Sanghiyang

S

Sa kalsada, may mga talampakang
nagsasayaw,
nalalapinos sa baga
para sagipin ang buong katawan
mula sa pagkatupok.

Sa bahay, may braso,
may likod, may binti
may puke na nagtitimpi.
Nalalapnos sa baga
ng iniibig
para sagipin ang puso
mula sa pag-iisa.

Kagabi,
sinubukan kong ginamutin
ang lapnos na katawan ni Inay.
Nakadungaw siya sa bintana
nang sagiin niya ang hawak kong bulak.
Tinitigan niya ako nang matagal.
Binitawan ko siya.
Sinalat ng mga daliri niya
ang mga espasyong walang pasa at
paso ng sigarilyo, saka sumindi ng isa.
Hithit, buga, hithit, buga—
inaabangan niya ang asawa habang nagtatago
sa usok at buntonghininga.

About the author

Agatha Buensalida

Isa sa mga aktibong kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Naging fellow rin siya sa UST National Writers’ Workshop at sa Cavite Young Writers Online Workshop. Napabilang ang kanyang mga tula sa ilang publikasyon, katulad ng BAGA at LILA: Antolohiya ng mga Babaeng Makata ng LIRA.

By Agatha Buensalida