Southern Tagalog & Bicol Region

S

Introduksyon

May kung anong himig ang maaaninag sa koleksyon ng mga tula ni Vanessa T. Haro. Sa tulang “Maging sa Silid,” lagusan ang mga damdaming nabuo/binuo sa paghalukay sa bawat sulok ng silid, habang binabalikan ang tagpo ng mga sangang nakalutang sa tubig. May malalim na ugnayan ang kaniyang silid sa mga binuong karanasan at tagpuan sa dalampasigan upang marating ang sinasabing “ating” silid. Doon, sapat na … upang umalon ang buong paligid. Ganito rin ang nabuo sa tulang “Sa Aming Sala,” umaagos ang agwat at lungkot sa mga taludtod ng tula. Ang unti-unting paglawak ng puwang ay simula ng panlilinlang hanggang umabot sa pagkukulang. Walang nababago sa sala ng bahay, subalit mapapansin ang agwat sa kanilang sala – sa aming sala. Sa sala lantad ang agwat, ang kaloob-looban, walang saplot at hubad ang lahat. Doon masisilat ang agwat. Maging ang tulang “No Permanent Address” ay pagtukoy sa teritoryo ng kaniyang daigdig kung saan kasama sa paglikas, may maiiwan man sa tuwing mag-eempake, iisa ang rebelasyong mabubuo, ang tahanan ay walang katapusang/ Paggagayak ng mga iniwan. Marami pa ang matutuklasan sa mga Tula ni Vanessa, kung saan ang pagbubunyag ng distansiya ay pagkupkop sa sarili na yayakapin ang pag-iisa.

Magkahalo naman ang pormal na pag-aaral at personal na karanasan ni Emmanuel Jayson Bolata sa kaniyang sanaysay na “Ilang Talang Di-buo sa Pag-aaghamtao: Isang Bulawlaw na Pagsasanaysay.” Gamit ang personal na danas sa pagtikim ng mga kakanin tulad ng balisungsong, sinugno at gurgurya, nakabuo si EJ ng isang larawan at lunsuran upang balikan ang kaniyang pinagmulang bayan. May pinagbatayan, ika nga, at historikal na tala ang kaniyang banat sa mga ngalan at tawag sa mga lugar sa kanilang bayan sa Marinduque. Nagbibigay ito ng isang malawak na pang-unawa kung sinuman ang babasa ng kaniyang akda at larawan kung paano nabuo at naging makulay at makasaysayan ang bayan ng Marinduque. Saan man mapadpad dala ni EJ ang parehas na kulay at tingkad ng makasaysayan niyang bayan.

May kung anong puwersa ang mga tula ni Fernando Chavez. Halata sa linis ng taludtod at ang mga pigil ng buga ng wika. May talas ang titig/ Ng nag-aabang… sabi nga sa tulang “Estranyo/Kakatwa.” Maging ang tulang “Pwera-Biro” ay walang halong biro ang pagpansin sa kapaligiran na sakal ng salot. Nakagugulat ang pahayag mula sa kaniyang mga tinuran, mula sa kaniyang hinog na kahibangan.

Hindi kataka-takang may bagong uusbong na manunulat at kwentista para sa mga bata na magmumula sa Bicol. Malayo ang mararating ng mga kuwento ni Pejay A. Padrigon. Marami rin ang maantig na bata sa mga kuwentong ginawa niya. Ito ang pinauusbong ngayon, tumuklas ng mga literaturang pambata katulad ng “Anino ni Niño,” na naglalayon at nagpapakita ng malalim na kahulugan kung bakit hindi dapat sumuko ang mga bata sa paggawa ng kabutihan at maging mabuti rin sa mga tao na walang iniisip na pagkutya o paghusga sa kakayanan ng bawat isa.

Vanessa Haro

Emmanuel Jayson Bolata

Fernando Chavez

Pejay Padrigon

About the author

Niles Jordan Breis
By Niles Jordan Breis