Hindi libingan. Sa halip,
ikalawang sinapupunan.
Mahimbing
ang mga murang anyong
kinukumutan ng parang.
Labimpitong taon
Lingid ito sa mga mata.
Tinatawid ang iba’t ibang dilim
ng lupa at hangin.
Sa tamang panahon,
isa-isang magigising.
Humahangos na tutunguhin
ang rabaw. Bibitak ang lupa, bubukad
ang mga pakpak—
Babasagin sa magdamag
ang malaong pananahimik.
Hindi sila aabutan
ng liwanag.
Tanging sa tunog
nagiging ganap ang hubog.
Nanginginig ang paligid
sa kanilang pamumutiktik.
Itinatanghal
ang pag-iral. Umaawit
sa bingit ng kanilang katawan:
Narito kami,
nagtatalik,
sa una’t huling gabi—
Sapagkat ito ang sentido
ng bawat siklo.
Hinahango ang mga sarili,
pumapailanlang
upang sumanib sa hitik
ng mga dahong itim.
Upang iahon ang tinig.