Hindi na kami umabot sa dayátan
Nito kasing nakaraang anihan,
Laksa-laksa kaming ginapas—kinamáda.
Singilan na raw anila ng pinautang na punlâ.
Dahil pandak pa rin ang karyada
Kami na lang daw ang gagawing kinaban.
Siniksik kami sa bunganga ng tilyadora
Sinuka kami’t sinilid sa sako—
Tinahi ang mga bunganga ng leteng.
Mga dating bános ngayo’y binasbasan,
Ng mga paring kanilang kapanig at kapanalig,
Upang magsilbing pilapil na pahingahan,
Daw kuno, naming mga pumanaw sa hapô.
Kawáyang krus ang nakatúlos na balyán
Sakaling may buwitre pang nais na manalasa,
Kakainin ang aming buliga’t binuhol na dila,
Sa aming katawang paulit-ulit nang ninakawan
Ng dugong siyang patubig sa tigang na bukid.