Pamamaalam sa Iiwang Dalampasigan

P

Naitiklop na ang mga payong.
Simot na ang ulam sa mga kaldero.
Umalis na ang huling biyahe pauwi sa amin.
Masakit na ang kagat ng mga lamok.
Ngunit naghihintay pa rin ako.
Nakaupo, kaharap ng malayong isla sa dulo.

Tinitigan ko ang asul na kawalan
Habang nilulunod ako ng mga gunitang
Sumasabay sa himig ng mga alon
At wagayway ng asin sa malamig na hangin.
Hinihintay ko na manumbalik sa ’kin
Pira-pirasong alaala’t pinaglipasang diwa
Ng nagsilubugang mga araw
Ngunit nakalimutan ko kung paano makinig
Sa mahihinang bulong ng mga hapon nito
Wari mo’y napipi ng katahimikan
Sa gitna ng bawat kumpas ng tubig.

Ilang beses ko nang tinangka
Bagamat sa loob lamang ng aking isip
Na hanapin ka sa likod ng liwayway
Ngunit natakot akong magtampisaw
Dahil baka kuyugin ako ng lamig
Dahil sa kawalan ng iyong init
Ngunit alam ko din naman
Hindi na kita doon makikita
Kaya’t minabuti ko na manatili’t
Piliin ang walang humpay na paghihintay
Habang kanlong ang iyong rekwerdo.

Ngunit nag-iba ang ihip ng hangin ngayong gabi.
Nagbalik sa aking puso ang mga hinuha
Na ang bawat butil ng alaala’y
Katumbas ng sampung butil ng luha.
Nabuhayan ako ng loob.
Sa tagal ng aking pamamalagi dito,
Marahil, sa wakas,
Naubos ko nang padaluyin ang sa ’kin.

Husgahan man ako, hindi ako natatakot.
Sa pagkainip buhat ng hindi mo pagdating
Ay unti-unti na palang inukit ng dagat
Ang mga gasang at mga bato
Upang maging buhangin sa pampang.
Balintuna man ito o pag-uyam,
Sa mga bubog din pala ng nakaraan
Hinulma ang daan patungong kapayapaan.
Hindi na ako matatakot mabasa
Sa aking paglalakad pauwi
Pagkat tuyo na ang buong kahabaan
Bagamat wala ang alab mo,
At maging ang bugnuting langit noon
Ay tumahan na ang pag-iyak
Sa aking iiwang dalampasigan.

About the author

Adhoniz Rebong

Isang makata sa Filipino. Nagtapos sa UPV Miag-ao sa Iloilo. Naging bahagi ng University of San Agustin Fray Luis de Leon Institute Writers Workshop.

By Adhoniz Rebong