Paglimot

P

Ang gunita mo sa akin ay tamis nitong umagang
Pinapait na ng alon sa iniinom kong kape.
Ang imahen ko sa iyong mga mata’y di na parte
Ng padilat mo—natipon na sila sa aking tasa.

Wari ko ay may nabuong siklon ang iyong pahalo;
Nakulangan sa asukal dahil iyo nang nalimot
Pati ang ibig kong timpla. Lahat ng nga ay hinigop
Ng nalikha mong buhawi’t kabilang ka sa naglaho.

Kung bakit kailangan kang ubanin at magkagatla
At bumalik sa kawalan ng danas at diwa, Inay.
Marahil nga, ang paglimot at walang kilalang mahal
At dumarating na lamang kung kalian ka di handa.

About the author

Agatha Buensalida

Isa sa mga aktibong kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Naging fellow rin siya sa UST National Writers’ Workshop at sa Cavite Young Writers Online Workshop. Napabilang ang kanyang mga tula sa ilang publikasyon, katulad ng BAGA at LILA: Antolohiya ng mga Babaeng Makata ng LIRA.

By Agatha Buensalida