Marahil ay hindi na ako magtataka
Sa dumadaluhong at damuhong
Pagtanggi sa pagbabakuna
Kung pag-ibig ang siyang kumakalat.
Sino ba naman kasi ang hangal
Na hindi gugustuhing mahawa
Kung ang lumalaganap sa bayan
Ay ang minimithing pagsinta
Na malimit mo na lang nakikita.
Siguradong maghihiyawan sa tuwa
Ang mga dalubhasa’t madla
Tuwing ibabalita sa TV at radyo
Na lumobo na naman ang bilang
Ng mga tinamaan ng pag-ibig.
Dadami din siguro ang magvi-vigil
Sa harap ng mga kandila
At magdadasal sa panginoon:
“Lord, pakiusap, itodo mo na po.”
Hindi na maaagrabyado ng mga magulang
Inosente nilang mga paslit
Dahil hindi naman talaga masakit
Ang pamimilipit dahil sa pag-ibig.
Dapat pa nga itong palalain
Ilantad sa mga nagdurusa nito
Pagkat mas nakalulumpo pa nga’t
Nakasisira ng diwa’t ulirat
Ang pagkawala nito sa ating puso.
Titigil na ang pagbabangaya’t
Pagtutulakan ng katungkulan
At hindi na kailangang gumalaw
Mga sangay ng pamahalaan
Na pagod na sa paghihimod
Ng sandamakmak na papeles
Dahil wala naman talagang problema
Ang pagkakaroon ng outbreak
Kung ang tigdas ay naging pag-ibig.