Kung Bakit Kailangan Nang Palitan Si Rizal sa Luneta

K

Malamang noong nabasa n’yo ang pamagat, nagtaas na kaagad kayo ng kilay. Malamang iniisip n’yo kung sino na namang matalinong nilalang ang nakaisip nito. Panibagong ‘dare’ na naman ba ‘to ni Duterte kay Robredo? O baka naman isa ito sa mga agenda ni Quiboloy; maliban sa pag-angkin niya sa yunibers, e nais niya na ring magpatayo ng sarili niyang monumento? Maski ako, magtataka rin kapag nabasa ang sarili kong pamagat.

Magkagayunpaman, huwag ninyong ipagkakamali sa isang ‘dare’ o scheme ang sanaysay na ito. Wala itong kinalaman sa mga pustahan ng mga opisyal ng gobyerno at lalong hindi ako isa sa mga palowers ni Quiboloy na may balak i-promote siya sa ibang planeta. Maski ako, ayoko na ring idagdag si Quiboloy sa mga gustong puksain ni Thanos. Gusto ko lang talagang mapalitan na si Rizal sa Luneta. Gano’n kasimple.

Sa dinami-dami ba naman ng poproblemahin ng Pilipinas, dadagdag pa ‘to? Nagkakamatayan na ang mga magsasaka at mga alagad ng pamahalaan, lumilindol na sa Mindanao, lumalawak na ang teritoryo ng Tsina sa Pilipinas, talamak na ang adiksyon sa M.L., marami na ang nalululong sa Tiktok, lahat na lang yata ng hayskul student ay depressed, tapos ngayon isisiksik na naman sa imbakan ng kabobohan ang bagay na ‘to? Ni hindi pa nga natatapos ang isyu ng pagdaragdag ng si-ar, tapos ngayon, gusto ko pang pagtuunan ng gobyerno ang pagpapatanggal ng monumento ni Rizal sa Luneta? Ano’ng klaseng patawa ba ‘to?

Muli, hindi ko naman ipinagpipilitan na atupagin at paglaanan ng oras ng pamahalaan ang mungkahing ito (pero kung mey free time sila, pwede rin). Dahil mahirap naman talagang tanggalin sa Luneta si Rizal. Bukod kasi sa malaki ‘yung monumento at hindi ko kaya mag-isa, mahirap dahil hindi lang ang mga nagbabantay sa kanya do’n ang babaril sa’yo kundi pati na rin ang sambayanang Pilipino na sumasamba sa awtor ng paboritong nobela ng mga hayskul student na Noli at El Fili. Dahil walang dapat na kumuwestyon sa ‘kabayanihan’ ng kahanga-hangang indibiduwal na ito.

Kung nagtaas ang kilay n’yo kanina, malamang ngayon, nanlilisik na rin ang inyong mga mata. Sino ba naman sa tamang isip ang hahamon sa validity ng kabayanihan ni Jose Rizal? Gaano ba ka-credible ang kritik na ito at nais na kagaad magbuhat ng sariling bangko? Regular ba ‘to sa mga writing workshop? Nakapag-publish na ba siya ng kanyang mga akda? Heh, writer wannabe!

Hindi lang naman sa pisikal na Luneta dapat tanggalin si Rizal kundi sa Luneta rin ng mga puso at utak ng mga Pilipino. Naaalala ko ang isang pahayag ng isang historian sa isang dokumentaryo tungkol kay Rizal. Ang sabi niya, tila nakatadhanang maging bayani si Rizal dahil sa mala-pelikulang timeline ng kanyang buhay. Ipinanganak, nakitaan ng katalinohan sa murang edad pa lamang, nakaranas ng pang-aapi, nag-aral sa ibang bansa at nagbalik dala-dala ang karunungang ginamit niya upang kalabanin ang mga dayuhan. Kung hindi ito tulad ng timeline ng Marvel superhero movies, ano pa ba ang tawag dito?

Tila naging pantasya ng bawat manunulat na Pilipino ang paghimok sa nasyonalismo ng isang bayang api. Kilala si Rizal sa ganitong pamamaraan ng rebolusyon at saksi ang kasaysayan kung paano tinangkilik ng marami ang ibinibenta ng mga aklat tungkol sa kabayanihan ni Rizal. Saksi ang kasaysayan kung paano naging baliw sa pagbibigay-pugay kay Rizal ang mga Indiong sinagip niya mula sa pagkakaalipin. At tinutukoy ko rito pati ang mga Indiong umiinom ng milktea, naglalaro ng ML, nagpapakyut sa tiktok habang sumasayaw ng Neneng B, mga Indiong panay kuha ng larawan bago kumain, post muna sa facebook bago gamutin ang sugat ­­. Tinutukiy ko ang mga Indiong Victorina sa panahong ito.

Patunay ng kakultuhang ito ang hindi na mabilang na mga monumento ni Rizal sa lahat ng sulok sa Pilipinas (kulang na lang yata i-rekwayr na rin ng gobyerno ang pagpapatayo ng monumento sa mga kabahayan), may Rizal Day, may holiday sa araw ng kanyang kaarawan, lahat ng mga matatalinong Pilipino ay sinasabing sa kanya nagmana. Paano na lang kaming mga nagmana kay Bonifacio? Na bukod sa hampaslupa ay mainitin pa ang ulo? Kung tutuusin, mas marami sa atin ang mas nagmana pa kay Bonifacio kaysa kay Rizal. Karamihan sa atin ay mahirap, walang kakayanan na makapag-aral sa ibang bansa (minsan pa nga maski sa Pilipinas), hindi rin kilala ang ating mga pamilya, at mas lalong hindi tayo nakapaglalakbay kung saanmang panig ng mundo at makipag-jowaan kahit na kanino. Kaya nga siguro iniidolo ng mga Pilipino si Rizal dahil siya ‘yong taong kahit kailan hindi magiging tayo. Kumbaga, naging fixation na natin ang ating pambansang bayani.

Naniniwala ako na mabuting mamamayang Pilipino si Rizal sa kanyang panahon kung ikukumpara sa mga natulog lang daw no’n at tumanggap ng mga pang-aapi. Subalit, maging ang kasaysayan ay maaaring mahaluan din ng politika. Ay, mali. Ang kasaysayan mismo ay isang politika. Hindi maikakailang nakasentro lamang din sa kasaysayan ng Luzon ang tinatawag nating kasaysayan ng lahat ng mga Pilipino. Maging ang pagkakatalaga ng Filipino bilang isang pambansang wika ay bunga ng politika kaya hindi na nakapagtatakang may hindi pa rin makatanggap sa Filipino bilang isang pambansang wika sapagkat ito’y nakabatay sa wikang Tagalog.

Pero ano nga ba ang sinasabi ko? Bakit kailangang pakialaman pa ang matagal nang namayapang si Rizal? Naaalala ko pa no’ng history class namin, ang sabi ng teacher ko, noong mamatay raw si Rizal bago siya barilin ng araw na ‘yon, ibinilin niya raw na h’wag syang patayuan ng monumento, h’wag siyang alalahanin dahil siya’y mamamayapa na. Pero tila nagpaparinig lamang daw ang ating pambansang bayani dahil talagang iyon ang gusto niyang mangyari. Kung totoo ito, ay talagang maniniwala na akong adbans mag-isip itong si Pepe. Napaubo tuloy si Bob Ong at naitanong kung bakit ba kasi baliktad magbasa ang mga Pilipino? At ngayon pa lang, sinasabi ko nang kahit tumaas pa ang ating literacy rate, hinding-hindi natin masasagot ‘yan.

Simula nang maging simbolismo ng katalinohan si Rizal, naging panata na yata ng mga Pilipino ang maging doktor, abogado o kung hindi kaya ng utak, maging magaling na manunulat. Pero hindi rin ito sasapat. Kung papasok man sa mundo ng pagsusulat, kailangang maging reblosyunaryo rin ang dating ng panulat. Kailangang mahimok mo rin ang utak ng mga Pilipino na magising sa ilusyon ng pag-unlad na pilit na isinusubo sa atin ng pamahalaan. Kailangang maging daan ka rin sa isang pag-aalsang hindi aasahan ng mga nasa katungkulan hanggang sa ipabaril ka na lang nila lang sa likod. Kung hindi mo magawa ito, hindi ka kwalipayd. Nagsusulat ka lang daw for yourself.

Gayunpaman, hindi rin naman kasalanan ni Rizal na tila diyos na ang turing sa kanya ng mga Indiong ipinaglaban niya. Kung group project ang pagtatanggol sa kasarinlan ng Pilipinas, si Rizal lamang ang tumanggap ng kredits kahit na marami sila ang gumawa.

E ngayon ka pa ba magrereklamo? Alangan naman gawan din sila ng kanya-kanyang holiday? Gumagawa ka lang eksyus para dumami ang bakasyon!

Tama nga naman. Kung tutuusin, baka nga maubos ang buong kalendaryo kung i-a-account din natin ang iba pang mga bayani na nakipagsapalaran sa kalayaan ng bansa. Baka maraming masugatang elitista kapag sinabi kong kasaysayan lang ng Luzon ang kasaysayang pinag-aaralan sa paaralan. Wala masyadong nababanggit na kasaysayan ng Mindanao kahit na sa mga paaralan sa Mindanao. Kung magkakaroon man ng historical revision, e unahin muna sana ang paglalagay ng maraming entry tungkol sa iba pang lugar sa Pilipinas. H’wag tayo bias.

Lalo akong naintriga noong magkaroon ng mungkahi na ipalit si Tiyong Boni kay Pepe bilang pambansang bayani ng Pilipinas. Hindi ko alam kung bigla ring tinopak ang nagmungkahi nito o nasampal siguro ng isa sa mga guwardiya ni Rizal sa Luneta. Pero sa tingin ko, unti-unti nang gumigising ang kamalayan natin sa kasaysayan.

Nagkaroon kami ng pagkakataon na mabisita ang bahay ni Rizal sa Dapitan dahil sa isang field trip. At hindi iyon ang aming pers taym na makapunta roon. Preserved siya, hindi tulad ng mga bahay ng mga di-kilalang hampaslupang bayaning ipinaglalaban kong makilala n’yo. May mga naka-assign na mga tour guide para sa amin at habang naglalakad ay kinukwentuhan nila kami ng mga bagay tungkol kay Rizal. Kahit naman na common knowledge na ‘yong ikinukwento ng tour guide, hindi ka naman pwedeng magreklamo. Syempre kailangang mukhang shocked ka pa rin.

At alam n’yo na ba na binaril siya sa likod? Imagine? Sa likod!?

OMG. Kung hindi ako nakinig sa inyo, malamang aakalain kong sinasaksak siya sa harap.

Pero hindi ko minamaliit ang tour guide namin. Ang akin lang, wala bang sariling kasaysayan ang Dapitan na maaari nilang ibahagi sa mga bumibisita roon? Ganoon ba talaga kakonti ang mga nalikom na datos hinggil sa kasaysayan ng mga Dapitanon at kailangang umikot lamang kay Rizal ang kanilang halaga? Kung mayroong tunay na bayani, iyon ay ang mga taong tumanggap sa kanya sa Dapitan noong siya’y nagtatago mula sa mga Kastila. Pero kahit man lang isang letra ng pangalan ng mga taong ‘yon, hindi ko narinig na binanggit nila.

Naaalala ko noong bata pa ako. May monumento rin ni Rizal ang aming munting plaza sa tabi ng aming municipal hall. Namamasyal kami ng kapatid ko do’n kapag gabi dahil malamig at masarap pagkwentuhan tsaka tahimik pa. Hindi ko kaagad nakilala ang pandak na monumento na may dala-dalang libro at sombrero siguro dahil kutis-porselana siya sa monumentong ‘yon. Na-appreciate ko rin kasi nakuha nila ang height ni Rizal kahit na mukhang hindi si Rizal ang monumento. Nagtanong ako sa tatay ko kung bakit may dala-dalang libro si Rizal no’n at sabi nya, kasi daw palaaral si Rizal kaya lumaking matalino. Idinagdag pa niya na dapat daw tumulad ako kay Rizal para lumaki akong matalino at mapakinabangan ng bayan. Sa musmos kong isipan, naitanim na sa akin na kaya ka nag-aaral, hindi lang para sa sarili mo, hindi lang para sa mga magulang mo pero higit na para kay Rizal este para sa bayan. At sa tingin ko, hindi lamang ako ang natatanging batang Pilipino na ganoon ang iniisip.

Totoo naman talagang ginawa nating standard si Rizal kung ano dapat ang isang bayani. Totoo naman talaga na wala na tayong ibang bukambibig kundi ang maging kamukha ni Rizal ang lahat ng mga tao. Kapag may ginagawang kabulastugan ang kabataan, nagiging sirang plaka ang kasabihang, “Ang kabataan ay pag-sa ng bayan!”

Para sa akin, hindi naman talaga niya ginawang rekwayrment ang pagiging pag-asa ng bayan nating lahat. Tayo namang mga Pilipino, akala mo e tumanggap ng FAMAS Award noong bilinan tayo ng ating pambansang bayani. Kaya kahit sa long quiz, ‘pag hindi ka pumasa, kahiya-hiya ka nang bata ka! Itatakwil ka pa ng sarili mong pamilya nang dahil kay Rizal.

Nakataas pa rin ba kilay n’yo? (‘Yong totoo, hindi pa ba kayo nangangawit?)

Pero kung hindi pa rin kayo kumbinsido, malamang bobo ako magpaliwanag.

Hindi pa tayo nakakakalahati sa punto ng sanaysay na ito. Ganito kasi ‘yan, maaaring malaki ang naging epekto ni Rizal sa sa daloy ng ating kultura. Nakaugat sa kasaysayan ang lahat. Saka lamang natin maiintindihan ang isang bagay kung talagang naarok na natin ang dahilan kung bakit ito nabuo. Paano mo malalaman ang gamot sa sakit? E di syempre, kailangang alamin ang sakit. Pero oops! H’wag na muna ninyo akong sakalin. Hindi ko naman sinasadyang ikumpara sa sakit ang pambansang aydol na si Rizal. Ganito lang talaga magpaliwanag ang mga bobong tulad ko.

Pero kahit ang bobong tulad ko ay may mga tanong din. Kung sa bagay, mas marami naman talaga ang mga tanong namin kaysa kaya naming ibigay na mga sagot. Halimbawa sa workplace, syempre toxic tulad ng maraming workplace sa Pilipinas. Lahat, nagkukunwaring matalino. Lahat, naghihigitan sa lihim. Lahat ng ito’y apat na taon pa bago ko maintindihan. Bakit naman kaya hindi na lang sila magsabunutan sa harap ko? O kaya’y magsaksakan. Kahit papaano’y maiintindihan ko na talagang malalim na pala ang galit nila sa isa’t isa. Hindi ‘yong magugulat ka na lang na ‘yong kaninang nagyakapan, malalim na pala ang samaan ng loob.

Professionalism kasi ‘yan at hindi naman talaga kailangang magkaibigan kayo. Siguro ganyan talaga magtaray ang mga matatalino; ganyan magtaray ang mga tulad ni Rizal gamit ang professionalism.

Minsan, sa meeting namin, nagsama-sama ang mga Rizalista. Sa mga ganitong pagkakataon lang naman nagkakaroon ng chance ang mga ‘hawud’ na magpakitang-gilas sa galing nila sa pagbibigay ng solusyon sa problema. Bawat isa, tila nagpapalit ng balat kapag tinatanong na ng kanilang mga opinyon. May mga nasasaniban ni Balagtas na gumagaling na sa pagra-rap kapag galit, mga nasaniban ni Bayang Barrios na walang ibang ginawa kundi sumigaw, minsan pa nga napadpad din ang kaluluwa ni Makoy at may bigla na lang minarasyal lo ang mga tao at pinatahimik. Pero lahat sila’y may tilamsik na ng kaluluwa ni Rizal. Matapos ang mga sigaw, ang nga insulto, ang pagkuyom ng kamao, ang pamumula ng tainga, sa huli’t huli, ang lahat ng iyon ay puro “professionalism.”

Isa pang dahilan kung bakit gusto ko nang palitan si Rizal sa Luneta, lahat na lang gusto maging doktor, abogado, enhinyero at kung ano pa man d’yan basta daw h’wag lang magtitser! Aba’y hindi ko maarok kung ano ang masama sa pagiging teacher? Hindi ba’t naging guro rin si Rizal sa mga kabataan ng Dapitan? Kunsabagay, baka iba nga talaga mag-isip ang mga matatalino. Dati, kapag tinatanong ako kung ano gusto ko paglaki, doktor din ang isinasagot ko. Minsan pa nga, sabi ko sayantist e. Pero no’ng maghayskul ako, napag-alaman kong may takot na pala ako sa Math o baka yung Math ang may takot sa akin. Basta, hindi na kami muling nagkasundo. Kaya sabi ko, gusto kong maging journalist kasi panay na rin ang sali ko no’n sa Journalism. Pero kailanman, hindi ko isinagot na gusto kong maging teacher. Pero mapaglaro talaga ang tadhana dahil ngayon, nasa loob na ako ng klasrum, minsan naninigaw, madalas magulo ang buhok at nagtuturo ng mga araling kakalimutan lang din naman. Pero sa pagtuturo lamang lumalim ang pag-intindi ko kay Rizal at sa Rizalisasyon ng ating bayan. Sa pagtuturo lamang, narating ko ang isang pag-unawa na alam kong hindi ko makakamtan kung naging doktor ako, abogado, enhinyero o kahit na maging isang magaling na manunulat.

Naalala ko rin sabi ng estudyante ko na hindi raw talaga siya mag-i-engage ng career sa humanities subject kasi wala raw pera do’n. Gusto niya syempre maging doktor, engineer, scientist at kung ano pa ‘yang ibang mga ka-ek-ekan. Lalo ayaw niya maging teacher dahil wala naman daw challenge ang trabaho. Kung pwede ko lang sana sabihin sa kanya na challenge na rin para sa akin na hindi siya sipain sa tabi. Pero syempre, ayaw naman nating ma-Tulfo kaya nakinig lang din ako. Etong mga batang tulad niya, si Rizal rin panigurado ang aydol. Ipinaintindi ko sa kanya na hindi naman totally walang challenge ang pagtuturo. Sa pagtuturo, nakasasalamuha mo ang iba-ibang estudyante na may kanya-kanya ring topak, isali na rin natin ang ilang mga magulang na minsan mas problematic pa kaysa mga anak nila. Sabi ko sa kanya, lahat ng ‘yan kailangan mong pakibagayan kahit na may sarili ka ring issue sa buhay. Gumawa pa ako ng analogy na parang nagbubuhat ka ng bato sa kabilang balikat at isa pang mas malaking bato sa kabila at syempre, kailangan mong pagpantayin ‘yon habang sumasayaw ka sa baga. Natawa lang siya. Sabi niya, mas lalong ayaw niya nang maging teacher. Sabi niya, magdo-doktor na lang daw talaga siya. Gusto niyang mag-abogado pero hindi rin pwede kasi nasa science high school siya. Ang sabi ko naman sa kanya, wala namang problema kung sundin n’ya ang gusto niya sa buhay. Buhay niya ‘yon e, at isa pa, YOLO. Pero ipinaliwanag ko rin sa kanya na ang walang kapera-perang humanities ang dahilan kung bakit nakangiti pa rin siya kahit bugbog-sarado na siya sa acads. Imagine, buong araw kang magki-Chem, magfi-Physics tas marami pang dapat i-memorays sa Bio, mga formula sa Math, coding sa Computer Science. Kung hindi dahil sa mga role play, talakayan tungkol sa buhay-buhay, tawanan sa klase lalo na kapag may mga activity na tanging mga Humanities subject lang ang nakagagawa, baka ngayon, hindi na siya tao. Baka ngayon, nasa rooftop na siya at nagbabalak nang tumalon. Sinabi ko sa kanya na, “We keep you sane.” Tumango lang naman ang estudyante kahit na medyo resistant pa rin siya. Baka kasi hindi naman totoo sa kanya ‘yon kasi matalino siya. Baka hindi niya naman kailangang pasayahin at mas gusto niya ang buhay na challenging. Pwede rin naman namin gawin ‘yon e. Pasulatin ng maraming reflection paper na hindi naman babasahin, pagsauluhin ng salita sa salita para mabaliw, pagawain ng isang buong production ng play at kailangan with audience pa. Pwede naman talaga pero nakatatakot ring bigla isang araw, nakikipag-usap na pala sa dingding o sa mga dinaysek nilang palaka ang mga estudyante mo. Doon nagtapos ang aming pag-uusap at hindi n’ya na rin ako muling kinulit.

Hindi ko naman masisisi ‘yong bata. Lumaki rin siguro siya sa isang pamilyang ang tingin sa sa humanities subject ay decoration lang sa curriculum ng isang science high school. Hindi naman ako naninira pero maniwala kayo’t sa hindi, totoong may mga Rizalistang magulang. Dati, isang magulang ang nangompronta sa akin. Sabi niya, wala akong karapatang magbigay ng maliit na grado dahil Filipino lang daw ang sabjek ko at hindi naman talaga daw magagamit ng bata. At isa pa, hindi naman daw mahirap ang aralin sa Filipino dahil kahit noong araw, naipapasa daw nila. Hindi naman bumagsak ang bata, talagang hindi lang nila matanggap na ang sabjek na minamaliit nila ang nagpaliit sa general weighted average nito. Umuusok ‘yung ilong ng magulang pero kalmado lang ako. Ipinaintindi ko sa kanya na wala na sa elementary ang kanyang anak at sumusunod lang din ako sa hinihingi ng curriculum guide namin. Nagmungkahi na rin akong hanapan na lang ng tutor ang bata kung gusto talagang mag-plat wan. Syempre ayaw pa rin patinag ‘yong magulang. Sabi niya, hindi raw katanggap-tanggap ang gradong ‘yon dahil lumalabas na walang natutunan sa klase ang kanyang anak. Pero ang sabi ko, hindi naman kasi ginagraduhan sa ang attendance. Hindi ko naman pwedeng sabihin sa kanya na kapag tinatanong ko ang bata parang mawawalan na yata ng ulirat sa kaiisip ng isasagot. Pero sa huli, sasabihan ka lang ng, “No comment, ma’am.” Aba’y hindi naman ipinaalam sa akin na nasa showbiz pala ang anak niya. Hindi naman problema kung hindi siya makasagot. Naiinis lang ako kasi nasa isang science high school na pero mukhang hindi pa rin yata nagkakaroon ng sense of responsibility kahit man lang ang MAKINIG SA KLASE. Nagtagpo na ang mga kilay ng magulang, nakangiwi na ang mga labi. Wala na akong ganang makipag-usap. Pinapirma ko na lang ng kard bago pa ako ang tuluyang mawalan ng ulirat. Sa susunod, kapag tinanong niya ako kung ano ang nangyayari sa anak niya, sasagutin ko na lang siya ng, “No comment, ma’am.”

Kung ano ang kinalaman ni Pepe sa mga pinagsasasabi ko kanina, e eto na’t ipaliliwanag ko. Tulad ng sinabi ko na, naging simbolismo ng katalinohan si Rizal para sa mga Pilipino. Maraming kabataan ang itinuturing siyang tunay na bayani at karapatdapat sa atensyon na ating ibinibigay sa kanya. Pero higit sa lahat, si Rizal ay isang status symbol para sa mga matatalino, mayayaman, elitista. Dinaig pa niya sa dami ng monumento si Kristo. Kunsabagay, pareho na silang diyos kasi may relihiyon na ring ang pinaniniwalaang Messiah ay si Rizal. Pero h’wag na nating pakialaman ‘yon dahil baka lalo lang lumalim ang pwesto ko sa impyerno.

Dapat nang maging talakayan sa kongreso ang pagpapa-evict kay Rizal sa Luneta Park at sa lahat ng sulok na pinutakte ng kanyang monumento. Kung sinong bayani ang ipapalit ay h’wag muna nating problemahin. Baka mamaya, may magmungkahing si Raffy Tulfo na ang ipalit dahil bayani na siya sa maraming api. Baka mas lalong magwala si Briones at mag-petition na siya na lang. Hindi pa ako handa para sa gano’ng event.

Sakaling mapalitan o mapatanggal si Rizal sa Luneta, baka unti-unti na nating maisip na hindi priority ng ating bansa ang katalinohan. Baka maraming kabataan na ang maging responsable hindi dahil sinabi sa kanila ng isang patay na bayani kundi dahil naniniwala sila sa katinoan at malaki ang kanilang paggalang sa kanilang mga magulang. Baka rin, makatanggap naman kaming mga teacher na tulad ko ng paggalang lalo na yaong nasa linya ng humanidades. Sa araw na palitan si Rizal, baka naman maging sapat na ang mga Pilipino.

About the author

Aljane Baterna

Tubong Misamis Occidental, kasalukuyan niyang tinatapos ang Master ng mga Sining sa Filipino sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology. Apat na taon na siyang nagtuturo sa Philippine Science High School sa Zamboanga Peninsula. Balak din niyang bumalik sa pagtatanghal.

By Aljane Baterna