Nang Dalawin Mo Ako

N

Hanging posas, hanging rehas ang pagitan
Noong dumalaw ka. Ang kamay ko’y preso;
Di ko alam kung pa’no ka hahawakan.

Ang ating kumusta ay tanong-sagutan
Sa ating maskarang ikinakandado:
Hanging posas, hanging rehas ang pagitan.

Baldado ang paang bawal kang lapitan.
Piitan ‘tong patlang na layo ko sa ‘yo—
Di ko alam kung pa’no ka hahawakan.

Abot-tanaw kita sa salaming harang
Ngunit di marinig, tinig mo’y bilanggo:
Hanging posas, hanging rehas ang pagitan.

Ang ating gwardiya’y ating alinlangan.
Tayo ay tauhan sa lantad na k’wadro.
Di ko alam kung pa’no ka hahawakan

Bago ka umalis. Malamig na bakal
Ang ating pagsunod, kahit magreklamo’y
Hanging posas, hanging rehas ang pagitan.
Di ko alam kung pa’no ka hahawakan.

About the author

Agatha Buensalida

Isa sa mga aktibong kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Naging fellow rin siya sa UST National Writers’ Workshop at sa Cavite Young Writers Online Workshop. Napabilang ang kanyang mga tula sa ilang publikasyon, katulad ng BAGA at LILA: Antolohiya ng mga Babaeng Makata ng LIRA.

By Agatha Buensalida