Tinakdang kapresyo na
ng darak ang bigas.
Samantalang ang mga anak
ng mga panginoong ay
ni hindi man lamang sumasayad
ang mga bulak na talampakan
sa putikan. Hindi kilala ng kanilang paa
ang mga tibak at alipunga.
Ito lang ang alam nila: tirikan
ng kandila ang mga pilapil—
gawing subdivision at mall ang mga sakahan.
Tigmakin ang mga pesante ng pestidyo’t
doon sila ilubog, sa lupang kailanman ay
hindi magiging sa kanila—
gawing kumunoy ang bukid
na kanilang sinasaka.