Halika, huwag ka mag-alinlangang
Iugoy ang iyong katawan
Sa bisig ng aking duyan.
Kalimutan mo ang iyong takot,
Hindi ka naman mahuhulog―
Hahawakan kita nang mahigpit.
Sa simula’y matrabaho ito,
Kailangan mo munang magkusa
Tulad ng pagturo mo sa ’kin noon
Kung paano sumayaw sa himig
Ng pagaspas ng mga dahon.
Huwag ka lang magmadali
Nang hindi ka agarang mapagod,
Unti-unti’y makukuha din natin
Ang indayog na hinahanap mo
Hanggang sa tayo’y mapag-isa’t
Mapanatag sa katahimikan.
Sige lang, huwag ka lang mahihiya
Kung kakaramput na lamang
Ang itinira ng pagod sa’yo.
Sapat lang ang hinihingi ko
Sa lakas na ilalaan mo,
At kung ika’y mapagod na’t
Gusto nang mamahinga,
Pumikit ka lang, sinta.
Hayaan mong ihele kita
Dahan-dahan, unti-unti,
Hanggang tayo’y makatulog
Sa piling ng isa’t isa.
Duyan
D