Isang Gabi

I

Marami ang mga gabíng
inihihingi ka ng tawad sa akin
ng mga kuliglig.
Palakas sila nang palakas
sa tuwing pilit mo akong hinahalikan
at di ako makapalag.
Tila ba pinagagalitan ka nila
o sinusubukan nilang palakasin
ang hindi ko maihikbing iyak.
Minsan pa’y nakikisali rin ang mga
ipis— lumilipad-lipad at dinadapuan ka
kapag ipapasok mo na ang iyo sa akin.
Marahil, upang mas mandiri ako sa ‘yo.
Maging ang mga butiki
ay salimbayan ang tik tik tik
na parang tik tak ng orasang
binibilang ang bawat saglit
habang sinusuot mong pabalik
ang brip mo’t pantalon.

At may gabi ring ganito—
inihihingi ako ng tawad
ng mga daga at langaw
na nagpipiging sa duguan
at nakabulagta mong katawan.
Sana’y naririnig mo
ang mahaba nilang paliwanag.

About the author

Agatha Buensalida

Isa sa mga aktibong kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Naging fellow rin siya sa UST National Writers’ Workshop at sa Cavite Young Writers Online Workshop. Napabilang ang kanyang mga tula sa ilang publikasyon, katulad ng BAGA at LILA: Antolohiya ng mga Babaeng Makata ng LIRA.

By Agatha Buensalida