Ilang Talang Di-buo sa Pag-aaghamtao: Isang Bulawlaw na Pagsasanaysay

I

{1} Sabi ng isang pilosopong ayaw sa matanong, di niya gusto ang mga tanong dahil nagmumukha kang walang isasagot. Tinatanong nila ako, “Taga-Marinduque ka baga?” O minsan, ang kabaliktaran: “Akala ko taga-Marinduque ka?” Tama siguro ang pilosopo. Di ko rin kasi alam, e. ‘Yung nanay ko, tubo talaga roon. Lumaking kabisado ng talampakan ang pilapil. May pilat sa tuhod. Noong bata pa, tumikangkang daw sila sa sinakyang kalabaw na humarurot paakyat ng bundok. Pinanganak ako sa UST Hospital noong 1997. 2.6 kilos, at mukha raw akong pusit, sabi ni Mama. Sanggol ako sa Balara, bata hanggang binatilyo sa Montalban, naghayskul sa Marinduque, nagpa-Maynila (para sa mga tagapulo, “Maynila” ang tawag sa anumang lungsod sa NCR) para magkolehiyo. Hindi na ulit umalis. Taga-Marinduque baga ako? Oo, kung tatanungin ang papeles sa unibersidad. Permanent address: Purok Lawaan, Bognuyan, Gasan, Marinduque. Matagal ko na ring napakinabangan ang pinagmulang yan para sa mga scholarship at slot sa dorm.Hindi pa naman yata ako na-CI.

{2} Di ka raw Pinoy kung di ka kumakain ng sinigang. O adobo. Na para bang tatanggalin ng Philippine Statistics Authority ang “Filipino” bilang nationality sa birth certificate mo kapag nalaman nila. Di ka raw tagapulo kung di mo pa natikman ang balisungsong, sinugno, at gurgurya. Maliliit na isda ang balisungsong na binalot sa dahon ng saging at sinaing sa asin. Ang sinugno ay ginataang mahilaw-hilaw na saba. Bilog na tinapay naman ang gurgurya na kinulayan ng dark pink, na dahilan kung bakit mamula-mula ang kapeng kapartner nito.

Oo, nakakain na ako nyan. Kung pwede lang ibase sa laman ng tiyan ang pagkakakilanlan. Pero may mga pagkain na hindi kinakain sa ibang bahay. Halimbawa, para kina Lolo, ang singgapor at gabi ay para sa baboy. Pakukuluan ito sa kawa, gagayat-gayatin, at isasabay sa feeds. Samantala, sa bahay ng pastor namin, ganito minsan ang meryenda o hapunan bago kami mag-Bible study at Devotional. Pili ka na lang kung asin o asukal ang pampalasa. Mas mura ang asin, mas masarap ang asukal.

At least, hindi kami kumakain ng bahog. Kaya nagulantang ako nang minsang mananghalian kami sa isang karinderya malapit sa Central Luzon Hospital sa Tarlac. “Bahog” ang tawag ng kasama namin sa inorder niya, yung ambula, na hawig sa presyong student meal na kaning may ulam sa ibabaw. Sa Marinduque, bahog ang pakain sa alagang hayop. “Bahugi daw yang bulaw mo’t nagaturiik na!” ang iuutos sa iyo kapag umuungol na ang biik niyo sa gutom. Tuwing nababanggit ang bahog, sumasagi sa isip ko ang lagmaw—pakain na maraming sabaw o tubig. Masarap kayang panoorin at pakinggan ang mga aso at baboy na nagmumukbang ng lagmaw.

{3} Maliban sa mga ahas na nagbabalat sa aming kubeta at silong, sa mga tarom na tumusik sa aking talampakan, at sa mga pabo na nanghahabol ng mga bumibili sa tindahan ni Manang Yolly, isa sa mga nakakasurang hayop para sa akin ay ang tapulok. Isa itong isda na kabilang sa pamilya ng mga sardinas (Sardinella). Lumalangoy ito sa mga katubigan sa Gitnang Pilipinas, kaya masasabing hindi lamang ito matatagpuan sa mga laot ng Marinduque at sa kalapit na mga isla. Kung tutuusin, ang pagiging migrante ng tapulok ang siyang dapat na kumukumbinse sa akin nang gumaan-gaan ang loob ko para sa hayop na ito. Kumbaga, I feel you, tapulok. Pero hindi rin.

Isang araw, may nagdala sa amin ng mga tapulok na sa sobrang dami ay napuno ang isang bandehado. Di ito pangkaraniwan dahil noon lang din ako nakakita ng tapulok—at ng ganoon karami. Binigay ito ng nanay ng kras ko noong hayskul. Nangingilala siguro. Mabait naman akong bata noon. Kaso di rin kami nagkatuluyan sa huli. Taon bago mangyari iyon, nagbabala na ang mga tapulok. Natengga ito sa bandehado. Di ko alam kung bakit di man lang ginalaw nina Mama at Papa. Medyo hikahos pa naman kami noon. Hanggang sa nangamoy na lang. Ibinuhos sa bahugan ni Doggie at Barak, baka umubra pa. Kahit mga alaga namin, hindi ginalaw ang mga tapulok.

Baka nasa maling lugar at maling panahon ang tapulok. Mali na nailagay sa bandehado. Mali na napunta sa amin na wala namang paglalagyang ref. Mali na napadpad sa katubigang lumiligid sa pulo, nasukol sa lambat ng mandaragat, tinimbang at ipinagbili sa dalampasigan o tianggehan. Mali na nauwi lamang sa wala.

Marami pang wala sa tamang lugar. Sa mga huling sandali ni Papa, humiling siya ng di-karaniwan, tulad ng sambandehadong tapulok. Apple at orange daw. Ibinili ni Gab. Bakit kaya ganoong prutas, sa dami ng nakapaligid sa amin—santol, mangga, kaimito, suha, saging? Hindi na nakain ni Papa. Nasa maling lugar at maling panahon ang mga apple at orange. Wala sa tiyan ng papagaling. Nasa pulang plastik pa rin, sa paanan ng kabaong. Di na ginalaw.

{4} 24 Disyembre 2017, papalubog ang araw sa gitna ng laot. Nakakita kami ni Gab ng patay na ahas sa dalampasigan bago kami maligo. Tinanong nya si Kalbo, kung saan galing ang ahas. Habang nagtatapal ng vulca seal sa ilalim ng kaniyang bangka, sinabi nito na kahapon pa raw yun, isang walo-walo na nasabit daw sa lambat. Noong una, duda pa si Gab na walo-walo ito. Ang taba, ay. Pa’y kadalasan, mahaba yun na payat. Ayun, nakalibing ang kalahati ng katawan sa mga bato’t buhangin.

Alam naming sa laot lamang meron nito. Sa mga batuhan at koral sa malayong bahagi ng dagat. Nasa lusay kami, kung saan pino ang buhangin sa ilalim ng tubig. Lampas lang nang kaunti sa malumot na batuhang nagkalat bago ang baybay-dagat. “Nakakalais din ay,” sabi ni Gab, na natakot din nang daanang muli ang patay na walo-walo sa dalampasigan matapos ang paspasan naming pag-ahon.

{5} Siguro, mas trip ko pa ang pag-aaghamtae kaysa sa pag-aaghamtao. Tuwing Mahal na Araw, inaasar ng mga batang bulawlaw ang mga Morion na rumoronda sa Poblacion. Moriong bungi, may tae sa binti, takbo pauwi. Kakaripas ang Moriong namumula sa galit, iwawasiwas ang sandatang puno ng palamuti, at magsisiliparan ang mga tsinelas ng mga paslit upang matakasan ang sumasalakay na senturyon. Interesanteng tanong para sa mga nag-aaghamtao/e: Ano ang dalumat ng tae para sa mga tagapulo? Posibleng tema: Labas, loob, at lalim ng tae. Tae bilang konsepto ng kapangyarihan/ gahum/ power/ puissance/ pouvoir. Ang dekonstruksyon ng tae.

Sa mga ulahan, may insektong tinatawag na “sungkal-tae”. Kamag-anak ito ng mga salagubang at ulang. Dung beetle siguro sa pasosyal na Ingles. Tumatambay ito sa mga tipak ng tae ng kalabaw na ginagawang pataba sa lupa. Kamakailan, nahumaling ako sa mga kuwento ni Franz Kafka, isang Czech na manunulat. At naisip kong pwedeng itapat ang Marindukenyong “sungkal-tae” sa “vermin” na kinahinatnan ng kawawang Gregor Samsa. “Ungeziefer” ito sa orihinal na Aleman, na pwedeng tumukoy sa isang nakadidiring “creepy-crawler” o “bug”. Sa Bikol, isinalin ito bilang “malain na linalang”. Naalala ko rin ang ginamit ng nobelistang si Allan Derain: kumag. Nasasabik ko itong binanggit sa isang matandang propesor. Mag-aaral ako ng Aleman dahil gusto kong isalin ang mga kuwento ni Kafka sa Tagalog Marinduque. Abaw, nambasag ng trip ang gurang. Puwede naman daw basahin sa Ingles, bakit pa isasalin. Sabi ko, pake mo? Pero sa isip lang. Baka bulbugin ako ng Moriong bungi. Bumili na lang ako ng dalawang aklat. Klett’s Super-Mini German and English Dictionary at Learn How to Speak German.

{6} Kung ang batayan lang din ng pagiging tagapulo ay ang pagiging maalam sa nakaraan nito, mukhang pasok na ako sa banga. Nabasa ko ang ilang sulatin ng mga Franciscano at Heswita patungkol sa pagmimisyon sa Marinduque, gayundin ang mga riserts tungkol sa sikat na Battle of Pulang Lupa. Proud din ako na sa munting islang ito, nanalo ang mga Pinoy laban sa mga imperyalistang Kano. Ngunit yung hihigit pa roon, yung tipong malalimang historikal na pag-aaral na, hindi na yata gugustuhing sakyan ng maraming mga tagapulo. Mas napagkukuwentuhan pa ang mga alamat. Kung ano ang pinagmulan ng pangalan ng lugar na yaan at yuon, kung bakit ganto ang tawag sa ganire at ganyan.

Bognuyan ang pangalan ng barangay namin. Sabi sa alamat, may isa raw dayo (di ko alam kung Kastila o Amerikano) na nagtatanong tungkol sa lugar. E ang nakausap pala ay bingi. Dumaan ang isang ale, sinabihan ang dayo ng “Bungoy yan!” (ang ‘bungoy’ ay bingi). Akala raw yun na ang tawag sa lugar. Naging Bognuyan na.

Meron pang isa. Sa Mahunig, dalawang barangay ang layo sa amin. May isang Intsik daw na nabili ng dilis at nakihila pa ng lambat. E umulan nang matindi hanggang abutan siya ng gabi. Nakitulog daw muna si Intsik sa isang kubo. Pinahiram daw ng banig ng may-ari. Yuon palang banig ay bilaran ng dilis. Nang higaan ni Intsik, yanong baho raw. Natulog na laang nang nakaupo. Pag-uwi, ang laging sinasagot sa nakakasalubong ay “Maho-manig.” Baho-banig daw. At doon nanggaling ang Mahunig.

Kung ako lang, di ako papayag na makilala ang barangay naming sa higaang mabantot at mapalot. Saka, pinahiram ka na nga, nagreklamo ka pa. Sa pagpapangalan, mas mataas ang posibilidad na totoo kapag ipinangalan ang lugar sa halaman o nilalang sa dagat. Katulad ng Bachao (bakaw o mangrove). Pero laganap pa rin ang mga fakelore. Kahit ang Marinduque, na hango sa Mt. Malindig (‘lindig’ ang pagtingkayad upang di maabot ng tubig, tulad ng itsura ng bundok), ginawan pa ng katutubong romance story. Ang kuwento ng pag-iibigan nina Marina at Garduque. Pag pinagsama mo, Marin-Duque. Parang Romeo and Juliet ang istorya. Kaya nang pasulatin ang kaklase ng kapatid ko tungkol sa barangay nilang nagngangalang Buyabod, kumatha rin ang bulalaw ng sariling romance story. Ang kuwento ng pag-iibigan nina Boy at Abod.

Balik tayo sa Bognuyan. May alternatibong bersyon ng alamat ng Bognuyan ang pinsan kong si Maymay. Tungkol daw ito sa dalawang mag-asawa. Pero di naman romance story. Isang araw, naakyat daw ng niyog yung lalaki, at nagalaba naman yung babae. Pagkasungkit daw ng niyog ay nahulog, ang tunog sa lupa ay “Bog!” At sagot ng babaeng nagalaba, “Nu yan?”

{7} 16 Abril 2019, isang mainit na hapon. Nagtanong si Mama.
“Alam mo baga yung gudgura?”
“Oo, gudgura.”
“Ano yung gudgura?”
“Gudgura. Yung parang sa niyog, inagudgod. Gudgura.”
“Kudkura naman yun. Kudkud. Inakudkud yung niyog.”
“Kudkura, gudgura magkatunog naman, parehas lang yun.”
“Di a. Gudgura ay nahila mo, parang sa lubid, inahila.”
“Gudgura, parang ngudngura din. Nangudngod, nakudkod. Gudgura, kudkura, ngudngura, di ba parehas lang yun?”
“Iba yung gudgura. Di ka kasi taga-Marinduque.”
“Ay di naman talaga ay. Taga-Maynila ko ay.”

About the author

Emmanuel Jayson Bolata

Nagmula siya sa Marinduque. Isa sa mga batang guro na may matalas at mapanuring manunulat mula sa Timog Katagalugan. Nagtapos at nakakuha ng Magna Cum Laude sa History sa University of the Philippines at kasalukuyan ding nagtuturo sa nasabing unibersidad.

By Emmanuel Jayson Bolata