National Capital Region Cluster 1

N

Introduksyon

Paano itutula’t iuulat ang kawalan—ng alaala, ng kapasidad na umibig, ng kapangyarihang ihayag ang galit sa gitna ng gutom? Paano binabawian ng dila ang tumutunghay sa mga representasyon ng sarili, upang sa pagbulalas ng tutol at palag ay makikita na may iba pa palang naratibo at kuwento sa nakasanayang bista? Maraming paraan ng pag-iral, maraming pagsipat sa pag-iral. Pero ang pagmamalay mismo sa pagkakasalikop ng kasaysayan, pagkatao at modernidad ay nagiging mas mahirap lalo na sa panahon ng panulat ngayon ng mga nagtutunggaliang representasyon, imahinasyon at narratibo. Sa kuleksiyon na “Tuwing Dayatan at iba pang mga Tula” ni Andyleen Feje, pumapasok ang makata sa persona ng magbubukid sa modernong panahon. Nariyan ang tunggaling nasasabi ng mga matang tahimik na tumutunghay sa looban ng bahay ng kahati sa ani, at inuulat ang naaamoy na ulam ng ginisang upo na sinasagot ng kanyang kumakalam na sikmura. Hindi nababawasan ang pighati, impit man ang palag nararamdamang bumibitak sa paghihintay ang kamalayang pagod na sa sitwasyong salat.

Kasama sa natipon ang pagsubok ng kuwentistang si Honorio Bartolome De Dios ng pagtula. Gamit ang balangkas ng liriko, nagsasalaysay ang persona ng paghuhunos mula sa kiming katuwang sa gawaing bukid tungo sa nagtatanong na binatang hindi lang namulat sa unang tikim ng nasa sa kapwa lalaki, kundi ang pagtanggap sa kaalamang kailangang may bagtasin sa pagbabaklas. Basahin ang “Yungib” nang makita ang nakalulugod na interseksiyon ng pagtula sa kuwento, pagkuwento sa tula.

May batang persona ang “Cutter” ni Paolo Tiausas, at alinsunod sa kumbensiyon ng creative nonfiction, may pagtatahi ng mga cinutter at linaslas ring mga piraso ng gunita nito. Lumilitaw ang kondisyon ng pagkabatang middle class na bagamat mas maalwan sa karamihang tulad niya na ni walang tahanan o pambili ng pagkai’y gutom naman sa pagsasaysay kung bakit may takot siya sa kamay na pangkamot ng dating yaya, at kung bakit inuukilkil siya ng gunita ng mga sigawan sa pamilya sa isang espasyong tumatalbog ang mga katahimikan sa mga mahalagang tanong ng pagsasama, pagkalinga at paglaya.

Ang mga tula ni Christian Tablazon ay tumutupad sa lagi’t laging hinahanap sa mga tula—tibay ng talinghaga at pag-iral ng talinghaga sa anyo. Matipid sa mga salita, hagip ang dramatikong sitwasyon, at maliwanag na nagbibigay boses sa kasalimuotan ng pag-iral natin bilang mga mamamayan. Ang tulang “Sa Pomepii” ay tungkol naman talaga sa atin sa ngayon, kung paano tayo waring mga pinatigas na karbong labi ng mga pagsabog, na naghihintay ng simbolikong ulat sa kinabukasan.

Kuwento ng mga litrato ang “Faithful and Virtuous Night” ni John Toledo. Gamit ang estratehiya ng snapshot commentary, nasalaysay niya ang malungkot na pagkakawatak ng pamilya ng OFW, nalangkapan ng pait ng mga posibilidad ng ibang buhay, at metaporikal na pagsusupot ng ina niya ng mga “basura” sa bahay upang maibsan ang collective trauma ng mga babae at lalaking hinaharap ang pagiging balo habang buhay ang kabiyak. Nakatutuwa na sinikap ni Toledo na pag-ugnayin ang sosyolohikal na datos sa migrasyon at maging ang mga tinig sa Inferno ni Dante at ang mga tula, lalo na ang pagsasalaman ng linya ni Louis Gluck na “faithful and virtuous night”.

Pinili ang mga akdang ito dahil natutudla nila ang hininga ng kasalukuyang panahon. Kung paano tayo nilalagnat sa pagkakitid ng mga kalsadang maaring lagusan, kung paano tayo binubuyong makalimot sa mga pakikitunggaling dapat na hinarap, at kakaharapin, kung tatanganan ang paglaya.

Andyleen Feje

Honorio Bartolome de Dios

Paulo Tiausas

Cristian Tablazon

John Toledo

About the author

Luna Sicat-Cleto
By Luna Sicat-Cleto