muli, may isang sukat
hindi na uuwi—asintado ang bala
sa pagtunton ng inosenteng hininga.
Kung gabi at maramdaman,
kumatok ang kibot ng bagabag,
huwag mag-alinlangan:
papasukin sa tahanan
ang takot at kaba, paupuin.
Alukin ng kung anong makakain:
luha, tangis, lungkot, galit.
Pagsalitain, marahil
may kung anong sasabihin.
Saka ihayag ang layon,
kung saan naroroon
ang katotohanan ng pangamba.
nangangatog kahit walang pangil ng lamig
marahil sa takot at pangamba sa dilim
sa lagim ng mga balang nakaumang
sa pinaghihinalaan lumalambiting dahas
sa papawirin lumalambong sa lalim
ng mata o humpak ng pisngi o bakas
ng mga dibuhong kalat sa balat yaong
salat sa sining di man salat sa ginhawa
sumasangsang dumadalas ang lansa
ng mga hiningang kumakalas sa katawan
nang walang paglilitis sa gilit ng karit
ng mga galit at katahimikang sinuotan
ng retorika at dangal pagkat sino
nga lamang ba itong idinidilig sa lupa
ng pagbabago mga latak ng ulap
burak sa giting ng lumalansag dahop
na katuturan at huwag nang hayaan
sa ligaw na buhay at saysay pagkat
nasasabik umano sa dugo ang bayan
na ito kung hindi man dumudulog
sa dibdib ang pumpon ng bagabag
sa kamatayan ng kasalukuyan isang gabi
titingin tayo sa buwan sa araw sa langit
at lalanguin lalalangin sa ubod ng budhi
ang hinangad na pagbabagong
isinuksok sa ugat pagkat ipinagbabawal
ang droga na di madukal sa dasal
ng taong inunahan ng tungkulin
at itinatatak sa biktima ang kasalanan.
Kagabi lamang, bago ka kainin
ng gabi sa giniginaw na lansangan,
sinubukan mong ibulong ang aking pangalan,
sa aking tainga, habang pauwi ako sa himbing.
Naramdaman ko ang humpak mong pisngi.
Ang payat na mga kamay na humihingi
ng saklolo, marahan mong idinampi
sa buhaghag kong buhok at labi.
Naririyan pa rin sa iyong kamay at tinig
ang lambing na inagaw ng pagkagumon
sa lungkot at takot nang iwanan tayong duguan
ng kahirapan. Maging ako ma’y naudyok sumubok
sa darang ng paglipad kahit nakakadena sa lupa
ang mga paa. Bawat paalam mo at paglaot
sa dilim ay pangamba ng iyong pagkasira
at ng iyong kamatayang inilalawit-lapit
ng mga humaharurot na motorsiklo
na gumagambala sa ating dampa.
At ito ka, bangkay sa aking bisig.
Halang na bala sa ulo at dibdib.
Ang buhay mong talâ lamang,
mabilis na guhit ng patlang.
Isang malaking puwang.
Wala silang nalalaman
sa iyong tinatakasan.
Kung namamatay
lamang ang gabi,
naililibing, nitso
itong aming
sumamo
at krus
sa noo
ng mga
berdugo.