Kung minsan, gusto kong isiping sabay
Kaming gumulang ng hangin. Ipinagpapalagay ko,
O ng hangin bilang ako, na sabay kaming dumaus-os
Sa kaluskos ng kurtinang may burda;
Sa labi ng mga nakayuping dahon sa paso;
Sa iyong mga labi –
sa iyong mga labi.
Ganito ko tiniis ang pangangatal noong isang gabi:
Isang gabi, walang buwan. Tila buhok ng aking ama ang mga ulap.
Binabalakubak ang langit sa mga tala nang tinantsa ko ang distansya
Ng ating mga katawang lumulutang sa ibabaw ng nasaid na lambanog. Ako,
Bilang hangin, sabay kaming dumaos-os.
Nagbukas-sara ang kanyang mga mata
Kahit alam kong hindi naman talaga siya mulat nang pumatak sa sahig
Ng aking mga pangamba.
Alam ko, alam ko
Kuyom ang mata ng mga salitang nais sabihin: Ilang beses na bang nagkulang ang tiyak?
Sunod-sunod umagos ang mga butas ng aking katawan.
Nagsimula sa pusod, sa ari, tumigil sa ari. Naalalang palagi kong pag-aari
Ang mga init sa buong silid. Ang kumot. Ang punda. Ang babae.
Ang babae.
Palagi kong tinatanaw ang Bundok Banahaw sa kanluran ng gumugulang
Na rin naming bintana. Gabi-gabi itong tinitirhan ng hamog,
ngunit papasuin ring pihado
Ng palad ng aking asawa sa umaga.
Habang lumuluha, minamasdan kami ng hangin sa daan,
Lumalayo, lumiliit, na gumugulang,
Umiibig,
Nang hindi sabay.