputian. Masyadong maiksi ang mensahe ni Papa kay Mama. Signos na ba ito ng paparating na unos? Subalit sa nilalaman, ang sabi niya kay “Sweetheart”:
I love you a million times
every minute.
Bakit ang hirap basahin ng kanyang kahulugan ng pag-ibig?. Ilang ulit kong pinagmasdan ang litrato at binalik-balikan ang mensahe sa likod. Mahirap basahin si Papa. Hindi ako kumbinsido na kaya niyang patunayan ang labis labis na pag-ibig sa bawat minuto. Ang tanong ko sa bawat I love you:
Bakit mo kami iniwan ni Mama?
May nagpadala ng mga litrato ng isang binyag. Nakapackage sa loob ng isang LBC. Inabot ni Nanay kay Mama ang package at binuksan ang nilalaman. Narinig ko ang isang tunog na matagal ko nang hindi naririnig kay Nanay. Ang dismaya ng isang Bisaya.
Ang unang ebidensya: ang litrato ng isang binyag. Katabi ni Papa ang isang babaeng may hawak na sanggol. Kaharap ang isang pari at pinalilibutan ng maraming ninong at ninang. Inilawan ang madilim na litrato ng maraming kandila. Alam naman ni Mama na ‘yon si Papa sa kanyang ikalawang asawa.
Nang ilabas pa ang ibang laman. Kasama na si Lola Elena, ang lola ko kay Papa. Parang abala siya sa seremonyas na ito. Inilabas ni Mama ang huling laman ng pakete. Mga annulment papers na kailangang pirmahan. Nag-uusap ang mga matatanda sa susunod na gagawin ni Mama. Mahal ang annulment sa Pilipinas. Aabot ang danyos ng 100,000. Ang sabi naman ng isa, sagot na raw ni Papa.
Nagtaka ang mga matatanda. Saan siya kumukuha ng pera? Ang dami naman niyang pera. Kung hindi iniwan ni Papa si Mama, hindi sana nag-iisa si Mama sa pagpapaaral sa aming magkakapatid. Dapat naabot na niya ang malalayong lupain: Australia, Germany, France, at Canada kasama ang mga ninong at ninang ko.
Pero hindi niya kami maiwan-iwan.
Parang sampal kay Mama ang photo ng kabit ni Papa. Sinabi niya kay Nanay na huwag gagalawin ‘yong LBC. Iniwan niya ang papeles sa mesa. Mamaya na raw yan. Pumasok na siya sa trabaho.
Umuwi si Papa sa Pilipinas noong 2015. Hindi na raw siya babalik ng Saudi. Dumaan siya sa amin para sunduin kami. Manananghalian daw kaming mag-aama. Dumating siyang nakakotse. Pinaupo niya ako sa harapan. Nagsimula siyang magkuwento. Sayang daw at hindi ako nakasama sa Iloilo. Buti pa raw si Rose, sumama sa kaniya. Nakilala nito ‘yong iba niyang kapatid sa ibang pamilya. Tumango lang ako. Nagsisimula pa lang akong magturo sa kolehiyo kaya noong panahong nasa Iloilo sila, nagtatrabaho ako. May lumbay sa mga mata ni Papa. Mas malakas na siya hindi tulad no‘ng una ko siyang nakita. Inoperahan ang kanyang puso noong 2011. Ikalawang buhay na raw niya. Nginitian niya ako. Parang may balak.
Binuksan niya ang drawer at kinuha ang isang maliit na litrato. Inabot niya sa akin na nakabaliktad, “Anak o.” Nahihiwagaan ako sa litratong ito. Nang tiningnan ko ‘yong harap, ito pala ‘yong family picture nila sa Iloilo. Nandoon ang lahat ng mga kapatid ko sa ibang pamilya kasama si Rose. Huminga ako nang malalim. Ayokong magsalita ng masama. Kinontrol ko ang panginginig. Tumingin siya sa akin. Itinago ko ang litrato.
Pinatong ko iyon sa may aircon. Wala akong sinabi kay Papa. Bahala raw ako kung gusto kong itago. Pero proud daw siya sa litratong ‘yan.
Naisin ko mang tumalon mula sa kotse sinasakyan, hindi ko magawa. Ayokong mapahiya ang Tatay ko. Ang dami niyang anak. Ang dami-dami. Pero hindi ko pa rin matanggap ang mga anak na ito. Na ang dami-dami nila. Hindi ko sila mapagkasiya sa puso. Totoo nga talaga ang sabi ni Barthes. Nakakatusok ang tumingin sa isang litrato.
Pangungulila ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nangangaliwa ang isang asawang OFW, ayon kay Alicia Pingol sa Remaking Masculinities (2001).2
Sa konteksto ng relasyong mag-asawa, ang pagtatrabaho ng isang asawa sa ibang bansa ay nakaapekto sa kanyang relasyong seksuwal sa kanyang katipan. Nanonood ng pornograpiya o nakikiapid sa iba ang asawang OFW bilang coping mechanism.
Walang kuwento ang litrato maliban sa kung paano ito binigyang pakahulugan ng tumitingin. Ang malinaw naipadala ang portrait ni Papa kay Mama noong 1993. Isinuksok sa maraming photo album. Tuluyang nanilaw pagkatapos nilang maghiwalay. Itinago pa nang itinago sa maraming supot. Hinayaang takpan ng maraming alikabok. Pero hindi alam ni Mama na hindi nakakalimutan ang isang magandang kuwento.
Estudyante pa lang si Papa sa Architecture sa Technological Institute of the Philippines samantalang nagtatrabaho na si Mama sa Cardinal Santos Medical Center nang magpakasal silang dalawa. May pahiwatig ang mga lola ko sa parehas na side. Kinukuwestiyon ang kanyang pagiging asawa. Hindi biro ang tumira sa poder nina Nanay, mga Tita, at mga Tito. Sa pamilya namin, kapag inasawa mo ang isa sa aming katribo, inasawa mo na rin ang buong pamilya. May presyur sa kaniya na magdeliver. Doon ako nabilib kay Mama. Kinaya niyang mahalin ang isang kumukuha pa lang ng board exams sa Architecture. Paliwanag ni Pingol, “Men who become housebound and fully dependent on their wives‘ income feel threatened. They themselves admit their diminished sense of self-worth as in-laws and other men look down on them.”3
Isang hapon, naghahanap ako ng mga litrato sa mga album ni Mama. Natagpuan ko itong mga litrato ni Papa. Aba, ang guwapo pala niya. Hindi ko raw kamukha. Kay Mama ko talaga nakuha ang karamihan sa bahagi ng mukha ko. Ipinakikita ng mga litrato kung ano ang nandiyan dati, ang mga bahagi na bumubuo sa akin. Mas lumilinaw na ganito pala sila noon magmahal. Minahal niya kami ni Mama nang lubusan. Lumipas na kuwento ng kanilang pag-ibig sa likod ng litrato. Nabura ng maraming kuwento nina Nanay, Mama, at Tita.
Ayaw ko na rin tanungin ang mga tao sa bahay. Masyado nang sensitibo ang nakaraan. Nakamove on na rin naman ang mga tao sa bahay. Subalit, sa tingin ko hindi pa rin si Mama makaalagwa. Ang dami niyang basura sa bahay. Hindi pa rin niya matapon tapon ang mga basurang naipon niya sa mga plastic. Lagi, sinasabi niya na nabusy lang siya at lilinisin din naman niya ang bahay. Pero habang humahaba ang panahon, nakaliligtaan na niyang linisin ang bahay. Nagpapatong patong na ang mga bagay na ayaw niyang ipagalaw.
Masyadong mapanlinlang ang I love you. Tama nga si Allen Ginsberg, ang bigat ng mundo‘y nasa puso ng tao.4 Sa tuwing makikita ko ang mga litrato ni Papa, naririnig ko ang isang babaeng makata sa likod ng litrato na ginugunita ang isang faithful and virtuous night…5 Sa tula ng makatang ito, naalala ko ang persona ng isang batang umasa rin na mabubuhay pa sa alaala ang kanyang mga namatay na magulang. Hindi pa naman patay sina Mama at Papa. Hindi pa siguro huli ang lahat.
Walang permanenteng relasyon, sabi ng isa ko dating karelasyon. May mga bagay na hindi napunan si Papa. Meron din namang mga hindi napunan si Mama. Mahirap magmahal mula sa isang distansiya. Maaaring napressure din si Papa sa aming pamilya kaya nagiging mainitin ang ulo niya. Maaaring wala na talaga ang pag-ibig nilang dalawa. Hanggang do‘n na lang ang inabot ng kanilang kasaysayan. At ako rito‘y nakatingin, nagpapakatanga sa mga what-if, sa mga kung naging, at sa mga baka. Ano pa nga bang maibibigay ng isang litrato sa tumitingin nito kundi ang kung ano ang nandiyan dati?
Pumasok ang kahel na liwanag mula sa poste. Dapithapon na dito sa Antique Street. Natatandaan ko ang boses ni Virgil habang sinasabi niya kay Dante, “Gabi na,” sa Inferno. Pagkatapos nilang ikutin ang buong impyerno, kailangan na nilang umakyat sa langit at ang tanging daan doon ay kung papasok sila sa pusod ng Hari ng Impyerno. Pumasok sila sa isang tagong daan at sa pumanhik hanggang maabot ang dulo ng liwanag. At sa pag-akyat, nakita nilang muli ang mga bituin. Mula sa bintana, sa gitna ng dagat ng nag-aagawang lila at asul, nabubunyag ang Venus, ang unang bituin sa gabi, ang huling bituin sa umaga. Narito ako sa blue hour, sa oras na bumubuhos ang madilim na asul sa mga pader. Parang kahapon lang nang aksidenteng masilip ko ang paghihiwalayan nina Mama at Papa sa isang butas sa pinto, nang ako‘y inosente pa sa mundo at natutunan ko ang unang leksiyon ng maling pag-ibig sa loob ng butas ng pinto.
Binalik ko ang mga litrato sa loob ng photo album. Isinalansan kong muli sa loob ng plastic bag at iniwan sa gilid. Ayaw ni Mama na ginagalaw ang mga gamit niya. Gano‘n kahalaga para sa kaniya ang mga litrato. Sa tingin ko, isang araw malilimutan din ni Mama ang lahat ng ito. Ipinaaalala ng mga litrato na maaagnas din ang mga alaala tulad ng photo paper.
Naghihintay muli ang mga litrato ng kaluluwang titingin, magtatanong, at mahihiwagaan sa kung paano nawasak ang isang relasyong pinanday ng pag-ibig. O baka naman hinaharaya ko lang na mahal talaga nila ang isa‘t isa?
Sa bahay, ako lang ang tanging nakapagsulat ng kanilang naratibo.
Malayo na ang nilakbay ng aming pamilya mula sa Malabon tungo dito sa Quezon City. Halos isang dekada na kami nakatira rito pero si Mama, nag-iipon pa rin ng mga plastic bag. Isinusuksok pa rin niya ang mga maliliit na bagay dahil gusto niyang matamasa ang pinaghirapang pera. Nagprisinta na ako no‘ng minsan na tutulungan siyang maglinis ng kuwarto. Ayaw talaga niya. Matigas ang ulo. Kaya na raw niyang linisin ‘yon. Hinayaan ko na lang siya. Nagtiwala ako sa kaniya dahil gano‘n ang anak sa ina.
Maski napalitan na ang Kodak ng iPhone at nadagdagan ang mga gamit sa bahay, hindi pa rin siya nagbago. Si Mama pa rin ang babaeng nag-aruga sa amin tulad noong kami‘y nasa sinapupunan. Siya rin ang babaeng nagpaalala sa amin na ang pagkuha ng litrato‘y isang uri ng pag-ibig. Pinatimo niya sa‘kin na umasang may maayos na hinaharap sa ibang bayan. Hinamon niya akong tingnan ang mga sariling kamalian, mga bahagi na hindi ko napapansin. Nakita ko na itong hinaharap. Tatanda kaming lahat, mamamatay ang aming mga kamag-anak, at ang matitira lang sa mundo ay ako, ang aking kapatid, at si Mama. Isang araw, kaming mga anak naman ang magiging taya sa pag-aalaga kay Mama.
Hinamon ko ang sariling patawarin si Papa. Marahang-marahan. Sa isa o dalawang flash ng camera, sa unti-unting pagbisita sa hapag-kainan, sa maliliit na kuwentuhan, nais kong buuin muli ang nasirang relasyon. Sapagkat masasamang alaala ang naimbak sa aking memorya, gusto kong baguhin ang mga pangit na alaala. Ayoko nang matandaan pa ang naging epekto ng paghihiwalay nila sa aking buhay at sa maraming masasamang alaala na kasunod nu’n. Dahil tumatanda rin ang ating mga Tatay at Nanay, hinahanap ng kalooban ang gaan at pagpapakumbaba.
Hindi pa kami nagkikitang muli. Wala nang pag-uusapan na magkaroon ng isang hapunan o selebrasyon kasama ang magkakamag-anak at dating mag-asawa. May iba na siya. May litrato lang kami.
Ayoko nang humusga. Baka doon siya masaya. Kapag dumating na kami sa punto ng pagbabati, kukuha ako ng litrato tulad ng mga tipikal na family picture sa sofa, sa paligid ng isang bundok o burol, at sa loob ng isang studio. Sa isang masayang family photo ko sila gustong matandaan, ang mga mata nilang nagliliwanag sa ligaya. Pagkatapos ng 1, 2, 3, at ang flash, gusto kong makuhaan ang mga ngiting magagaan.
Tanging ‘yon ang ikinagagalak ko, ang gaan sa aming puso.
Para sa mag-aaral ng panitikan:
Bahagi ang “faithful and virtuous night” ng aking tesis masterado sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, ang Pagbabakla (2018, Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas).
Mga Tala:
1 Salin ni Rebecca T. Añonuevo ng “Bonsai” ni Edith Tiempo, Sansiglong Makabagong Tulang Filipino, Ed. Virgilio Almario, (Pasig: Anvil, 2006), 420.
2 Alicia T. Pingol, Remaking Masculinities: Identity, Power, and Gender Dynamics in Families with Migrant Wives and Househusbands, (2001), 103, sinipi ni Lisbe, Jr., “Literature Review”, 4.
3 Pingol, Remaking Masculinities, 33 sa Lisbe, Jr., “Literature Review”, 8.
4 Salin ko sa linyang “The weight of the world/ is love” mula sa tulang “Song” ni Allen Ginsberg. Allen Ginsberg, “Song”, Collected Poems 1947-1997, (New York: HarperCollins Publishers, 2006), 119.
5 Louise Glück, Faithful and Virtuous Night, (New York: Farrar, Straus and Giroux, 2014), Kindle.