Ang lata ng s26 gold

A

Ito ang patunay na hindi ako naging mabait na bata. Biruin mo, sinuyod na ni Mama ang lahat ng tatak mula sa pinakamura hanggang sa pinakamahal, di ko pa rin magawang maubos ang isang basong gatas. Hanggang otso anyos, ganito ang eksena: itatapon ko

sa lababo ang timpladong Birch Tree pag wala nang tao sa sala. Grade 4 ako nang isilang ang kapatid ko. Pagkatapos umimpis ng tiyan ni Mama, lumobo naman ang kanang paa niya. Habang sumusubok maglakad si bunso, iika-ika naman ang nanay naming, para bang mas kailangan niya ang andador. Masasabi kong halos ako ang nagpalaki sa kapatid ko— tagahele, tagapaligo, tagapalit ng lampin, at tagatimpla ng gatas. Sa edad na siyam, ang lata pa rin ng S26 Gold ang nagsabing sutil akong bata.

Mas masayang manood ng Totally Spies! kaysa mag-alaga ng iyaking sanggol kahit na hindi kayang tabunan ng powers ni Sam ang hiyaw ni Mama nang malaglagan siya ng lata ng gatas na wala pa sa kalahati ang bawas. Ilang araw ko ring sinolo ang pag-aruga ng bata dahil hinatulan ng doktor ang kanang binti ni Mama. Agad kong kinuha ang S26 Gold nang nakarinig ako ng iyak. Itinakal ko ang ilang scoop sa feeding bottle

at ibinuhos ang tira sa gawa kong apang de-papel, embudong diretso sa lalamunan ko. Wala akong pinatawad kahit na alikabok.

About the author

Agatha Buensalida

Isa sa mga aktibong kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Naging fellow rin siya sa UST National Writers’ Workshop at sa Cavite Young Writers Online Workshop. Napabilang ang kanyang mga tula sa ilang publikasyon, katulad ng BAGA at LILA: Antolohiya ng mga Babaeng Makata ng LIRA.

By Agatha Buensalida