Yungib

Y

Mainit ang buntong-hininga ng kagubatan sa San Bartolome. Tinutuyo ng tag-init ang mga sakahan ngayong panahon ng tag-ulan. Kaya hilahod ang tuhod ni Kardo, bumubula ang bibig

habang ngumunguya ng hangin,
habang pinapalis ng buntot
ang mga insektong sa kanyang laman nanginginain
sa ga-santol na sugat na ayaw gumaling.

Namumutok ang mga braso at binti ni Renante habang sinusuyod-ginagaod

ang ararong pinurol ng panahon
ang talim na ayaw bumaon

sa bukiring nagdadamot ng pagkakataon. Pinahid ng binata ang pawis sa tostadong noo at batok.

Sikmura’y nagpahiwatig ng hapdi, at kanyang naalala,
inalmusal niya kanina’y kapeng bigas at pag-asa.

Usap-usapan nilang mga kasama kung bakit parang binabalisawsaw ang langit

at nanunuyo ang panubigan ng bukid?
Nataranta tuloy ang mga aksip, at sumalakay ang mga balang,
at nanguluntoy ang mga uhay.
Kaya nang sila’y magkuwenta,
lahat ay nalugi at walang kinita.
Listahan ng utang sa mga amo ay humaba
kaya napilitang mag-parm leybor upang may maihain sa mesa.

Mainit ang buntong-hininga ng kagubatan ng San Bartolome. Ura-uradang inihahanda ng mga leybor ang bukirin

sa pagbabakasakaling mais ay tumubo at palarin,
kung hindi magbabago muli ang pabago-bagong klima,

kahit mahapdi ang sikmurang ang inalmusal ay kapeng-bigas at pag-asa.

Usap-usapan sa San Bartolome ang buntong-hininga
ng mga magsasakang nawawalan ng kita

sa tuwing umuulan kung tag-init at umiinit kung tag-ulan. Arawan na silang suwelduhan ng mga Rosales,

walang lupa,
walang biyaya kundi
minanang pyudal na sumpa.

About the author

Honorio Bartolome de Dios

Nagmula siya Marilao Bulacan. Nag-aral ng sociology at kalaunan ay nakilahok sa mga gawaing pangmasa. Sa ngayon, patuloy pa rin ang kaniyang paghahanap at ang pinagyamang karanasan ang ginagamit niyang panulat upang lumikha ng mga kuwento.

By Honorio Bartolome de Dios