Mga Nawawalang Pasahero

M

isang paniniguro: batid natin ang layo ng guhit-tagpuan.
nakarehistro na sa isip ang bilang ng oras; mga lugar na titigilan
ng sinasakyang dyip; at mga pasikot-sikot sa hindi matukoy na pakiramdam.
marahil, kung tatangkaing pangalanan ang mga panandaliang emosyon
nitong labing tikom rin sa damdamin, nanaisin na lamang nitong maligaw sa
malalamig na mga halik ng kape tw’ing magigising.
kung itong paghihintay ang siyang kabayaran sa mga nakalipas na ruta,
isang paniniguro: lagi’t lagi pa rin itong hihingi ng sapat na sukli.
sasampa tayo nang sabay sa magkaibang dyip
bitbit ang walang hanggang pakay na sana’y makarating at ‘di lumampas
sa kutob na tagpuan.
lalagpas ang mga karayom ng poste sa ating mga pisngi kasabay ng headlights –
habang nag-aabang sa kalawakan ng mga kawalan.
pihado: susubukan mong titigan ang mga ‘di kilalang puno sa daan na kunwari ba’y taimtim na nakatutok sa ating silbi at patutunguhan.
bayad po, bigla tayong matatauhan.
kay daling pagbuksan ng palad ang pakikisuyo ng dayuhan sa kapwa dayuhan.
habang iniaabot ang bayad sa tsuper,
hindi natin sinasadyang makasagasa ng alaala sa daan.
marahil, dumanak ang dugo ng naliligaw na pag-ibig sa kalsada ng ‘yong lumbay
o ng pulidong pagtatantiya sa kinupkop nating bilang ng mga oras;
mga lugar na titigilan ng sinasakyang dyip; at mga pasikot-sikot
sa hindi matukoy na pakiramdam.
ililigaw pa rin natin ang sariling pangamba pagkababa,
kahit kung tutuusi’y memoryado na ang mga itinakdang palatandaan
ng bababaang lugar.
huwag pigilin: sa ganito nais magpakilala ng ating pagkukusa.
kahit abutin man ng takipsilim
ang naglalakad na nating mga titig patungo sa isa’t isa,
atin pa ring tatanungin:
batid mo pa ba ang layo nating dal’wa?

About the author

Vanessa Haro

Naninirahan at lumaki sa probinsya ng Gumaca, Quezon. Nagtapos siya ng BA Psychology (Southern Luzon State University-Lucban) at kasalukuyang ginugugol ang panahon sa MA Psychology (Lyceum of the Philippines University-Laguna).

By Vanessa Haro