Aaminin ko: mas nadarama kita tuwing hindi nahahawakan. Madalas kong hindi sabihin sa’yong gabi-gabi ko pa ring binabasa ang mga lihim ng ‘yong mga liham sa tinagpi-tagpi ko nang mga sugat. Gabi-gabi, tagpi-tagpi ang mga tagpo tuwing pipikit ang aking mga mata. Madalas kong hindi sabihin sa’yong hindi kalsada ang ating mga pagitan kahit na may SLEX sa ibabaw ng aking mga pilik. Kumikitid itong ayaw pumikit. Tuwing naglalakad dito sa Tayuman, iniisip kong sa iyo ang mga mata ng mga santo sa lansangan. Ang talukap, ang kakapusan, ang titig. Sa iyo ang trapiko, ang biloy sa mga kanto, ang dagsa ng mga tao sa simbahan. O kahit hindi. Kahit siguro sabay na lang tayong matakot magkape sa ating kanya-kanya na ngayong mga kusina at hindi nalalanghap ang magkaibang timpla ng kape. Dahil malayo. Kay layo ng distansya ng mga pagkakataong humalik. Kinukupkop tayong palagi ng paminsan-minsang karuwagan ng lamig ngunit nawawala ang katiyakan tuwing dadapo sa sariling balat. Subalit yayakapin pa rin. Yayakapin pa rin ang pag-iisa.
Madalas Maligaw ang Tayuman sa SLEX
M