Itinuon mo ang iyong paglisan
Sa pag-angat ng mga kurtina
Upang magbigay daan sa pagsisimula
Ng pagtatanghal ng iyong dulang
Walang ganap na haba
Ngunit ay nagtapos na.
Bakante na ngayon ang upuang
Nakalaan lagi para sa iyo
Sa tuwing tayo’y nag-eensayo.
Manaka-naka’y nililingon ko ito
Dahil sa pagbabakasakaling
Masulyapan pa kita rito.
Maging ang buong entabladong
Pinuno natin ng sigawa’t tawana’y
Nalunod na rin sa katahimikang
Dala ng lagaslas ng pagluluksa
Na wari mo’y mga mansanilyang
Nilalagas pa-unti ang mga talulot.
Tahasan din ang pagpupunyaging
Mapaamo ang mga sawing puso,
Na ani mo’y mga basang tuta na ligaw
Sa kasagsagan ng mga pagkulog,
Upang hindi na maantala
Ang pagsasalaysay ng ating kuwento.
Gayunpaman, patuloy pa rin
Ang pagdaloy ng mga linya
Bagamat mistulang pabulong na,
Pagkat iyong habilin sa amin
Na titigil lamang ang pagtatanghal
Kung ang mundo’y dumilim na.
Sa huli, sa pusod ng ating tanghalan
Inihimlay ang iyong mga labi.
Ngunit kahit pasinagin pa dito
Lahat ng pinakamaliwanag na ilaw
Ay wala na kaming masisilayan
Maliban sa iyong mga alaala.