i. Danaw
Pagkat naririto ako at nariyan ka
Nakatitig sa langit habang salok
Ng bahagyang hukay sa buhaghag na lupa
At nariyan ka nga at narito ako
Ang pagitan natin, isang hakbang
Kung sakaling mas malapit ang tumbok
Ng rumaragasang punglong iniluwal
Ng mga daliri ng estrangherong mula sa dilim
Baka kapwa tayo nagkakilanlan
At maaring dumadaloy ang dugo ko
Sa iyong munting laot, nagniniig
At kapwa tayo nakatitig sa langit
ii. Dalayrayan
Matingkad sa ilong ang samyo ng iyong gampanin
Paanong hindi?
Ilang taon mo nang niyayakap ang usok
Na nanuot sa hasang ng mga isdang
Maaaring ulamin ng aking mag-ina, mamaya
Gayon lamang, paumanhin, pagkat mas matingkad
Ang samyo ng aking dugong gumagapang sa bangketa
Akong nagtitinda lamang ng tinapa
Pinapapak ng langaw at nag-uusisang mga mata
Dalayrayan ko ang mga pangalan sa estadistika
iii. Sunduk
Dito, sa dagat ng mga pangalan
Libu-libong suson-suson na dalamhati ng mga naiwan
Dito nakaukit ang aking katuturan:
Isang naligaw sa kalunsuran
Isang inagawan ng kabuhayan
Isang musmos na kabuluhan
Hanapin mo ako
Sa takot ng maliliit na tao
Sa pangil ng mga uhaw sa dugo at pagbabago
Iyan ang aking nitso, iyan ang aming nitso
iv. Miercoles De Ceniza
itim bigkis ng mga nakatayo’t higang
mga linya sangandaaan sa noo kamatayan
ang dahilan ng pag-iral abo alabok ang tagpuan ng lahat
imahe ng madilim na krus
ang punglong tumagos
sa karaniwang hininga
ang nakaratay na bangkay sa bangketa
ang luhang gumagapang naglalandas
sa pisngi ng mga naiwan