Payapang-payapa ang mukha ni Inay. Bahagyang natatakpan ng make-up ang mga gatla sa kaniyang noo at nabanat ang medyo nakaluyloy na mga pisngi. Nakulayan ang mamad na mga labi. Nasasalitan ng hindi na mabilang na puti ang makapal at hindi kailanman nadaanan ng tina na buhok. At gaya ng nais niya, suot niya ang puting saya na malimit niyang gamitin sa pagdalo sa mga pagtitipong kongregasyunal.
Mula sa kabaong ay naitaas ko ang aking paningin sa dingding ng bahay. Napako ang aking paningin sa mga medalyang paikot ang pagkakasabit katabi ng ilang diploma at mga larawan. Nausal ko sa isip na talagang masinop si Inay. Yaon ay mga alaala naming magkakapatid sa natamong karangalan habang kami’y nagsisipag-aral.
Napangiti ako nang sumalit sa isip ko ang tila buhay na alaala. Si Inay na posturang-postura habang maikatlong beses nang umaakyat sa entablado. Sa pagkakataong iyon ay ang ate ko naman ang sasabitan niya ng medalya pagkatapos namin ni kuya. Mababakas ang pagmamalaki at walang kahulilip na kasiyahan sa mukha ni Inay sa panahong iyon. Mantakin ba namang ang tindera ng isda at gulay na kagaya niya, walang katuwang sa buhay ay kinakayang pag-aralin ang kaniyang mga anak. At bonus na matatawag dahil may mga anak siyang may ulo at may ambisyon sa buhay.
Ngunit hindi nalingid sa akin ang paingos na usap-usapan ng ilan sa aming mga kamag-anak. Ang talino raw namin ay namana namin sa aming tatay. Bagama’t lasenggero raw ito at babaero ay may maipagmamalaking dunong naman daw ito. Patunay ang mga medalyang nakasabit sa lumang bahay ng aming Lola Irma.
Sa aking murang gulang, isang damdamin ang naantig sa akin matapos marinig ang mga sinasabi ng aming mga kamag-anak. Isang damdaming nagtulak sa akin upang maghalungkat sa mga gamit ni Inay. Mula sa kaniyang aparador, sa kahong nasa ilalim ng kaniyang kama, sa kaniyang buong silid. Ngunit hindi ko makita. Wala akong makita. Walang medalya si Inay. Walang nakasabit sa dingding ng aming bahay. Wala sa kaniyang aparador at kahit sa kahong kinalalagyan ng mahahalaga niyang gamit. Walang alaala ng natamong karangalan at pag-aaral para masabi kong kay Inay ako nagmana at hindi sa tatay kong nang-iwan sa amin at ipinagpalit kami sa ibang pamilya.
Hindi ko malimutan ang isang takipsilim na nilapitan ko si kuya na abalang gumagawa ng kaniyang assignment habang tinatanglawan ng umaandap-andap na liwanag mula sa aming gasera.
“Punta tayong bayan bukas, kuya!” wika ko habang pinakakalansing ang maraming barya sa aking bulsa. Mula iyon sa kabubukas kong alkansiyang kawayan.
Bahagyang kumunot ang noo ni kuya. Nang sabihin kong gusto kong ibili ng medalya si Inay at ipinaliwanag ko pa ang ilang kadahilanan ay nawala ang kaniyang pagkakakunot-noo. Ginulo niya ang aking buhok sabay sabing marami raw hugis, disenyo at uri ang medalya. Aniya hindi na kailangang ibili pa si Inay ng medalya dahil matagal na itong may medalya. Hindi lang daw isa kundi tatlo pa. Sabi ni kuya, kaming magkakapatid daw ang pinaka-medalya ni Inay. Mga buhay na medalya. Kaya upang manatili raw kaming marka ng karangalan para kay Inay, kailangan raw naming manatili sa pagiging mabuting mga anak at pagbutihin lagi ang pag-aaral.
Aywan ko ba pero tila nanuot sa isp at damdamin ko ang mga sinabi ni kuya. Nakumbinsi akong huwag ng ibili pa si Inay ng medalyang nabibili sa tindahan. Yaong medalyang maisasabit ko sana sa kaniyang leeg. Bagkus ay lalong nagpursigi ako sa pag-aaral. Ninais kong maging huwarang estudyante at kabataan sa aming paaralan. Dahil nais kong maging tunay na medalya para kay Inay. Medalyang maipagmamalaki niya sa mga kamag-anak namin, sa mga kapwa niya tindera ng gulay, sa mga kapitbahay naming at lalo na sa tatay namin na nang-iwan sa amin.
Lumangitngit ang pintuan at bumalik sa kasalukuyan ang aking isip. Si ate Lorie kasama ang asawang Bulakenyo. Marahang lumapit at yumakap sa akin at kagyat ding bumitiw. Mahigpit na kinamayan naman ako ng kaniyang kabiyak.
Minabuti kong maupo habang minamasdan ang nakatalikod kong kapatid na tahimik ang isinasagawang pagluluksa. Kung may isang bagay mang namana ang aking ate Lorie mula kay Inay, iyon ay ang katatagan. Panaka-naka ang pag-angat ng kanang palad ni ate na may kipkip na panyo. Ngunit hindi ko kinakitaan ng pagyanig ang kaniyang mga balikat.
Sa matamang pagkakatingin ko sa aking kapatid ay tila ilog na muling rumagasa ang mga alaala.
“Jopet! Jopet!”
Parang naririnig ko pa rin ang dalagitang tinig ng aking ate Lorie. Tinatawag niya ako dahil may sasabihin daw siyang isang sikreto. Abala noon si Inay sa paghahanda ng mga gulay na ititinda at pahanay na inilalagay ang mga ito sa de-tulak na kariton.
“Alam mo bang may agimat si Inay kaya siya’y malakas at halos hindi nagkakasakit? Tingnan mo!” pangusong itinuro niya si Inay. “Hindi pa nagpapahinga si Inay mula kanina.”
Dagdag pa niya. “Tuwing gabi nakikita kong kipkip ni Inay ang kaniyang agimat habang nakadungaw sa bintana at may ibinubulong siyang mga salita na hindi ko maintindihan. Pagkatapos nun ay parang may panibagong lakas na naman siya para ipagpatuloy ang pagtatrabaho.”
Sa batang isip ko ay napaniwala akong may agimat nga si Inay. Kaya pala kayang-kaya niyang gawing araw ang gabi. Kaya pala kayang-kaya niya ang walang tulugan, maihanda lamang ang mga ilalako sa palengke at ang mga pangangailangan namin sa pagpasok sa eskuwela.
At kapag kasa-kasama niya ako sa palengke, napapalatak ako sa bilis ng mga kamay ni Inay sa pagkilo ng mga isda’t gulay. Gayunding hangang-hanga ako sa hindi pumipiyok at hindi nagmamalat niyang boses habang isinisigaw ang kaniyang mga paninda. Pagdating sa bahay ay may boses pa rin siya para kumustahin ang pag-aaral namin at payuhan kaming mag-aral nang mabuti at iwasang magkasakit. At ang magaspang niyang mga palad ang humahaplos pa rin sa aming mga likod at nang-eengganyo sa amin upang maging mahimbing ang aming pagtulog.
Totoong hindi matatawaran ang mga sakripisyo at pagmamahal ni Inay para sa aming magkakapatid.
Masasabi kong kakambal ng mga paghihirap at pagpapagal ni Ina yang kasiyahan saagkat hindi namin siya binigo. Maging sa pag-aaral sa kolehiyo ay binigyan namin ng karangalan si Inay. Nag-aral kaming mabuti at pinilit naming maging iskolar. Muling umakyat si Inay sa entablado para isabit ang aming mga medalya. Tinotoo namin na kami’y maging tunay na mga medalya na magsisilbing marka ng mga bunga ng kaniyang pagsisikap at pagtitiyaga. Wala kami sa aming kinalalagyan kung hindi dahil kay Inay. Kaming magkakapatid sa ngayon ay may kani-kaniyang matagumpay na karera sa buhay.
Naramdaman ko ang pagdapo ng palad sa aking kaliwang balikat. Si kuya Dado. Ang pangalawa namin. Nagtama ang aming paningin at kapwa may matamlay na ngiting sumilay sa aming mga labi. Wala mang katagang nanulas sa aming bibig ngunit tila nahanda kami sa pagpanaw ni Inay. Pitumput-anim na taon. Hindi na masama. Inabot si Inay ng ganoong gulang na hindi dinadapuan ng mabigat na sakit. Siya’y gaya ng isang sanga na kusang natuyo’t dumupok.
Di naglipat saglit ay naupo rin si ate Lorie sa aking tabi. Inabot niya ang isang itim na pitaka. Ito ang madalas kong makita sa lukbutan ni Inay. Sa pagkakatanda ko, dito rin nakalagay ang sinasabi ni ate Lorie na agimat ni Inay. Ang agimat na wari’y madalas na inuusalan at binubulungan.
Marahang binuklat ko ang pitaka at tumambad sa akin ang lumang larawan. Napapailing at nangingiting napatingin ako kay ate at pagdaka ay kay kuya. Parehong nakangitin din ang dalawa.
Ang agimat ni Inay, Ang hugutan niya ng lakas. Walang iba kundi ang larawan naming tatlo. Kaming kaniyang mga anak.