Ang Lumang Relo

A

Hindi natinag noon ang ale
Nang malaman kinaumagahan
Na siya’y iniwan ng nobyo
Ilang sandali paglipas ng hatinggabi.
Kalmado niyang ipinasok sa kahon
Mga gamit at alaala ng loko
At isinalansan sa likod ng kamalig
Na siyang malayo sa kaniyang abot
Upang hindi na ito makasagabal
Sa kaniyang mga aatupagin.

Gayunman, paminsan-minsa’y
Kaniya pa ring binibisita
Sa sandali ng kalungkutan
Ang pinaglumaang relo
Na itinago sa lata ng biskwit,
Hindi na niya ito napaandar pa
Pagkat naisama ang baterya nito
Sa pantalon ng kaniyang irog
Nang lumabas ito sa pinto
Habang siya’y natutulog.

About the author

Adhoniz Rebong

Isang makata sa Filipino. Nagtapos sa UPV Miag-ao sa Iloilo. Naging bahagi ng University of San Agustin Fray Luis de Leon Institute Writers Workshop.

By Adhoniz Rebong