D.
Minsan, may isang umagang ginising ako ng sikat ng araw na lumalagos sa bintana. Nakatapat sa aking mukha. Mahapdi ang init. Ramdam ko ang sariling pawis na butil-butil na namumuo sa aking pisngi. Mayroon din sa aking likod at dibdid. Hirap pa akong idilat ang aking mata. May kumikiliti sa talampakan ko. Kuko. Naging mabilis ang pagtaas-baba ng kuko sa talampakan ko. Hanggang sa naramdaman kong kinukutkot na neto ang balat ko. Bumabaon. Napabalikwas ako. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang baluktot na sampung daliri na kagaya sa sangang tuyo at walang sibol ng dahon. Nakadungaw ang mga ito sa paanan ng kamang hinihigaan ko. Matatalas at mahahabang kuko. Dahan-dahang bumababa ang mga daliri at unti-unti namang umaangat ang ulo. Sa pagitan nang pagpapalit na ito ay ang pagpasok sa dalawang tenga ko ng malulutong na tunog ng magkakasunod na lagutok. Parang may lumang sahig na kahoy na binabaklas at napuputol. Nakangingilo ang mga pakong kalawangin na binubunot ng bareta de kabra. Nakatutulig na lagutok. Masakit sa pangang lagutok. Nakabibiyak sa sentidong lagutok. Parang binabarena ang bungo ko. Kita ko ang buhok na magulo. Matigas ang hitsura at hiwahiwalay na nakabalumbon. Umangat ang kanyang kabuuan. Leeg hanggang dibdib. Kita ang hugis ng mukha pero walang noo, mata, tenga at ilong. Mayroon lamang labing nakahiwang pahalang sa magkabilang dulo ng pisngi. Patay na ang Tatay mo. Ang sabi ng nakahiwang pisngi. Tinuro ng isa sa mga sampung daliring baluktot ang bintana. Nasa labas ang kaluluwa niya. Hinihintay ka. Narinig ko ang ingay sa kabilang kwarto. Ingay at iyak. Sa Kwarto ni Tatay. Tumakbo ako papunta sa kabilang kwarto. Hinihila ko ang mga nakaharang na likod. Nakahambalang silang lahat sa pintuan ng kwarto ni Tatay. Tumatagos ang kamay ko sa mga balikat na ayaw gumalaw. Nagsimula na ring bumigat ang bawat hakbang ko. Makirot ang mga sugat na kinutkot ng mga kuko. Lalong dumadagdag sa sakit at kirot ang bigat ng buong katawan ko. Na sa bawat bigat sa paghakbang, nararamdamam kong bumubuka ang hiwa ng mga sugat sa tuwing sumasayad at iniaangkat ko sa sahig. May humihila sa kabuuan ko. Hanggang sa hindi ko na maramdaman na nakasayad ang mga talampakan ko sa sahig. Lumulutang ako habang patuloy sa pagpatak ang mga malalabnaw na dugo. Lasteng pumipigil naman ang dugong malapot na unang lumabas galing sa mga paa ko. Hinihila ako paibaba ng mga dugong ito na nakakapit pa rin sa mga balat ko at nakadugtong naman ang kabilang dulo sa sahig. Mas malakas ang pwersa na humihila sa akin paitaas hanggang sa mapigtas ang mga malalapot na dugo at pumitik sa sahig kasama ng mga balat at kalyo ko sa talampakan. Nagkalat ang malalapot nadugo sa sahig. Nakasabog ang mga balat at may mga kasamang laman na kumikisot-kisot. Buhay na laman na may sariling pagtibok. Talop ang buong balat ko sa paa hanggang sa buto na lamang ang natira. Bumuhos ang mga malalabnaw na dugo na galing sa mga butas na bubong ng bahay. Napatakan ang mga balikat at bumbunang ayaw gumalaw. Nakita ko ang labi ni Tatay. Tuyong halaman ng tampulong. Bunga ng mayatbang na maputing-maputi na may maliit na itim na batik. Binilad na dahon ng gabi. Insektong patay na sinipsip ang lahat ng tubig sa katawan. Tuyot na sakahan. Ilog na walang tubig at puro buhangin. Bitak na bitak na buhay. Patay na nga si tatay. Tuklap ang balat ng kanyang labi, lagas ang kilay at pilik-mata. Puting-puti ang kanyang mga kuko. Buto’t-balat ang kanyang katawan. Wala siyang tiyan. Tinakpan ng kumot ang kanyang kabuuan. Tinakpan ng kung anong nilalang na kumutkot kanina sa aking talampakan.
Sa Unit 03
Manila ang kumupkop sa akin mula nang maulila ako. Manila ang umampon sa akin mula nang magkolehiyo ako hanggang makatapos at kalauna’y nagkaroon ng trabaho. Isa akong guro. Guro sa kolehiyo. Prestihiyosong propesyon. Marangal ang pagiging guro pero hindi nakabubuhay ng marangal ang pagtuturo. Kung paano ako nakapagtapos ng kolehiyo sa kabila ng pagiging ulila ko, e napakahabang kwento. Kukulangin ang sampung pahina ng papel kung isasalaysay ko isa-isa ang naging takbo ng buhay-ulila ko. Tsaka isa pa, wala namang exciting sa kwento ng buhay ko. Isa lang din ako sa milyong-milyong tao na normal ang kwento ng paglaban sa kahirapan. Isa lang din ako sa milyong-milyong Pilipino na nangangarap na magkaroon ng sariling lupa at bahay sa sariling bayan. Nangungupahan ako sa isang kwartong bato. Malamig sa panahon ng tag-lamig at impiyerno naman sa panahon ng tag-init. Kagaya sa telang satin na umaangkop sa klima ng panahon ang pagiging komportable sa katawan ng unit na tinitirhan ko. Eskwela-kwarto, eskwela-kwarto. Halos iyon na ang bumubuo ng buong taon ko. Mahal na araw para sa pagliliwaliw kasama ang mga katrabahong kaulana’y naging tropa ko. Undas para umuwi sa bayan namin para dalawin at alayan ng bulaklak at ipagtirik ng kandila ang mga kamag-anak na namatay. Pasko? Depende kung saan padparin ng paa at makinoche-buena kasama ang ibang tao. Bagong taon? Wala namang bago sa bagong taon para sa isang kagaya ko. Kamag-anak, mahalaga siguro ang kamag-anak lalo na sa mga Pilipino. Kamag-anak ang mabuti at mabilis na takbuhan sa panahon ng pangungulila’t pangangailangan, kamag-anak din ang pinakasamang makaaway. Hahatulan ka nang mapanghusgang kapitbahay nyo na walang kwenta at masamang tao pag nalaman nila na kaaway mo ang kamag-anak mo. Pero hindi nagkaroon sa akin ng saysay ang benipisyo at sakit sa ulo ng pagkakaroon ng kamag-anak. Dahil hindi ko naman talaga totoong naranasan kaya hindi ko naramdaman sa aking karanasan at may naibaon o naitago man lang na kakarampot na alaala sa pagkakaroon ng kamag-anak. Dahil nga, wala na akong kamag-anak o kung mayroon man, hindi ko kilala o wala akong makuhang daan para magkaroon pa ng ugnayan sa kanila.
Katatapos lang ng klase ko sa Rizal ng 7:30AM-10:30AM sa mga engineering major. Ang totoo nag-dismiss ako sa kanila ng mas maaga. Mga pasado alas nuebe pa lang nagpaalam na ako sa kanila. Sobrang lakas ng hang-over ko at dahil sa eskwelahan ako ng gobyerno nagtatrabaho ‘wag mong asahan na naka-aircon ang mga kwarto neto. Lutang ang isip ko at hindi organisado ang daloy ng tinuturo ko. Pauntal-untal ang pagsasalita ko, installment ang nagiging hitsura ng pagbibigay ko sa kanila ng impormasyon mula sa topic ko. Pansin ko rin na pansin nilang wala sa timpla ang katawan ko. Kaya mas makabubuti pareho sa amin na pakawalan ko sila ng maaga. Pakawalan ko na ang pagkabagot at pagkainip nila. At pakawalan ko na rin ang pagpapanggap ko bilang guro nila. Uminom ako hanggang malasing nang malasing kagabi kahit wala akong kainuman. Mag-isa kong binubuno ang walong bote ng pilsen na binili ko nung nakaraang sweldo pa. Nabitin ako sa walo, dinagdagan ko ng dalawa at dalawa pang last two bottles. Alam naman nating lahat lalo na sa batas ng panlasa ng mga manginginom na bukod sa tubig, ang beer na ang pinakamasarap at hinding-hindi mo ipagpapalit sa kahit na ano pang klase ng inumin. Isang lagok ng malamig na malamig na beer ang nakapagpapagaling sa sugat na ibinibigay ng mundo. Kaninang umaga pagkagising ko binilang ko kung ilang bote ang nainom ko. 14 na bote, hindi ko alam kung saang lupalop ng tiyan ko ‘yun nilagay. Baka ‘yung iba dun pinandilig ko na lang sa mga halamang nakatanim sa maliliit na paso na nakasalansan sa barandilya ng bintana ko. Buhay pa yung cactus na may laso na binigay sa akin ng katrabaho ko galing Baguio. Natawa ako sa laso, babae raw yung halaman sabi ng nagbigay sa akin. Porket may laso, babae na? Tinanggal ko yung laso, ginawa kong pantali sa kurtina – babaeng kurtina kasi may laso.
Tiningnan ko yung facebook messenger ko para tiyakin na hindi ako nagkakamali sa nabasa kong message kahapon. Galing sa pangalan ng isang Charry de Jesus Tremblay ‘yung account na nag-pm. Nakarating na raw ako sa bahay nila sa Batangas. De Jesus, kaapelyido ni nanay sa pagkadalaga pero nagpakilala siyang kapatid ni tatay. Samantalang Villanueva ang apelyidong gamit ko. Mas malabo namang sa pangalan kong Arnie kami magiging magkaapelyido at magkamag-anak. Arnie de Jesus Villanueva, pamangkin ni Charry de Jesus Tremblay pero kapatid ng tatay ko? Ang labo, hindi ko alam kung paano talaga kami naging magkamag-anak. Wala akong maaala.
Nasa bus ako at may katabi sa upuan na isang lalakeng hindi malinaw ang mukha, nakaputing polo shirt na naka-tuck-in sa pantalong maong na kulay asul. May brown leather na sinturon na may mga hiwang maiitim na pumutok na gawa marahil sa matagal na paggamit at madalas na pagkakabaluktot. Isang bahay na up and down na yari sa ibaba ang bato at kahoy naman ang second floor. May ilog sa likod ng bahay na kitang-kita sa bintana ng kusina. Doon nakapwesto ang paminggalan at kalan. Malaking bintana na sakop ang buhos ng buong lababo. Babalik sa loob ng bus ang tagpo. At sasabihin sa akin ng lalakeng katabi ko, nandito na tayo sa Batangas, sa bayan ng tita mo
Ayan lang ang malinaw na naaalala ko sa tuwing malalasing ako at makakatulog. Pumapasok sa panaginip ko.
Sa Facebook lang pala niya ako mahahanap. Tiyak daw siya na ako ang pamangkin niya. Kahit hindi ko tiyak kung siya ba talaga ang tita ko na hindi ko naman nakita ang mukha mula ng matutong umanig ang mga mata ko. Pero may mga detalyeng binanggit siya sa akin tungkol sa personal na buhay ko. Kung sino nanay ko at lolo ko. Kung ilang taon bago ako natutong maglakad at magsalita. Saan ako pinaglihi. Saan ako pinanganak at bininyagan. Sino at saan binaon ang aking inunan. Maging ang mga ninong at ninang ko na hindi ko rin naman kilala kahit sa pangalan. Lahat ng mga sinabi niya tungkol kila nanay at lolo tama. Liban lang dun sa ibang impormasyon na hindi ko rin naman alam na siya lang naman ang nagbanggit. Uuwi siya sa September 16, 1:45PM ang dating niya sa NAIA Terminal 1 galing Canada. Ngayong araw ‘yun. Kung maaari ko raw ba siyang sunduin dahil wala naman na siyang ibang pamilya na naiwan dito sa Pilipinas. Kaya iniisip ko kung anong purpose ng kanyang pag-uwi. Hanggang sa sinabi niya sa akin, na ang tatay ko na lamang ang kadugo niyang nandito. Uuwi siya para magkita sila at gusto na rin niyang ipakilala ako sa kanya. Pagkatapos daw namin na magkita sa NAIA, didiretso kami sa Candaba Pampanga. Doon daw nakatira ang aking ama. Isang taong hindi ko rin naman kilala. Hindi alam ng mata ko ang kanyang hitsura. Hindi kilala ng tenga ko ang kanyang boses at hindi alam ng pakiramdam ko ang kanyang kilos. Dalawang taong hindi ko kilala na nagpapakilalang kilala ako. Kamag-anak ko. tita ko at tatay ko.
Bldg.
Mag aalas diyes pa lang ng umaga pero lumalangoy na ang init sa kalsada. Iniisip ko kung tutuloy ako mamaya habang naglalakad pauwi sa tinutuluyan kong unit. Halos kulang apat na oras na lang darating na ang nagpakilala kong tiya. Hinugot ko ang susing nakasabit sa senturenas ng pantalon. Hawak ko ang limang susi. Dalawang magkamukhang susi na gamit ko sa double lock ng pinto. Dito ko iaasa ang pasya ko. Laging baligtad ang unang suksok ko sa lock. Nailulusot ko sa doorknob ang susing dapat ay sa padlock. Pag tama ang pili ko ng susi, pupunta ako. Nang ipasok ko ang unang nahawakang susi sa doorknob, nagsalita ang kaluluwa sa loob ng tinutuluyan kong kwarto.
“Pumunta ka na. Wala sa susi ang susi sa mga tanong mo. Sasamahan kita.” Napailing ako sa sinabi niya,
“Huwag kang manghimasok sa mga desisyon ko sa buhay. Wala rin akong dalang jumbo pao siopao ng Kowloon na paborito mo. Bumalik ka sa sulok mo. Papasok ako”
Pagpihit ko ng susi, bumukas ang pinto. Pagpasok ko, ngumingiti ang kaluluwa habang nakaupo sa ibabaw ng lamesita.
“Binuksan mo?” Ang tanong ko sa kanya
Lumingon lang siya sa akin atsaka pumasok sa drawer ng lumang dresser na nabili ko sa garage sa ibaba ng building. Pinunasan ko ang lamesitang puno na naman ng mga mumo ng Chinese sausage at salted egg na ayaw na ayaw niya sa sahog ng siopao. Tinanong ko na siya noon tungkol dito, kung may problema ba sa lasa, ang sabi niya wala kasi kahit noon pa hindi pa raw niya natitikman ang lasa ng Chinese sausage at salted egg kaya hindi sa lasa ang problema, ang ayaw niya ay ang kulay nito. Ayaw niya sa kulay ng pula. Pula ang sausage pero hindi naman pula ang itlog na maalat. Pero sabi niya mula nang mapanuod niya si Mark Wiens sa isa nitong food vlog tungkol sa itlog na maalat ng Pampanga doon niya nakita na kulay pula pala ang balat ng itlog. Kaya kahit noon pa man na hindi siya kumakain ng kahit na anong klase ng itlog mas lalo nitong dinagdagan ang dahilan sa pag-ayaw niya sa pagkain ng itlog na maalat na isa sa sahog ng jumbo pao ng Kowloon.
Nag-impake ako ng tatlong polo shirt, dalawang short na panglakad at short na pantulog. Dalawang sando at puting kamiseta. Tatlong brief, isang tuwalya, kumot, at tatlong panyo. Sabon, deodorant, toothpaste at toothbrush. Lalakad ako. Pang tatlong araw na damit kahit na dalawang araw lang ang balak kong pag-stay sa sinasabing bahay ng tatay ko nang nagpapakilalang tita ko. Kinuha ko ang susi ng kotse kong kakarag-karag. 2000 model ng honda civic s.i.r. na napundar ko matapos ang pagpuputa-puta sa kung sino-sinong politiko tuwing eleksyon. Bantayan mo ang unit natin ang pautos na bilin ko sa kaluluwa, pasasalubungan na lang kita ng paborito mong jumbo pao siopao ng Kowloon pagbalik ko. Wala siyang sinagot.
Isa-sa kong binilin sa kanya ang mga dapat at hindi dapat. Pinakiusapan ko na rin siya na sana nama’y iwasan ang pagkakalat, baka kako dagain o ipisin ang lamesitang lagi niyang inuupuan at kinakainan.
Tiningnan ko muna ang mga plug ng mga appliances kung may nakasaksak, hinugot ko na rin ang plug ng ref na puro tubig lang naman ang laman at mga tiratirang alak. Binalot ko na rin ang mga natirang pulutan, baka isipin ng landlady na may bangkay sa loob kung hindi ko isasama sa mga basura ang mga tirang pulutan na ‘to. Sarado rin ang tangke ng gas stove. Pati ang gate valve ng tubig papasok sa unit ko sarado na rin. Bago ako tuluyang bumaba at ilock ang pinto, sinilip ko muna ang kabuuan ng unit ko. Hindi na lumabas ang kaluluwa sa drawer ng dresser. At sa huli, sinabi ko na lang sa kanya na dalawa o tatlong araw lang naman akong mawawala.
Pahagis kong tinapon sa basurahan ang plastic ng basura kasama ang luma at tirang pulutan. Shoot sa drum, lumabas ang isang pusa mula sa loob ng drum. Lumundag paibaba sa kalsada. Pagbagsak ng pusa, tumingin siya sa akin at ngumiti. Sabay litaw ng apat na kuting na nanggaling sa likod ng basurahan. Orange ang kulay ng buong balahibo nila. Lahat silang apat magkakapareho ng kulay. Ang dulo lang ng kanilang buntot ang naiba. May kulay itim ito na pabilog. Dinilaan ng malaking pusa ang unang kuting na lumapit. Papikit-pikit pa ang mata ng kuting habang sinasalubong ang pagsuyod ng dila sa kanyang bunbunan. Mag-iinang pusa ang mga ito. Hindi naman sila itim kaya walang masamang pangitain. Nakasalalay sa pusa ang buhay at kamatayan ng tao. Kapag may mga pusang pumasok sa looban o kabahayan at nagpapalian hindi sasalang sasabihin ng mga matatanda na mayroong buntis sa looban. At kung may pusang itim na tumawid sa harapan habang naglalakad paniguradong may mamatay sa iyong pupuntahan, ewan ko ba bakit ganoon ang naging kahulugan sa gawi ng mga pusa, pero ang mahalaga hindi sila itim. Walang masamang mangyayari at nakangiti pa nga pusa sa akin.
Pagpasok ko sa sasakyan agad kong pinastart ang makina, dalawang linggo mahigit kong hindi ito nagamit. Inaasahan ko ang hard starting pero one click, buhay agad ang makina. 96.3 ang istasyon ng fm radio. Si John Denver ang kumakanta,
take me home to the place I belong west virginia, mountain mama
Bago ako tuluyang umalis at pumunta ng NAIA binuksan ko ang internet data ng phone ko, nag check sa facebook para tingnan kung may message sa akin ang nagpapakilala kong tiya. May notification ako.
Charry de Jesus Tremblay tagged a photo of you, to add this to your timeline go to your timeline review.
Ang bagal nang serbisyo ng globe, ang tagal lumitaw ng mga pictures.
all my memories gather round her, miner’s lady, stranger to blue water
Nakangiti pa rin ang pusa. Una pang lumitaw ang pang-apat na larawan kaysa sa naunang tatlo, pagpindot ko, puntod ni tatay pero hindi nahagip ng camera ang kaluluwang nakaupo sa lapida niya bago siya tuluyang tabunan ng lupa. Nakita ko ang iba pang mga picture puro mukha na kawangis nung pusang ina na ngumiti sa akin bago ako pumunta ng Pampanga. Nagtataka ako, tiningnan ko pa ang ibang larawan, ganoon rin ang hitsura ng mukha nila sa iba pang mga kuha. Nagpop-out ang message, galing sa nagpapakilalang tita ko. Kay Charry de Jesus Tremblay. Uuwi siya ng Pilipinas sa September 16, 2019. 1:45PM ang dating siya sa NAIA Terminal 1 galing sa Canada. Wala siyang kamag-anak dito sa Pilipinas, kapatid lang daw niyang maysakit at ako ang pamangkin niya na anak ng kapatid niya, ipapakilala niya ako sa tatay ko na hindi ko naman kilala. Bumalik ako sa unit ko. Binuksan ko ang laptop para makita ng mas malaki at malinaw ang mga pictures. Nanigas ang mga daliri ko, hindi ako makatipa. Hindi ko matipa ang keyboard ng laptop. Lumitaw ang sampung mga daliring lumitaw sa paanan ng kamang tinutulugan ko sa Pampanga. Noong unang gabi ng September 16 nang dumating ako sa bahay ng sinasabing tatay ko. Unti-unti itong lumulubog kasabay ng pag-angat ng buhok na matigas ang pagkakabalumbon. Nakangiti ang kaluluwang nakaupo sa lamesita habang kumakain ng jumbo pao siopao ng Kowloon. Hindi niya kinakain ang naiipon na namang mumo sa lamesita, ang Chinese sausage at salted edd. Bago siya pumasok sa dresser bumulong siya sa akin, tipahin mo ang keyboard. Sasamahan kita sa Pampanga. Tutulungan kitang isulat para hindi mo makalimutan ang bilin sayo ng iyong Ama. Umaalingasaw ang amoy ng panis na pulutang natira sa loob ng unit na inuupahan ko. Hindi ko ba natapon ang basura o binalik sa akin ng mga pusa? Maraming mga yabak na papalapit sa pintuan. Nakita ko ang landlady. May hawak siyang karatula. Isinabit sa pinto ko. Nang silipin ko. Room for rent ang nakasulat. Tuluyan nang pumasok ang kaluluwa sa lumang dresser at tinuturo naman ng sampung matitigas na daliri ang labas ng bintana. Nakangiti pa rin ang pusa habang kasama ang apat na kuting. At lahat sila ay naglaho na sa aking mga mata. Sa Unit 03 Bldg. D