No Permanent Address

N

Palagi kaming lumilikas mula sa hindi tiyak na sakuna.
Akala ko noong una, likas ang pag-iimpake
Ng sari-sariling lungkot.
Ang paghahakot ng mga kubyertos at tabo
Sa iisang kahon.
Ang pagmamadaling abutin ang mga damit
Na nakasampay sa balustre ng hagdan.
Hindi ko na maunawaan ang pagkakaiba ng
Kaba ng paghimpil sa kaba ng paglisan.
O ang paghimpil ng kaba tuwing lilisan.
Kung may naunawaan man ako ay ito:
Ang tahanan ay walang katapusang
Paggagayak ng mga naiwan.

About the author

Vanessa Haro

Naninirahan at lumaki sa probinsya ng Gumaca, Quezon. Nagtapos siya ng BA Psychology (Southern Luzon State University-Lucban) at kasalukuyang ginugugol ang panahon sa MA Psychology (Lyceum of the Philippines University-Laguna).

By Vanessa Haro