Tuwing Dayátan

T
Andyleen Feje

Mananapat kami sa bukid
Upang marating ang inyong
Sementado’t napalitadang
bahay—

Kakalabitin ng mga pasyok
Ang aming binti. Paiigtingin
Ang paalalang kailangan nang
humiram:

Ng pang araro, pang sibar, at duket;
Pambili ng binhi, pang upang bunot,
Bayad sabog-tanim, pampamiryenda—
pampataba.

Sa pintuan ninyo, huhubarin
Ang gusgusing tsinelas; idadampi
Ang paang namamalikas sa malalamig
ninyong sahig.

Kayo’y mag-aalmusal habang
Kami’y maghihintay, sa salas
Makikipagkasundo sa mga sikmura
na manahimik muna.

Palihim na panonoorin ang paglunday
Ng usok ng bagong ining kanin at hahayaang
Dumapo ang halimuyak ng ginisang upo sa
aming mga ilong.

Magkakasya na muna sa paglunok
Ng laway—ng hiya. Sapagkat puhunan
Sa pangungutang, ang matibay
na sikmura.

‘Di bale, baka sa darating na anihan—
Kami’y maimbitan nang
Kayo’y saluhan
sa hapag-kainan.

About the author

Andyleen Feje

Nag-aral ng Bachelor of Arts in Language and Literature sa Central Luzon State University. Nag-aral din siya ng Sertipiko sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa Polytechnic University of the Philippines.

By Andyleen Feje