Sa Aming Sala

S

May nangingiming agwat ang mga upuan na lalong napupuna
Tuwing katanghaliang tapat.

Mapagbiro ang araw. Pinatitingkad niya ang kalungkutan sa
mga bagay na hindi

kumikibo.

Kagaya ng mga puwang

sa tahanan:

Kung kikirot itong mga agwat na dumadapo sa aking batok
Tuwing ihihimlay ng pangamba ang pagal na katawan,

Pipiliin pa rin ng nginig ang agwat na kukuwit sa antok.
Masdan. Apat na upuan ang nakamuwestra.
Ilang libong siyesta ang sinalo ng walang malay na pwersa

Ng mga unan; saplot; at poot.

Kung humihinga ang mga nabanggit, marahil,
Ipagpapasalamat kong may natitira pang buhay sa loob ng pamamahay.

Natural na may tahimik na mesa sa gitna
O sa gilid. O kahit sa pinakasulok ng winawalisan nating mga takot.
Tawagin natin itong sentro – o panlilinlang
Upang kahit papaano’y mapunan ang mga puwang
Sa pagitan ng ating mga pagkukulang.

Kung bulaklak ang ilalagak sa katawan ng ikinukubling bubog,
Siguro nga’y pagsubok ang bigat ng lihim sa paanan.
Kay bigat nitong mga palamuting

iniilingan ng katawan.

Kung may maliligaw na bisita, kape sa hindi sapat na tasa,
O ng baso, o baka ng panatang manatili muna kahit bilang ang oras.

Kung maaari pa’y magpabukas upang mapunan ang mga patlang na hindi mapunan
Ng sariling mga pangungusap.

Ikaw. Kung tatanungin,
Nauunawaan mo bang bigat ng ‘yong katawan ang hinihiling?

Buksan mo ang telebisyon, Mahal.

Lumapit ka nang may pagmamaliw sa mga puwang
Na inililihim ng ating espasyo. Lumapit ka. Kumapit ka
Sa unan; sa saplot; o sa poot.
Kumapit ka kahit kayrami ng mantsa at paglimot nitong kutsong
Ni minsa’y hindi tinangkang pal’tan.
Kagaya ng mga serye sa teleserye
Ng ayos ng mga upuan
Ng tingkad ilaw
Ng walang lamang altar
Ng mga ligaw na larawan na tinagpi sa ating tuwinang pagdilat
At ng pahingang hindi hangin ang ibinubuga.
Kaya Mahal,
Ipapaalala kong narito tayo ngayon,

Sa sala,
Na kung magkakasala

man ako sa pagpapaunawa ng mga kulang
Sa dambana ng mga puwang,
Hayaan mong ipagtapat ko ito:
Sa dakong ito ng sala,
iisa ang ngalan namin ng agwat.

About the author

Vanessa Haro

Naninirahan at lumaki sa probinsya ng Gumaca, Quezon. Nagtapos siya ng BA Psychology (Southern Luzon State University-Lucban) at kasalukuyang ginugugol ang panahon sa MA Psychology (Lyceum of the Philippines University-Laguna).

By Vanessa Haro