Pompeii

P

Naroon ang mga kasangkapan
kung paano iniwan. Walang imik

ang mga lansangang naparam
sa gitna ng paglikas.

Dumaluhong ang kumukulong abo,
bato, mga siglo—

Lumambong
sa balangkas ng lungsod.

Lumikha ng hugis-taong guwang
sa sapin-saping tining
ang mga naglahong katawan.

Walang nag-alala
o nakaalala. Mangmang ang bagong salta
sa mga hiwatig ng lupa.

Nang sa wakas bungkalin,
ito’y upang magpunla,
hindi hanguin ang labí.

Walang iniwang bakas
ang mga tunog

mula pagsambulat
hanggang huling singap.

Nanatiling nakabaon
ang kanilang mga tili.

Sa ibabaw,
namimintog ang mga uhay.

About the author

Cristian Tablazon

Nagtuturo si Cristian Tablazon ng malikhaing pagsulat at araling pangkultura sa Philippine High School for the Arts. Kabilang ang hal., Kritika Kultura, High Chair, Asian Journal of Culture Literature and Society, Quarterly Literary Review Singapore, Ani, Kilómetro 111: Ensayos sobre cine, Queer Southeast Asia, at Convocarte—Revista de Ciências da Arte sa mga lathalain kung saan lumabas ang kanyang mga akda, at inilimbag din ng RAR Editions (Yogyakarta) at GAMeC (Bergamo) ang kanyang aklat na pinamagatang Fugue noong Oktubre 2020. Naitanghal na ang kanyang mga gawa sa Museum of the Moving Image (US), Vargas Museum (PH), Image Forum Festival (JP), Artspeak (CA), Animistic Apparatus (TH), Ayala Museum (PH), PHotoESPAÑA (ES, PH), Spaceppong (KR), CICA Museum (KR), ArtCenter College of Design (US), The Wrong Biennale, at Seattle Center Armory (US). Kasapi siya ng Young Critics Circle Film Desk at katuwang na tagapamahala ng Nomina Nuda, isang alternatibong espasyong pansining sa Los Baños, Laguna.

By Cristian Tablazon