Sakaling bawiin man
Ng ‘yong ama ang sakahan
Ay ‘wag kang mag-alala.
Mananatili akong magsasaka.
Iyayakap ko ang
May putik pang palad
Sa sariling puso—
Dudukutin. Pagkatapos,
Isasahod ang lahat
Ng tutulong dugo
Sa ginto n’yang baso.
Ito ang huli kong serbisyo.
Serbesa para sa ‘yong ama.
Hihiwain ang puso sa gitna;
Palamlam’nan ng pagung-pagongan,
Atangyá, kagaygay, susô,
at berdeng ngusong kabayo.
Ipaalalang manalangin s’ya’t
Maghugas ng kamay
Bago lantakan at gawing pulutan
Ang relyono kong laman.
At, kung s’ya’y mahihirinan
Agad na iaabot ang gintong baso;
Aabangan ang kan’yang pagdighay.
Sa huling kong hininga:
Sabay naming lalanghapin
Ang akala n’yang tagumpay.
Sapagkat nakawin man
Ang bukid na minana
Ay mananatiling magsasaka
Ang katulad kong anak ng lupa.