Pinunit ng paglipad ng isang malaking uwak ang tanaw ni Renante sa gubat. Sinundan niya ito ng tingin hanggang dumapo sa palapa ng katabing lubi. Nahiga si Renante sa damuhan,
Nanginginain pa rin si Kardo sa may kawayanan.
Nakipagtitigan ang ibon kay Renante.
Wari’y naamoy ng ibon ang alingasaw ng kapaguran nilang mga leybor.
Mabilis na lumipad ang ibon pakanluran.
Nag-iba na nga ang panahon.
Ilang taon nang binabalisawsaw ang langit.
Ilang taon nang hindi na nasusundan pa
ang unang ulan ng Mayo.
Natutuyo ang mga palay sa panahon ng palay, nalulunod ang mga mais tuwing maisan.
At humahaba lamang nang humahaba ang listahan ng kanilang utang sa mga amo.
Napakamot na lamang sila ng ulo habang
Pabigat nang pabigat ang bigat ng ararong
pinurol ng panahon
na minana pa nila sa lolo ng lolo ng kanilang lolo.
Sa San Bartolome, mas naunang dumating ang selpon kaysa traktora at irigasyon.
Hinabol ni Renante ng tingin ang papalayong ibon
at nahagip ng kanyang sulyap ang nahihimbing na si Mario:
Malapad pa rin ang mga talampakang puno ng peklat.
Mapipintog pa rin ang mga masel sa braso at dibdib.
Malalakas pa rin ang hita at binti.
Lima na rin ang anak, nasa Kuwait ang asawang iniwan ang pagkatitser bitbit ang pag-asang gaganda ang kanilang buhay sa San Bartolome. Pumikit si Renante, baon ang imahe ni Mario. Wala pa rin namang nagbago.