Dinala mo ang karagatan sa aking silid
nang sabihin mong mahal mo rin ako.
Tinanggap ko ang babaw at lalim ng tubig,
ang alat, ang humahampas na alon.
Pag-ibig mo ang naging guro ko sa paglangoy.
Natutuhan kong makipagsagupaan
sa misteryo ng dagat at ng takot
na malunod kaya nang lumusong ka sa pinakailalim, sinundan kita
hanggang sa tubuan tayo ng kaliskis at ilaw sa ulo.
Kaya kaninang umaga, di ko alam kung anong
timbulan ang kailangan mo nang sabihin mong
nalulunod ka. Hindi ko alam kung anong lambat ang
kayang humuli sa nagsisialpasan mong mga pangako.
Ito lang ang batid ko—hindi lang ang layo ng
araw ang dahilan kung bakit tayo giniginaw rito.
Matagal mo nang iniahon ang iyong puso at
inilagak sa aplaya.
Huwag kang mag-alala; hahanapan kita ng bangka.
Ihahatid kita. Alam kong hindi ka magtatagal sa buhangin.
Ilang saglit paglapag mo ay kikisag ka: maghahanap ng tubig, ng alat—
matutuklap ang balát mo, mababali ang buto sa likod,
mapapaknit ang leeg mo’t dibdib.
Kung gayon, lumukso ka lang pabalik sa dagat. Alam mo na ito:
malugod kong sasalubungin ang sangsang ng hasang mo’t palikpik.