Lahat Tayo

L

Inihahalaw mo sa nabasang nobela
ang iyong haka ngayong gabi; na tila
hindi lamang sa salita ang pagmumula
ng lahat, kahit isinakdal na sa dakilang aklat
na ang lahat ay nagsimula sa salita.
Kaya nga’t kung mamaya, habang lumalalim
ang dilim at isang sambulat ng putok
ang umalingawngaw sa papawirin
o kung isang lagutok ng buto o bagsak
ng katawang ngalay sa apuhap ng buhay;
kung pipiliin mong ituloy ang naratibo
ng kabigha-bighaning nobela
at naudyukan kang lumalang ng isang tula
o vignette, o kahit anong maaaring isatitik;
kung mabulahaw ang lahat ng solitary
sa tikom mong silid, nawa ay maibangon mo
ang ulirat sa antok ng kawalan, silipin
kung hindi man masdan, ang bangkay
na nakabuwal sa iyong harapan, basahin
ang karatula, isalampak sa utak ang pahayag
bago magtirik ng kandila at makitang ikaw,
ang mukha sa likod ng dugo, baril o nobela.

About the author

MJ Rafal

Nagtapos at nagtuturo ng mga asignaturang Filipino, Malikhaing Pagsulat at Panitikan sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Kasapi siya ng KM64 Writers Collective at Concerned Artists of the Philippines.

By MJ Rafal