National Capital Region Cluster 3

N

Introduksyon

Halu-halo ang mga manunulat sa seksyong ito na ilan sa kumakatawan para sa National Capital Region. Ang isa’y palamasid na kwentista. Ang sumunod ay mapanuring makata at ang huli’y kritiko-pilosopo. Pare-pareho silang mga batang guro sa unibersidad kung kaya’t kaagad na maaaninag ang pagpoproblematisa ng isang papasibol na intelektuwal sa kanilang mga naisulat.

Subalit ang mahalagang usisain dito ay paano ba talaga nakikita ng ilang kabataang manunulat na ito ang kasalukuyang lipunan at mga kaganapan sa mundo? At papaano rin nila ito naiuugnay sa nagiging hubog at pagkakakilanlan ng kanilang mga sarili bilang mga sumisibol na manunulat?

Pakinggan dito ang isang hindi tradisyunal na kwento ng kritikal na pag-iisa ng isang nag-aangas na guro sa kolehiyo. Malay siya sa pagiging tiwalag sa pamilya at mga kaibigan subalit nakakikita naman ng kapanatagan sa isang hindi nakikitang nilalang na mahilig sa jumbo siopao na galing sa Kowloon.

Tignan din ang makata rito kung paano niya kausapin sa tula ang buong penomena ng drug war. Inihahayag ng kanyang mga talinghaga sa mga mambabasa ang metodo ng karahasan ng kasalukuyang rehimeng walang galang sa buhay ng mga biniktima nito na siya ring pinangakuan noon ng ginhawa at pagbabago.

Ang sanaysay naman ng ating kritiko-pilosopo ay may argumento at pinag-iisip tayo na wari bang ang ating kasalukuyang panahon ay hindi naman ang pangakong hinaharap na tulad nang ibinibida ng mga naglalarawan nito sa atin noon. Para patunayan ito’y may ilan siyang halimbawang kwento. Kahit ako na nagbasa nito’y bahagyang nahilo-hilo dahil sa sipi at jargon mula sa kung kani-kaninong tao subalit maigi ngang pagmuni-munian rin na parang nakakaloko ang kasalukuyan na sa esensya’y katulad pa rin ng dati. Totoo bang bangkay na ang konsepto ng hinaharap o retorika lamang ito ng mga mahusay maglaro ng mga salita tulad ng mga manunulat sa kanilang akda?

Ipinauubaya ko na sa inyo ang iba pang pagsipat sa mga nabanggit na akda.

Maligayang pagbabasa.

Renante Ciar

MJ Rafal

Jesus Emmanuel S. Villafuerte

About the author

Merdeka Morales
By Merdeka Morales