Tandang Supeng

T

“Hanguin niyo na ang inyong mga sampay,” sabi ni Tandang Supeng sa may-ari ng bakuran na pinasukan niya. “Nariyan na ang ulan sa silangan.”

“Kami na po,” sabi ng may-ari ng bahay. Bakas ang irita sa kunot nitong mukha.

“May nagsabi kasing ako ang hahango ng inyong mga sinampay.”

“Wala.” Ang tinig, malakas, pirmi at matigas.

“Hanguin niyo na. Lalo na yung mga damit ng sanggol.” Nakatalikod na ito habang nagsasalita. Nililingon ang mga sampay.

“Oo. Kami na!”

Tirik ang araw. Maliwanag ang kalangitan. Maging sa direksyon na sinabi ng matanda.

Panglimang beses na niya iyong sinabi. Limang beses na rin itong nagbabalik-balik sa bahay na ‘yon. Maging sa ibang bakuran na may mga sampay, sa mga may-ari, sinasabi niya ang paghango sa sampay. Parehong dahilan, maulap na sa silangan. Parating na ang ulan.

Ulyanin na ang matanda. Kaya kahit kasasabi niya lamang ito, pagkalakad lamang ng sampung hakbang, babalik ito sa bahay na may mga sampay. Uulitin niya ang kanyang kaparehong dayalogo. Kahit na hirap ito sa paglalakad, pinipilit pa rin niyang makarating sa mga bahay na may mga sampay, kinukulit ang mga may-ari na hanguin na ang mga ito.

Dalawang talampakan na lamang ay mahahalikan na niya ang lupa dahil sa kukuba-kuba nitong postura. Binalot na ng katandaan ang kanyang mukha. Kulubot ang kutis na parang balat ng puno ng sampalok. Bagsak ang ibabang labi kaya tumutulo ang laway sa pagsasalita. Umaabo na ang kulay ng kanyang mga mata. Halatang hirap nang makaaninag at makakita. Wala itong anak. Wala ring asawa. Tanging ang mga pamangkin nitong inaruga niya noong mga bata pa ang walang humpay na sumisigaw at kabubulyaw sa kanya sa tuwing inaatake ng pagkaulyanin at nangungulit.

Bumalik si Tandang Supeng sa bahay nina Nita, isa sa kanyang mga pamangkin. Tumigil ito sa terrace, naupo sa pahabang bangko na gawa sa kawayan.

“Ano? ‘Di ba kayo nahihiya sa pangungulit ninyo sa mga kapitbahay?” sabi ni Nita. Malakas at matinis ang boses. Nag-aayos ito ng mga panindang gulay na hindi niya naibenta.

“E anong gagawin ko,” sabi ng matanda. Inaayos nito ang payong na bali-bali. “Meron ngang nagsabi sa akin na hanguin ko na ang mga sampay.”

“Walang nag-uutos sa inyo na hanguin ang mga sampay ng kapitbahay. Talagang ulyanin lang kayo.”

Hindi iniinda ng matanda ang pangungutya ng pamangkin. Ni hindi niya ito narinig. Hindi niya ito naintindihan. Sa kanyang isipan, may ibang boses na nagsasalita.

Malambing ang boses. Animo’y nanunuyo. Buo at mababa. Boses lalaki. Boses ni Unong.

Napangiti ang matanda, nakatulala.

*****

Hinahango ng isang babae ang dinengdeng na labong at saluyot sa kaserola. Inilagay niya ito sa malaking mangkok. Meron itong sahog na inihaw na bangus. Ipinatong niya ito sa ibabaw ng dinengdeng. Sa kainitan nito, maging ang lasa ay naaamoy. Malinamnam. Tamang timpla ng alat gamit ang bagoong.

“Mapapadami ata ang kain ko nito dahil sa masarap mong luto, Supeng,” sabi ng isang lalaki. Nananabik at natatakam.

“Talagang sinarapan ko ‘yang dinengdeng, mahal kong Unong,” sabi ni Supeng, maaliwalas ang mukha. May galak habang naghahanda. “Alam kong mapapagod ka at magugutom sa paggagapas. Kaya, bilang premyo ng kasipagan mo, ipapatikim ko ang pinakamasarap na luto ko.”

“Swerte ko talaga sa mahal ko. Panigurado, swerte ng magiging junior ko sa magiging nanay niya. Magiging malusog yun.” Humimas-himas si Unong ng kamay habang inilalapag ni Supeng ang mangkok ng dinengdeng sa kanyang harapan. “Baka pwedeng makapag-labing-labing pagkatapos kumain nang magawa na si junior.”

Napangiti si Unong. Gayundin si Supeng. May halong kilig.

“Ano ka ba, Unong?” sabi ni Supeng. “Nasa harapan ka ng hapag-kainan. ‘Yan ang sinasabi mo.”

“E bakit? Masama ba? Tayo lang naman dito a.” Hinila ni Unong si Supeng. Napaupo ang asawa nito sa kanyang hita. Ipinahiga nito sa kanyang kamay. Magkalapit ang mukha. Nagkatitigan silang dalawa. Natatanaw nila sa kanilang mga mata ang mga galak na nararamdaman. Unti-unti, nagkalapit ang kanilang mga labi, nagkadampi. Dama nila ang init at pananabik ng kanilang pag-ibig. Natigil ito nang tinapik ni Supeng ang balikat ni Unong. Pinakawalan siya ng lalaki.

“Kumain nga muna tayo,” sabi ni Supeng. Nag-ayos ng buhok na nagulo dahil sa panandaliang paglalalambing.

“Dalian mo at itutuloy natin ang ating sinimulan.”

“Ano ka ba, Unong? Ang init-init. Ipagpagabi mo na.”

Sa pagkakasabi niyang iyon, nakarinig ang dalawa ng malakas na kulog.

“Sakto,” nangingiting sabi ni Unong. “Lalamig na ang panahon.

“Hay naku. Kumain ka muna.” Napangiti ang babae. Ngiting nagpapakipot.

Kumain ang dalawa. Nagkwentuhan. Napag-usapan ang hinaharap. Napag-usapan kung ilang anak ang kanilang palalakihin. Kung anong mga pangalan ang ibibigay sa kanila. Kung saan nila pag-aaralin ang mga ito. Kung anong mga pangarap nila para sa kanilang mga anak.

Dalawang taon nang nagsasama sina Supeng at Unong. Dating trabahador si Unong sa isang rice mill. Sekretarya naman si Supeng sa parehong establiyemento. Sa araw-araw na pagkikita’t pagngingitian, nauwi ang lahat sa isang pinigilang pag-iibigan. Parehong ulila sa mga magulang. Ang kalingang hindi nila nakagisnan mula sa mga magulang ay natagpuan nila sa isa’t isa.

Iniuwi ni Unong ang kasintahan sa kanilang nayon. May lupang ibinigay ang kaniyang tiyuhin upang mapagtayuan ng bahay na ngayon ay kanila nang tinitirhan. Simple lamang ito. Di kakakitaan ng anumang karangyaan. Pawid ang bubong. Sawali ang pader. Matitibay ng puno ng nara ang mga pundasyon. Parehong laki sa hirap. Parehong laki sa simpleng buhay. Wala silang rangyang inaasam. Isang bagay na malimit na nakikita sa mga tulad nilang nasa ibaba ng lipunan.

Matapos kumain, nagligpit ng kainan si Supeng. Inihiwalay ang mga tinik. Tinipon ang sabaw. Inihalo ito sa pagkain ni Ambo, para may lakas itong tumahol sa sinumang magtatangka sa kanilang bahay. Siya ang pansamantalang nagiging anak ng ng dalawa.

“Malawak pa ba yung ginagapas niyo?” tanong ni Supeng, naghuhugas na ito ng pinggan.

“Kaunti na lang yun,” tugon ni Unong. Naupo ito sa kanilang terasa. Sa kawayang upuan, habang nagtitinga. “Baka hindi na abutin ng alas singko yun.”

“Mukhang tumama na naman si Mang Teroy niyan. Ang lawak ng kanilang sinaka ngayong taon di ba?”

“Panigurado yun. Mahigit anim na hektarya ang kanilang sinaka ngayon. Huwag lang sanang bumaba ang presyo ng palay. Baka malugi.”

“Magkano na ba ang presyo ng palay ngayon?”

“Ewan ko ba. Sabi nila may posibilidad na bumaba dahil sa…ewan ko. Sa batas daw ng gobyerno. Ewan ko kung ano yun. Basta huwag lang bumaba ang upa niya sa amin.”

Nakarinig muli ang dalawa ng kulog. Malakas at dumadagundong. Napalingon ang dalawa sa kalangitan. Ang kaninang tirik na araw ay nabalutan ng abong mga ulap. Makakapal at tila mabigat ang dala.

“Mukhang uulan pa ata, Unong.”

“Kaya nga. Nawala ang init ng panahon. Baka pwede nating ituloy ang naudlot kanina.”

“Ano ka ba? Baka mamaya daanan ka na ng mga kasama mo. Ipagpagabi mo na.”

Napangiti ang dalawa. Nagkatotoo nga ang tugon ni Supeng.

“Pareng Unong!” tawag ng boses mula sa kalsada. “Tara na! Nang maaga tayong matapos.”

“Sige Pareng Elo! Gagayak lang ako.” Pumasok si Unong sa kanilang bahay. Kinuha ang kumpay, gwantes at kaniyang sumbrero.

“Kita mo na?” sabi ni Supeng, nakangiti.

Lumapit si Unong sa asawa. Niyakap mula sa likod.

“Mamaya pagod ako. Kailangan ko ng lambing. Magpaganda ka. Isuot mo ang pinakanakakaakit mong damit. Dahil mamayang gabi, itutuloy talaga natin ang naudlot kanina.”

“Hay naku, Unong. Pumunta ka na.”

Nagngitian ang magkasintahan. Humalik si Unong bago lumabas.

Nang makalakad ng ilang hakbang mula sa bahay, bumalik si Unong. “Hanguin mo na ang iyong mga sampay. Nandyan na yung ulan sa silangan.”

Hindi na nakatugon si Supeng. Kumaripas ng takbo si Unong papunta sa kasama.

*****

“Ano ka ba, Pareng Elo? Masyado ka namang maagang manundo. Wala pang ala-una,” sabi ni Unong. “Hindi tuloy namin nagawa ni Supeng ang gagawin namin.”

Napahalakhak si Elo. “May gabi pa, pare. Kailangan muna nating kumayod bago bumayo. Saktong-sakto at uulan pa ata. Malamig mamayang gabi.”

Ilang sandali nga lang ay nakaramdam na ng patak ang magkumpare. Nang una’y kaunti lamang ito hanggang sa bumuhos na nang tuluyan nang sila’y nasa tapat na ng puno ng kaimito. Tumingala sila sa kalangitan. Napatakip sila ng mata nang kumislap ang kidlat. Malakas na kulog ang sumunod. Naramdaman nila ang bahagyang pagyanig dulot ng dagundong.

“Sumilong muna tayo!” sabi ni Elo. Tumakbo ito patungo sa puno ng kaimito.

Hindi agad narinig ni Unong ang sinabi ng kumpare dahil sa lakas ng ulan at sunod-sunod na kulog. Napansin niya na lamang na kinakawayan siya ni Elo nang nakasilong na ang kumpare sa kaimito. Kumaripas na rin siya ng takbo patungo sa puno. Natigilan ito nang mapigtas ang kanyang tsinelas. Naupo ito’t inayos ang pantapak. Halos basa na siya ng ulan nang matapos. Hindi pa rin tumigil ang pagkidlat at pagkulog. Tumingala siya upang muling tingnan ang kalangitan. Palagay nito’y hindi na sila matutuloy sa paggagapas. Maiitim ang mga ulap. Mabibigat ang dala. Nakakakita siya ng pagkislap sa loob nito. Hanggang sa makakita siya ng isang linya ng liwanag. Pababa ito. Huli na nang kanyang mapagtanto na sa kanya ito patungo. Palapit nang palapit. Hanggang sa binalot na ang kanyang paningin ng liwanag, at ang kanyang pakiramdam ng nakamamanhid na init. Bumagsak ang kanyang katawan. Sumunod na bumalot sa kanya ay lamig at walang hanggang kawalan.

*****

Hindi pa nagtatagal nang umalis ang kanyang asawa’y nakarinig na si Supeng ng patak ng ulan sa kanilang bubungan. Noong una ay kaunti lamang. Hindi naglaon, sunod-sunod na malalaking patak ang bumuhos mula sa kalangitan. Sinabayan ito ng isang mabilis na kidlat. Walang humpay ang pagkidlat. Malakas ang mga kulog na kasunod. Ilang sandali lamang ay nakita niya ang isang liwanag na pababa. Hindi kalayuan ang pinagbagsakan ng liwanag. Dinig niya ang malakas na lagitik nitong tunog na kapareho ng pinaputok na baril.

Hindi na nagawang hanguin ni Supeng ang mga sampay na ibinilin ni Unong. Sa halip, nilingon niya ang direksyon ng pinagbagsakan ng liwanag. Nakita niya ang nagkukumpulan na mga tao malapit sa puno ng kaimito. Pinagkukumpulan nila ang isang taong nakahandusay.

Samantala, nakita ni Supeng ang kaniyang Pareng Elo. Tumatakbo, palapit sa kanilang bahay.

“Supeng!” tawag ni Elo. May takot at pangamba. “Si Pareng Unong. Tinamaan ng kidlat. Hindi na tumitibok ang kaniyang puso.”

Napaluhod si Supeng. Tumahimik ang kaniyang paligid sa kabila ng lakas ng ulan. Animo’y nabingi ito. Wala siyang ibang narinig. Maliban sa mga huling habilin ni Unong sa kanya bago umalis.

Hanguin mo na ang iyong mga sampay. Nandyan na yung ulan sa silangan.

*****

Dahil sa katandaan, hindi mabilang kung ilang beses umaatake ang pagka-ulyanin ni Tandang Supeng. Hindi niya maalala na nagpunta ito sa kapitbahay ng kaniyang pamangkin na si Nita, sa kapitbahay na merong sampay.

Kaya, ilang minuto lang nang maupo ito galing sa mga sampay ng kapitbahay, tumayo ulit ito’t bumalik. Pinaalalahanan niya muli ang may-ari.

“Hanguin niyo na ang inyong sampay. Nariyan na ang ulan sa silangan.”

About the author

Arthur Allen P. Baldevarona

Guro sa Rizal National High School sa Rizal, Nueva Ecija. Naging fellow sa Nueva Ecija Personal Essay Writing Workshop 2018. Kasapi ng Samahang Lazaro Francisco at finalist sa Unang Gawad Lazaro Francisco noong Pebrero 2020.

By Arthur Allen P. Baldevarona