Maravillas

M

1.
Ang daan patungo sa iyong tahanan. Ang iyong hininga. Ang iyong dalamhati. Ang mga lihim na tunog ng iyong katawan. Ang lihim na kulay ng iyong laman. Ang taya ng panahon sa araw ng iyong kapanganakan. Ang mga naglaho mong alaala. Ang katunayang ilang bilyong ulit nilakbay nitong patak ng dugo ang bawat sulok ng iyong kalooban. Ang lasa ng iyong dugo. Ang mga pinagliitan mong baro. Ang pinakauna mong hiwatig sa nakaraan sa katawan ng isang ninuno. Ang nahihimbing mong hugis sa kabilang panig ng Lungsod. Ang iyong silid. Ang puntod sa libis sa isang lumang bayan ng sanggol mong kapatid. Ang kamay mong walang kinalaman sa akin. Ang lahat ng nalagas mong pilikmata. Ang mga bagay na asul sa iyong panaginip.

2.
Minsan nakita kitang nakatayo sa bukana ng gubat, doon sa may tabi ng sapa, hubad ang hubog mong nakayungyong sa papadilim na langit. Ilang ulit kang naghunos, hanggang maging isa kang taludtod ng mga naglalahong pangngalan.

3.
puting ahas, larawan ng dagat, itlog ng tandang, poong walang ulo, kamay ng santo, botelya ng pinong buhangin mula sa pulang disyerto, laway ng anghel, kalansay ng uwak, mga nawawalang araw, liwanag ng patay na bituin, liwanag ng iyong mukha, liwanag ng nakasulat na salita, bangkay ng mariposa, taludtod ng isang naglahong wika, bungo ng sanggol, ang iyong sulat-kamay, hayto ng sinaunang halaman, alikabok ng ibang daigdig, mga lihim na bilang, pinaghunusan ng kuliglig, hamog sa petsa ng iyong kamatayan, kristal sa puso ng bulkan, tipak mula sa guho ng nasunog na simbahan, tatlong uri ng Santelmo, huling anino ng Birhen, bugtong na walang tunog

4.
Bago tayo maghiwalay nu’ng isang gabi sabi ko mag-iingat ka, mag-isa kang uuwi, lasing. “Ang pag-iisa ay pag-iingat”, hirit mo, at sabay nating tinawanan at kinutya itong kagalgalan. Sa bus madaling araw naisip kong di ka nagpapatawa, malungkot ang kabataan mo, malungkot ang kasaysayan ng katawan, at taal ang lungkot sa pananahan natin sa sarili na siya ring huli nating tanggulan. Naalala ko kung paanong maganda ang malulungkuting bata, kung paano nakakawing para sa’yo ang mga pag-alis sa amoy ng langis ng alkampor, kung paanong may bigat gaya ng sabi mo ang salitang “tarangkahan”, kung paano gusto mong balikan at siyasatin ang mga aparador, gavetas, at maliliit na kahang nakakandado sa matandang bahay ng iyong mga nuno.

Maraming salamat sa gabi. Walang Diyos, mapanilà ang Estado at lubhang balawis ang mga imperyo, likas tayong masama, at walang pakialam sa atin ang Sansinukob. Pero dahil sa mga munting paglalaang gaya nito at pagsasalo, sa pangyayaring maari kitang hawakan, nagiging mas mabuti ang mundo maski panandalian, at nagiging bago tayo.

5.
May nawaglit ako sa daan, natitiyak ko, pero hindi ko maalala kung ano.

About the author

Cristian Tablazon

Nagtuturo si Cristian Tablazon ng malikhaing pagsulat at araling pangkultura sa Philippine High School for the Arts. Kabilang ang hal., Kritika Kultura, High Chair, Asian Journal of Culture Literature and Society, Quarterly Literary Review Singapore, Ani, Kilómetro 111: Ensayos sobre cine, Queer Southeast Asia, at Convocarte—Revista de Ciências da Arte sa mga lathalain kung saan lumabas ang kanyang mga akda, at inilimbag din ng RAR Editions (Yogyakarta) at GAMeC (Bergamo) ang kanyang aklat na pinamagatang Fugue noong Oktubre 2020. Naitanghal na ang kanyang mga gawa sa Museum of the Moving Image (US), Vargas Museum (PH), Image Forum Festival (JP), Artspeak (CA), Animistic Apparatus (TH), Ayala Museum (PH), PHotoESPAÑA (ES, PH), Spaceppong (KR), CICA Museum (KR), ArtCenter College of Design (US), The Wrong Biennale, at Seattle Center Armory (US). Kasapi siya ng Young Critics Circle Film Desk at katuwang na tagapamahala ng Nomina Nuda, isang alternatibong espasyong pansining sa Los Baños, Laguna.

By Cristian Tablazon