Tuwing sumasayaw ang Recto sa trapik,
lugar ang aking dibdib ng mga pagtataksil.
Parang ganito: isang gabi, sa interseksyon ng Tayabas at Lucban,
sa ilalim ng lamig at himig ng mga kulisap,
hilera ang mga puwang sa pagkukrus
ng ating mga labi. Hile-hilera ang banta ng ating mga matang
nananawagan sa mga huli:
huling banggaan ng mga siko;
huling umpugan sa bubong ng mga dibdib;
huling sagasa ng mga labi sa tainga;
At ‘pagkat huli na, hahaluan mo na ng kaunting datig ng diin
Sapagkat hindi umaaamin ang pamamaalam.
Ulit-ulit akong sinasaksak ng headlights habang nasa karsada ng pagbabalik,
Ngunit nanakawin pa rin
Nanakawin pa rin ang iyong pagbabalik.