Nagmadali ang kalam ng sikmura,
nagparamdam ang ngawit ng braso at balakang.
“Kapuy kaayo!” hudyat ni Renante. “Gutom na,” sagot ni Mario. Mabilis na inilatag ng dalawa ang bitbit na tanghalian:
isang kalderong kanin at isang lata ng sardinas, dagdag sa mahabang listahan sa tindahan. Manipis ang lilim ng mga palapa ng lubing binaog ng bagyong nagdaan,
pero pahinga ang hatid ng lamig nito
sa mga hubad nilang katawan. Pinagsaluhan ng dalawa ang kanin at ulam kasahog ang walang humpay na istoryahan:
buntis na ang inahing baka ni kapitan
buntis na rin ang panganay nitong dalaga,
siya pa namang inaasahan;
alin, ang baka o ang dalaga?
tawanan
maihahabol kaya ang mais?
paano kung biglang umiyak ang langit? pisting-yawang panahon!
kailan kaya maitatayo ang tulay papuntang bayan? problema pa rin ang pagdadala ng mga produkto, paghahatid sa mga maysakit, at pagpasok sa eskuwela pagpunta sa mol ng anak ni mayor
na nauna pang itayo
kaysa tulay na gumuho.
Tinanaw ni Renante ang bundok sa dulong bahagi ng mga sakahan Sa bahaging mabilis na humulas ang alikabok
Sa bahagyang ihip ng hanging galing kanluran
na nalalapnos naman sa tuwing bumubuhos ang ulan.
Walang bata sa San Bartolome ang hindi nakarinig sa mga kuwento tungkol sa bundok ng San Bartolome
ang nagtatayugang matitikas na puno ang sanga-sangang halamang gubat
ang sari-saring hayup na doo’y namugad ang makapal na gubat na nagkanlong
sa mga Pilipinong lumaban sa mga Amerikanong mananakop.
May panahon nga raw na hindi nagugutom ang mga taga-San Bartolome, abot-kamay ang biyayang nasa sinapupunan lamang ng gubat. Sari-saring engkanto at maligno ang pinaniwalaang doo’y namumugad kaya’t walang nagpuputol o nagsusunog o nagsisira, kundi’y baka mabulag o maduling o lumaylay ang suso o umiksi ang titi.
May panahon sa kanyang kabataan
nakagalitan siya ng ama dahil sa hindi pagpasok sa eskuwela. Hindi niya maipaliwanag kung bakit
Ayaw niyang malaman ng ama ang pasakit
Nararamdaman niya’y kakaiba
At alam ng ibang siya’y kakaiba.
Dinadala siya ng lungkot sa gubat.
Ipinaghehele ng lilim ng mga puno
Binabanyusan ng malamig na hamog
Yinayakap ng bango ng bagong bukadkad na bulaklak. At maglalaro ang kanyang hiraya
Hanggang mawala ang takot at sama ng loob.
Yungib
May isa pang istorya ang dati’y kumalat
at walang nakaalam kung saan galing o kanino nagmula.
Isang kuwentong pilit kinitil ngunit
wari’y isa iyong alamat na nagsalin-dila.
Kuwento iyon ng isang nilalang na galing pa sa sinaunang panahon na itinakwil kasama ng mga anito, diwata at bailan.
Ang kuwento’y sa yungib dumaan at nagpalipas
at sabi-sabi’y sa yungib nananahan
sampu ng mga maligno at engkanto
at lumilitaw lamang tuwing kabilugan.
At tulad ng iba pang alamat, nalimutan ang tungkol sa nilalang dahil hindi na pinag-usapan, ayaw nang pag-usapan.
Tin-edyer si Renante nang utusan ng amang manguha ng langka sa gubat. Pang-ulam daw sa araw na iyon, inaning palay ay hindi pa naibebenta. Takot man sa maligno’t engkanto, mas takot naman siya sa sinturon ng ama. Kaya dali-daling narating, kinatatakutang kagubatan.
Tama nga ang sabi ng mga kababaryo
Kakaiba ang pakiramdam kapag nasa pusod ka ng gubat:
malamig sa balat ang ihip ng kanyang hininga bitbit ang sari-saring halimuyak
ng bagong bukadkad na bulaklak,
o bagong hinog na prutas
o natutuyong dahoon
o nabubulok na hayup.
Bitbit ni Renante ang pakay na langka nang sa kanyang harapan bumungad ang yungib na kinatatakutan. Nanghahalina:
nariyan kaya ang maligno? sasalakay ba ang engkanto? sasayaw ba ang bailan?
Naupo si Renante sa bukana ng yungib upang magpahinga at magpahinahon. Hindi inakalang may sorpresa sa kanya ang nananahan doon.
Sa kanyang pagsilip sa loob ng yungib,
hindi engkanto o malign
o bailan ang nasaksihan.
Ang kababatang si Mario ang nakita nakahiga
nakapikit
siguro’y naidlip sa kabusugan
sa sari-saring prutas na nilantakan ngayo’y nagkalat sa kanyang paanan.
Linapitan niya ang nahihimbing na kababata upang gisingin at ayaing umuwi
Sa halip, natigilan siya sa kahubdan ng binata:
mapipintog na braso at dibdib
na hinulma ng trabaho sa bukid,
malalapad na paang-bukid na puno ng peklat at langib
ng mga sugat: pinaltos ng matigas na lupa
hiniwa ng bato, kinagat ng insekto.
mabibilog na hita at binting umaalpas sa suot nitong masikip na syort.
Manipis ang amoy ng pagbibinata ng kababata.
Matamis ang bulong ng nilalang na sa yungib nananahan. Dumilat si Mario, sinalubong ang kanyang mga titig. Nagpiyesta ang mga maligno at engkanto
Napuno ng himig ng bailan ang yungib
At narining ito ng kanilang mga puso.
At kapuwa sila hindi natakot.
Umuwi si Renante, bitbit ang langka
At ang unang karanasan ng pagbibinata.