tahimik ang dagat nang madatnan mo. walang along humahaplos sa dawag ng espasyo. may kumakaluskos lamang na bakawan, humahalo sa humihingal na hangin. narito ka sa aking silid. pagmasdan mo ang mga sangang nakalutang sa tubig. ang dahan-dahang pagsasara ng pinto ng aking bibig. pagmasdan mong humahalik sa’yo ang lambak sa kabilang isla. ang sahig ng aking palad na dumadampi sa pusod ng gabi. ang bintanang naghahatid ng iyong nakalipas na maghapon. handa ka na bang ipaliwanag ang iginuhit mong pangalan sa buhangin? lasahan ang alat ng tubig sa pamamagitan ng pagtanaw. lumalangoy ang hinahon sa’yong mga mata habang tinutunaw mo ang buhangin sa kalabuan ng tubig. sabihin mo sa aking hindi ito ang aking silid. ito ang ating silid. narito tayo sa ating silid. ilubog mo ang iyong talampakan at sapat na ito upang umalon ang buong paligid.
Maging sa Silid
M